Inday TrendingInday Trending
Naging Abogado ang Lalaking Ito Dahil sa Pan De Coco, Alamin Natin ang Kaniyang Kwento

Naging Abogado ang Lalaking Ito Dahil sa Pan De Coco, Alamin Natin ang Kaniyang Kwento

Wala naman sa pangarap ni Edward ang maging abogado, masaya na siya na nakapagtapos siya ng HRM at ngayon ay isang tiga-luto sa isang sikat na fast food chain.

“Anak, alam mo ba noong bata pa ako ay pangarap ko na ang maging abogado. Sana anak dumating yung araw na magustuhan mo iyon,” saad ni Aling Juana ang nanay ng binata.

“Ma, pwede bang kay bunso mo na lang ipagawa yung pangarap mo dahil pagod na talaga akong mag-aral. Isa pa mas gusto kong kumain nitong tinapay na gawa mo sa tuwing magpapahinga ako. Ang law school walang tulog, walang pahinga, walang ibang buhay kundi libro at mga kaso tapos magkakabisa ka ng iba’t-ibang artikulo kaya ma, ayos na ako sa pagiging cook at tambay mo,” pahayag ni Edward sabay kain ng pan de coco.

Maliit pa lang si Edward ay nabuhay na silang dalawang magkapatid sa tinapay na ginagawa ng kanilang ina, may maliit kasi silang panaderya at sikat ang mga tinapay na gawa ng ale dahil sa masarap na lasa nito. Kaya nga lumipas ang panahon ay lumaki at napalago din ang kanilang negosyo na siyang pinagkakakitaan nila ngayon.

“Anak, kapag nag-abogado ka e hindi ako magsasawang gawan ka ng maraming masasarap na tinapay, cookies at iba pang mas magpapatalino sa pinakapogi at pinakamatalino kong bonjoy!” saad ng ale sabay halik sa mukha ng binata.

“Saka kung aantayin ko pa si Emily e baka ugod-ugod na ako nun ay hindi pa rin siya abogado,” dagdag pa ng ale. Sampung taon ang agwat ni Edward sa kaniyang bunsong kapatid na si Emily, matagal siyang nasundan dahil OFW ang kaniyang ama na tig limang taon ang kontrata.

“Mama, 22 anyos na ako e bonjoy pa rin ang tawag niyo sa akin. Pag-iisipan ko ho,” baling ni Edward sa kaniyang ina.

Hindi nagtagal ay nag-aral rin si Edward ng abogasya dahil nais niyang pagbigyan ang hiling ng mahal na ina, nasa unang taon pa lang ang lalaki at sukong suko na siya.

“Ma, sabi ko naman sa’yo hindi ko ito kaya e!” wika ni Edward sa ina nang makauwi ito sa kanilang bahay.

“Anak, lahat ng bagay natututunan at napag-aaralan. Kailangan mo lang maniwala sa sarili mo na kaya mo at mahal mo ang ginagawa mo,” baling sa kaniya ng ina.

“Ito ang pan de coco oh, mainit pa ito. Kainin mo muna at magpalamig ka anak, kung talagang hindi mo na kaya ay pwede ka namang tumigil,” dagdag pa ng ale at hinalikan si Edward sa noo.

Paulit-ulit na binabalik ng binata ang mga katagang iyon sa tuwing mahihirapan siya.

“So iyon ba ang dahilan kung bakit ayaw mong kumain ng kahit anong tinapay? Dahil mas gusto mo ang tinapay na gawa ng nanay mo?” tanong ni Kim, isa sa mga kaklase ni Edward sa law school.

“Hindi, may mas malalim pang rason. Hayaan mo at makwekwento ko din sa inyo,” sagot naman ni Edward.

“Pwede bang magpagawa ka ng pan de coco sa nanay mo at dalhan mo naman kami baka sakaling maging kasing talino mo rin kami brod,” saad naman ni Alwin, isa pang kaklase ni Edward.

Hindi sumagot ang lalaki at bumalik ito sa pagbabasa, matalino si Edward at kahit na nangunguna sa kanilang klase ay nananatiling mapagkumbaba ang lalaki.

“Anak, pasensya ka na. Pero hindi ko na masusuportahan pa ang pag-aaral mo. Ubos na kasi ang pera natin,” wika ni Mang Edy ang ama ng binata.

“Ayos lang ho itay, magtratrabaho na lang ako ulit,” sagot naman niya.

“Hindi mo ba gustong huminto na lang? Diba’t ayaw mo naman sa kursong iyan,” tanong pa ng ama.

“Hayaan niyo itay, hindi ho magiging pabigat ang pag-aaral ko dahil kaunting panahon na lang ay matatapos na rin naman ako,” baling pang muli ng binata saka siya ngumiti sa ama.

Bumalik sa pagtratrabaho si Edward at ipinagpatuloy niya ang pag-aaral. Natapos niya ang kurso ngunit hindi na siya nakapag enroll pa sa mga bar exam review at sinikap na lang ang mag-aral mag-isa.

Puyat, luha, hinagpis, kaba, takot, sipag at dasal ang naging puhunan ni Edward nang siya ay sumalang sa apat na linggong pagsusulit. Bawat linggo ay dala-dala niya ang pan de coco ng ina at palagi niyang hawak ang tinapay at rosaryo na nasa kaniyang bulsa.

“Anak! Abogado ka na!” sigaw ni Mang Edy nang kinakatok ang kwarto ni Edward. Lumabas na ang resulta at isa sa mapapalad na bagong abogado si Edward, nagtatatalon siya sa tuwa habang lumuluha.

Mabilis siyang nagbihis para puntahan ang kaniyang ina, nagpolo ito at pinuyod niya ang kaniyang buhok na humaba na rin dahil sa pag-aaral ng batas.

“Ma, ano nakikilala niyo pa ho ba ang panganay nyo? Long hair na ako, sabi ko naman sayo e maraming kalokohan sa law school kaya medyo tumanda at pumangit ang bonjoy niyo,” saad ng binata.

“Ma, alam mo bang itong pan de coco ang naging sandigan ko para makapag-aral at hindi rin ako tumikim ng ibang tinapay kasi ganyan kita kamahal. Gusto ko tinapay mo lang ang kakainin ko,” dagdag pa nito at nagsimulang bumuhos ang kaniyang mga luha.

“Hayaan mo ma, ngayong abogado na ako ay mahahanapan na kita ng hustisya,” wika ni Edward habang nakatayo sa puntod ni Aling Juana.

Noong gabi na umuwi siya at sinabi niyang hindi na niya kaya pa at binigyan siya ng pan de coco ng ale ay siya na rin pa lang huling sandali nito sa mundong ibabaw. Dahil kinaumagahan noon ay nabiktima ang kaniyang ina ng mga magnanakaw na nakasakay sa motor at dahil nanlaban ang ale ay agad siyang pinaputukan ng baril na siyang ikinasawi nito.

Ang huling tinapay na gawa ni Aling Juana ang huling tinapay na kinain ni Edward at ang huling piraso nito ay priniserve niya saka nilaminate at ginawang keychain.

Hindi siya tumikim ng ibang tinapay dahil nais niyang maiwan ang lasa na gawa ng kaniyang ina, natatakot kasi siyang baka makalimutan iyon kapag kumain siya ng iba.

“Sana masaya ka ngayon na may abogado ka nang anak,” saad ni Edward habang yakap pa rin ang puntod ng ale.

Advertisement