Inday TrendingInday Trending
Sa Sobrang Galit ng Nanay ay Inilublob Niya sa Timba ang Ulo ng Anak, Natauhan Siya sa Sinabi Nito Pagkatapos

Sa Sobrang Galit ng Nanay ay Inilublob Niya sa Timba ang Ulo ng Anak, Natauhan Siya sa Sinabi Nito Pagkatapos

Lumaki si Danica na salat sa pagmamahal ng kanyang ina, si Rosenda. Palagi na lang siya nitong pinagbubuhatan ng kamay. Sa konting pagkakamali lang niya ay nakakatanggap na agad siya ng kurot at sampal mula rito.

Nang magkasakit ng malubha at maagang pumanaw ang kanyang ama ay mas lalong lumayo ang loob nito sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit, minsan nga ay naiisip niya na isa siyang ampon.

Nang minsang ipagdiwang niya ang kanyang ika-labintatlong kaarawan ay hindi man lang nito naalala ang espesyal na araw niya. Naiinggit nga siya sa mga kapatid dahil kapag tuwing sumasapit ang kaarawan ng mga ito ay binibigyan ang mga ito ng regalo ng kanyang ina samantalang siya ay hindi man lang nito mabati. Mabuti na lang at nariyan ang kanyang Lola Arsenia na mahal na mahal siya.

“Lola, hindi ba ako mahal ni Mommy?” malungkot niyang tanong sa matanda.

“Bakit mo naman naitanong, apo?”

“Kasi po kung ituring niya ako ay parang hindi niya ako anak. Siguro po ay ampon lang ako nina Mommy at Daddy,” aniya.

Niyakap nang mahigpit ng matanda ang dalagita.

“Alisin mo iyan sa isip mo, apo. Mahal ka ng Mommy mo gaya ng pagmamahal sa iyo ng Daddy mo,” anito.

Ang sinabing iyon ng kanyang Lola Arsenia ay patuloy niyang pinanghahawakan.

Isang araw ay hindi niya sinasadyang nasira ang laruan ng bunso niyang kapatid. Aksidente niya kasing natapakan ang kotse-kotsehan nito. Nakita ng kapatid ang ginawa niya at nag-iiyak ito. Narinig ni Rosenda ang iyak ng anak kaya dali-dali itong pumunta sa sala.

“Bakit ka umiiyak Jayjay?” nag-aalala nitong sabi.

“Sira niya laluan ko!” sumbong nito sa ina at itinuro si Danica.

“Bakit mo pinapaiyak ang kapatid mo? Sinira mo pa ang laruan niya!”

“H-hindi ko po sinasadya na matapakan ang kotse-kotsehan ni Jayjay.”

Sa sobrang galit ay hinila nito ang buhok niya at kinaladkad siya papasok sa kanyang kuwarto.

“Mommy, huwag po, masakit!” aniya.

“Hindi ka lalabas ng kuwarto hangga’t hindi ka nagtitino! Ang bata-bata pa ng kapatid mo pinapatulan mo!”

“Pero, hindi ko nga po sinasadya ang nangyari,” paulit-ulit niyang paliwanag sa ina.

Isinara nito ang pinto ng kuwarto at ikinandado iyon para hindi siya makalabas.

“Parang awa niyo na po, Mommy. Hindi ko po sinasadya. Palabasin niyo po ako rito!” pakiusap niya.

Maya- maya ay narinig ng kanyang Lola Arsenia ang kanyang sigaw. Dali-dali nitong tinanggal ang kandado at pinalabas sa kuwarto ang apo.

“Lola, si Mommy ayaw niyang maniwala na hindi ko sinasadyang masira ang laruan ni Jayjay!” iyak ng dalagita.

“Hayaan mo at kakausapin ko ang Mommy mo.”anito.

Kinompronta nga ng matanda si Rosenda sa ginawang pagkulong ng manugang sa kanyang apo.

“Bakit mo naman ikinulong ang anak mo sa kuwarto, Rosenda? Parang nasira lang ang laruan ng bunso mo ay ganoon na lang ang pagkamuhi mo sa panganay mo.”

“Inay, hindi niyo po ako naiintindihan kaya maaari po ba huwag na kayong mangialam!” malakas na sabi ng manugang.

“Pero nakakaawa naman iyong isa mong anak. Para kasing wala kang pakialam sa nararamdaman niya, e!” tumaas na rin ang boses ni lola Arsenia.

“Puwede ba inay, tigilan niyo na ako! Kaya nagkakasungay ang apo niyo dahil kunsintidor kayong lola!” anito.

May sasabihin pa sana ang matanda nang biglang nanikip ang dibdib niya. Nagulat si Rosenda nang atakihin sa puso ang biyenan. Isinugod pa nila sa ospital si Lola Arsenia ngunit hindi na ito umabot ng buhay. Ikinasawi ng matanda ang labis na sama ng loob sa ginagawa ni Rosenda sa apo.

Matapos na mailibing si Lola Arsenia ay labis-labis ang pagluha ni Danica dahil ang nag-iisang kakampi niya sa bahay ay nawala pa.

“Lola, bakit niyo naman po ako iniwan? Kayo na lang po ang kakampi ko, e!” sabi ni Danica sa sarili habang patuloy na tumatangis.

Isang gabi, habang naghuhugas siya ng pinggan sa kusina ay nilapitan siya ng isa pa niyang kapatid na si Gayle. Nagpapaturo ito ng homework.

“Ate, turuan mo naman ako sa Math!

“Mamaya na ha, naghuhugas pa ng pinggan ang Ate,” sabi niya sa kapatid.

Nang biglang natabig nito ang babasaging pitsel na nasa gilid ng mesa. Bumagsak iyon sa sahig at nabasag. Dahil natakot sa ginawa ay nag-iiyak ang batang babae. Nagtangka itong umalis ngunit di sinasadyang nabubog ang paa ni Gayle na lalong nagpalakas sa iyak nito. Narinig ni Rosenda ang pag-iyak ng anak at agad na pumunta sa kusina. Nakita niya ang anak na nakalupasay sa sahig at duguan ang kaliwang paa.

“Anong nangyari sa iyo, anak?” tanong ng babae.

Mas lalong lumakas ang paghiyaw ng bata kaya sinisi na naman niya si Danica sa pagngawa ng kapatid.

“Napakawalang kuwenta mo talagang kapatid ‘no! Hinayaan mong masugatan ang kapatid mo? Wala ka talagang kuwentang anak!” Di napigilan ni Rosenda ang sarili at inilublob ang mukha ni Danica sa timba na may lamang tubig na nasa gilid ng lababo.

“Wala na ang Lola mo, wala nang magtatanggol sa iyo!”

“Mom, huwag po!” pakiusap ng dalagita sa nagngangalit na ina.

Pero tila bingi si Rosenda at mas pinag-igi pa ang pangsubsob sa kanya sa timbang may tubig. Pilit na nagpupumiglas ang dalagita ngunit parang walang pakialam ang ina kung hindi man siya makahinga at tuluyang malunod. Mabuti na lang at dumating ang Tiyuhin niyang si Guiller, nakita nito ang ginagawa sa kanya ng ina.

“Rosenda, tumigil ka! Papa*ayin mo ba ang sarili mong anak?” galit na tanong ng lalaki.

“Hindi ko naman talaga siya anak, e! Anak siya sa pagkakasala ng kanyang magaling na ama sa pinsan kong si Rosario!” bunyag ng babae.

“Rosenda, ano bang kalokohan iyan?” tanong ni Guiller.

“Totoo ang sinasabi ko, hindi ko siya anak! Nang magkasakit at pumanaw ang malandi kong pinsan na siyang nang-ahas sa akin ay kinuha ng aking asawa ang batang iyan at itinira dito sa pamamahay ko!”

Bigla na lamang nangilid ang luha ni Danica sa ibinunyag ng ina.

“Kaya po pala kahit minsan ay hindi ko naramdaman na itinuring niyo akong anak. Kaya pala tuwing sumasapit ang kaarawan ko, kahit isang regalo o kahit pagbati ay wala akong natanggap mula sa inyo. Kaya pala mas mahal niyo sina Gayle at Jayjay dahil hindi niyo pala ako tunay na anak.

Pero alam mo Mommy, kahit wala kang pakialam sa akin, kahit hindi mo ako kayang mahalin at kahit pa paulit-ulit mo akong saktan, mahal pa rin kita kasi ikaw na ang kinagisnan kong ina,” makahulugang wika ng dalagita.

Sa sinabing iyon ni Danica ay tila natauhan si Rosenda. Nilapitan nito ang dalagita at humingi ng paumanhin sa nagawa nito.

“I’m sorry sa lahat ng nagawa ko, Danica. Hindi ko gustong saktan ka, pero sa tuwing naaalala ko ang panlolokong ginawa ng iyong ama at ng iyong ina ay napapalitan ng galit ang nararamdamang kong pagmamahal sa iyo. Mahal din naman kita dahil itinuring na rin kita na parang anak ko. Hayaan mong makabawi sa iyo ang Mommy,” anito at niyakap nang mahigpit ang anak.

Hindi na rin napigilan ni Guiller na mapaluha sa eksenang iyon nina Danica at Rosenda.

Mula noon ay naging maayos na ang relasyon ng dalawa. Pinuntahan nila ang puntod ng tunay na ina ni Danica. Dinalaw rin nila kung saan nakahimlay ang ama at nag-alay ng bulaklak at nagtirik ng kandila. Iyon na ang simula ng pagpapatawad sa puso ni Rosenda para sa yumaong asawa at pinsan at tuluyang pagtanggap kay Danica bilang anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement