Mata ni Boss

Lumaki si Arnel sa pagbabanat ng buto upang mabuhay at makapag-aral. Simula noong hayskul ang binata ay siya na ang sumuporta sa kaniyang sarili upang makapagtapos ng pag-aaral. Naranasan na niya ang maging service crew, weyter at mensahero ngunit kahit isa sa mga naging trabaho ay wala pa siyang naging mabait na boss.

“Seryoso po ba kayo ma’am? Personal na I.T. specialist at assistant ako ng presidente natin?” nanginginig na tanong ni Arnel sa kanilang HR.

“Oo, ayaw kasi nun ng babaeng sekretarya. Sakto naman na gusto niya ang ugali at galing mo raw sa teknolohiya kaya ikaw talaga ang pinili niya,” sagot naman sa kaniya ni Ms. Marla, ang HR head sa kanilang opisina.

“Mag-uumpisa ka na bukas. Ipapaayos na namin ang magiging pwesto mo roon malapit sa opisina ni boss,” dagdag pa nito.

Simula nang makapagtapos ng kolehiyo ang binata ay ito na ang kompanyang pinagtrabahuhan niya bilang IT. Halos tatlong taon na rin ang pananatili niya at pakikisama sa ibang mga katrabaho na napakaliit ng tingin sa kaniyang kakayahan. Kaya naman wala siyang mapagsidlan ng kaligayan ngayon dahil ang may-ari pa mismo ang nakapansin sa kaniya.

“You don’t need to be nervous kapag kasama mo ako. Just be who you are, I want to know you more,” bati sa kaniya ni Mr. Yu, ang may-ari at presidente ng kanilang kumpanya.

“Yes, sir! I will always do my best,” masiglang sagot naman ni Arnel dito. At ‘yun na nga ang simula ng araw na dininig ng Diyos ang lahat ng kahilingan niya. Naging napakabait at napakagaan ng trabaho ni Arnel sa kaniyang bagong posisyon. Tinitingala na rin siya halos lahat ng mga kasamahan niya sa trabaho.

Simula sa pinakamaliit na impormasyon hanggang sa pinakasensitibo ay alam ni Arnel. Mabilis lamang din niyang nakuha ang loob ni Mr. Yu kaya naman naging magaan ang loob sa kaniya nito.

Advertisement

“Kuya, ang bait naman pala ng boss mo! Grabe, ang dami na nating bagong gamit dito sa bahay. Ang swerte mo talaga!” masiyang bati sa kaniya ni Niño habang hawak ang bagong USB, bunsong kapatid ng lalaki.

“Oo, kaya dapat ingatan mo ‘yang mga bigay ko sa’yo, gamitin mo ‘yan sa mga projects mo,” sagot nniya sa kapatid sabay hawak sa ulo nito.

“Kuya, baka naman may mga lumang cellphone ang amo mo. Baka pwedeng hingin mo na lang din para naman may cp na rin ako,” hirit pang muli ni Niño na nasa hayskul na ngayon. Hindi na sumagot pa si Arnel at ngumiti na lang siya sa kapatid.

Hindi lamang sa trabaho maluwag sa kaniya si Mr. Yu, kung ‘di pati sa pagkain at mga kagamitan sa opisina na hindi naman ginagamit ng kanyang boss o ‘di kaya naman ay nakukuha ng libre sa mga meetings o seminars na pinupuntahan nito.

Kinaumagahan ay naisip kaagad niyang humingi ng panibagong company phone upang mabigay niya ang isa pa sa kaniyang kapatid.

“Ms. Marla, kailangan ko nga po pala ng bagong company phone. ‘Yung iphone na katulad sana ng gamit ni boss,” saad ni Arnel sa kanilang HR.

“May phone ka pa naman ‘di ba? Bakit iphone ang hinihingi mo, Arnel?” tanong sa kaniya ng babae.

“Hindi kasi kami parehas ng telepono ni Mr. Yu, nahihirapan akong sabayan siya sa mga meetings at iba pang tawag na kailangan gawin dahil pagong na ‘tong cellphone na bigay niyo. Bigyan niyo na lang ako kung ayaw niyong si Mr. Yu pa ang mag-utos sa inyo,” matapang na sagot ni Arnel sa babae.

Advertisement

Hindi na sumagot pa si Marla at mabilis na lamang na inasikaso ang sinabi ni Arnel. Marami nang nakakapagsabi sa kaniya na humambog nga raw si Arnel nitong mga nakaraang buwan at umakyat na raw ang posisyon nito sa kaniyang ulo kaya naman kung umasta ay parang may-ari na rin ng kompanya. Mabilis pa sa alas kwatro ay nabigyan kaagad ng bagong telepono si Arnel.

“Arnel, is that new?” bati sa kaniya ni Mr. Yu nakakarating lamang sa opisina galing sa paglalaro ng golf.

“Yes, boss, actually we have the same unit. Para naman po makasabay ako sa inyo,” kampanteng sagot ni Arnel dito.

“O, I see. Come inside my office so we could check it,” nakangiti pang pahayag ni Mr. Yu sa kaniya.

“Galing ko talaga, nakukuha ko na lahat ng gusto ko,” isip-isip ni Arnel habang papasok sa opisina ng kaniyang boss.

Maya-maya pa ay may inabot na isang papel si Mr. Yu sa kaniya.

“Please add the new iPhone there,” utos ni Mr. Yu sa kaniya.

Napalunok naman ng laway si Arnel sa kaniyang nakita dahil listahan ito ng lahat ng mga bagay na inuwi niya galing sa opisina.

Advertisement

“Boss, ano po ito?” nanginginig na tanong ni Arnel sa kaniyang amo.

“Hindi mo ba nakikita? Iyan lahat ang mga bagay na nandito sa opisina ko dati pero inuwi mo na ngayon, may ilan din diyan na kinuha mo ng walang permiso ko. Hindi naman ako galit at hindi naman bago sa akin ang mga kagaya mo, I just thought na iba ka sa kanila kasi galing ka sa hirap at gusto mo magpursige sa pagtratrabaho. Pero, Arnel, sobra akong nalulungkot dahil nabulag ka ng mga materyal na bagay dito sa opisina ko,” diretsong sinabi iyon ni Mr. Yu sa kaniya. Ngayon lamang niya narinig na magtagalog ang kaniyang amo at seryoso ito.

“Ang pagkuha mo ng iPhone ay sobra na para sa posisyon at pagsasawalang kibo ko. Sana mas binigyan mong pansin ang mga matututunan mo pa sana bilang assistant ko pero hindi, mas pinili mo ang landas na iyan kaya naman paalam na sa’yo, Arnel. You’re fired,” dagdag pa nito.

Hindi na nakasagot pa si Arnel at mabilis na nag-alsa-balutan ng kaniyang mga kagamitan. Para siyang nilamon ng lupa sa sobrang kahihiyan. May hidden camera pala si Mr. Yu kaya nalaman ng lalaki ang lahat ng kaniyang mga inuuwi sa kanilang bahay. Iniwan niya ang telepono at humingi siya ng dispensa kay Mr. Yu. Mabuti na lamang at mabait pa rin ito dahil hindi na siya pinagbayad pa ng kahit piso ngunit ang kapalit naman nito ay isang malagim na alaala para sa kaniyang pangalan, apelido at trabaho.

Ngayon lahat pinagsisisihan ni Arnel ang kanyang pagnanakaw. Minsan na lamang siya nakatagpo ng mabait na amo ay niloko pa niya. Hindi rin ibig sabihin na kampante ang mga amo natin ay wala na silang paki-alam dahil araw-araw pala nila tayong sinusubukan. Hindi lang sila kung ‘di pati ang mga matang nakatingin sa itaas.