Inday TrendingInday Trending
Pagkakaibigang Sinira ng Maling Paratang

Pagkakaibigang Sinira ng Maling Paratang

Kapatid ang turing ni Emerald sa kaibigan niyang si Agnes. At dahil malaki ang tiwala niya sa dalaga ay pinatira niya ito sa kaniyang condo nung pinatalsik ito sa inuupahang apartment. Pabor ito para sa dalaga dahil isang taon din siyang maglalagi sa probinsiya. May magbabantay ng kaniyang tirahan habang wala siya. Si Emerald kasi ang naatasan ng kanilang kompaniya na pansamantalang mamahala sa bagong tayong branch ng kompaniya sa Davao.

“Ikaw na ang bahala dito, Agnes, ha? Huwag mo na munang problemahin ang bayad sa upa at iba pang bayarin dito sa condo. Alam kong gipit ka ngayon. Unahin mo muna ang paghahanap ng trabaho. Pagbalik ko ay tsaka na lang natin pag-usapan ang paghahati sa mga gastusin,” bilin ni Emerald sa kaibigan.

“Pasensiya ka na talaga, Emerald. Wala lang talaga ako ngayon. Huwag kang mag-alala. Iingatan ko ang mga kasangkapan mo dito. At sa oras na makahanap ako ng trabaho babayaran ko paunti-unti ang lahat ng mga naitulong mo sa akin,” sagot ni Agnes.

“Naku, wala iyon. Mabuti nga at may mangangalaga nitong condo habang wala ako. Sige, aalis na ako. Kung sakaling may problema tawagan mo na lang ako,” saad ni Emerald.

Isang taon ang lumipas. Ang dating magandang pagkakaibigan ng dalawang babae ay bigla na lang nawasak ilang araw matapos makabalik ni Emerald galing Davao. Ni sa hinagap ay hindi pumasok sa isip ng dalaga na sa kabila ng lahat ng kabutihang iginawad niya kay Agnes noong ito ay nangangailangan ay pagnanakawan pa siya nito. Sinira ng babae ang tiwala niya.

“Wala kang utang na loob! Pagkatapos ng lahat ng ginawa ko para sa iyo ito pa ang igaganti mo sa akin. Libre na nga ang pagtira mo sa condo ko. Walang kang binabayarang tubig at kuryente. Ultimo bituka ng kusina ko ikaw ang nakinabang tapos pagnanakawan mo pa ako! Nasaan na ang diamond set kong alahas? Nasaan na ang credit card ko? Pahihiramin naman kita ng pera kung talagang gipit ka, eh. Pero bakit ganito? Ilabas mo ang mga ninakaw mo!” sigaw ni Emerald kay Agnes.

Nanindigan si Agnes na wala siyang ninanakaw na kahit na anong pag-aari ng kaibigan pero dahil siya lamang ang nanirahan sa condo noong wala ang babae ay wala na itong iba pang mapagbibintangan. Hindi nagawang patunayan ni Agnes na inosente siya at dahil hindi niya mailabas ang mga nawawalang alahas at credit card ay ipinakulong siya ni Emerald sa salang pagnanakaw.

Isang araw ay bumisita ang nakababatang kapatid ni Emerald sa kaniyang condo. Dala ng kaniyang kapatid ang mga gamit na hiniram nito sa kaniya bago siya nadestino sa Davao. Kabilang sa mga gamit na isinauli ng kapatid ay ang mga nawawalang alahas ng babae.

Dahil aburido si Emerald sa paghahanda niya ng kaniyang mga kakailanganin sa paglipat niya sa Davao ay nawala sa isip niya na hiniram pala ng kaniyang kapatid ang kaniyang diamond set na alahas.

“Oo nga pala, ate. Muntik ko nang makalimutan. Pinabibigay nga pala ito ni mama. Siguro hindi mo napansin na naiwan ito sa loob ng bag nung tinanggal mo ang mga laman nito. Iyong itim na leather bag na hiningi sa iyo ni mama,” saad ng kapatid ni Emerald habang iniaabot nito ang nawawalang credit card ng babae.

Natulala si Emerald sa kaniyang kinatatayuan. Ni hindi na niya namalayan na nakaalis na ang kaniyang kapatid. Mayamaya ay sunud-sunod na ang pagtulo ng mga luha ng babae nang mapagtanto niya na inosente ang kaniyang kaibigan. Hindi siya ninakawan ni Agnes. Siya ang sumira sa kanilang pagkakaibigan. Sinira niya ang maganda nilang pagsasama noong hindi siya nagtiwala sa kaniyang kaibigan.

Nang mahimasmasan na si Emerald ay agad siyang nagtungo sa presinto para palayain ang kawawa niyang kaibigan. Iniurong na niya ang demanda niya laban dito.

Paglabas ni Agnes sa presinto ay nabigla siya nang biglang lumuhod sa kaniyang harapan si Emerald.

“Patawad, Agnes. Hindi ko sinasadya na paratangan kang magnanakaw. Sinira ko ang pagkakaibigan natin. Patawad kung hindi ako nagtiwala sa iyo. Nagpalamon ako sa galit ko at nabulag ako. Nakalimutan ko kung gaano kabuti ang iyong puso. Sana ay maiayos pa natin ang ating pagkakaibigan. Sana maibalik pa natin ang maganda nating samahan. Patawarin mo sana ako,” pagsusumamo ni Emerald.

“Hindi kaibigan ang turing ko sa iyo, Emerald. Hindi rin kita kaaway. Kapatid ang turing ko sa iyo. Hindi na mahalaga kong nasaktan mo ako. Ang mas mahalaga ngayon ay alam mo na ang totoo. Na hindi kita kayang saktan. Na hindi ko sisirain ang tiwala mo sa akin. Mahalaga sa akin ang ating pagkakaibigan kaya wala akong maisip na dahilan para hindi kita patawarin. Ang hiling ko lang sa iyo ay sana mas magtiwala ka sa akin. Mahirap mawalan na isang tunay na kaibigan. Ayaw kong mawala ka sa buhay ko,” tugon ni Agnes.

Dahil sa pangyayari ay lalong tumibay ang pagkakaibigan ng dalawang babae. Patuloy nilang tinutulungan ang isa’t isa sa panahon ng kagipitan at patuloy nilang pinagsasaluhan ang mga magagandang pangyayari sa kanilang buhay. Ang pinagkaiba nga lang ay buo na ang tiwala ni Emerald sa kaibigan niyang si Agnes.

Advertisement