Hinamon ng Away at Dinuraan ng mga Sigang Binatilyo ang Inakala Nilang Lampa, Tameme Sila Matapos Silang Pakitaan Nito
Isang araw habang papauwi si Patrick galing sa eskwelahan ay bigla siyang hinarang ng tatlong binatilyo Mga siga sa kalye ang mga ito at palaging naghahanap ng away.
Napansin ng mga ito na payat ang kanyang pangangatawan at mukhang lalampa-lampa kaya na-kursunadahan siya. Pinatigil siya sa paglalakad at pinagsalitaan ng isa.
“Hoy, kung talagang matapang ka ay labanan mo kami. Pumili ka ng isa sa amin na kasing laki mo,” hamon nito.
Malumanay na sumagot si Patrick.
“Pasensya na pero ayoko ng away, e. Saka bakit ko kayo lalabanan, hindi ko naman kayo kilala at wala naman akong natatandaan na atraso niyo sa akin?” sabi niya sa mga kaharap.
Nagkatitigan ang mga binatilyo sa sinabi niya.
“Teka, naduduwag ka ba sa amin?” inis na wika ng pinaka-lider sa grupo.
“Oo nga, lumaban ka!” sabi ng isa, sabay tulak sa kanya.
Muntik na siyang matumba, buti na lang at naitukod niya ang isang kamay sa kalapit niyang poste. Nagpakahinahon pa rin si Patrick kahit na nagawa na siyang saktan ng mga ito.
“Sandali, hindi ako naghahanap ng gulo kaya puwede ba ay lubayan niyo na ako,” aniya.
Biglang nagtawanan ang mga binatilyo sa sinabi niya. Nilapitan naman siya ng isa na mas maliit kaysa sa kanya.
“Ano pang hinihintay mo, bakit hindi mo kami labanan para magkaalaman na! Lumaban ka!” sigaw nito at dinuraan siya sa mukha.
“Iyan lang ang nababagay sa mga gaya mong lampa at mahina!” anito.
Masyado itong nagmamagaling at nagmamayabang kaya matapos siyang duraan sa mukha ay muling naghamon ang maangas na lalaki..
“Isa kang duwag! Sige, ilabas mo ang tapang mo. Magalit ka sa amin!”
Pinunasan ni Patrick ang mukha niyang may dura at matapang na lumapit sa mga ito.
“Sorry pero hindi ko kayo lalabanan. Mabuti pa ay paraanin niyo na ako,” wika niya sa mahinahon pa ring boses.
Muling nagtawanan ang mga ito at nagbulungan pa.
“Wala kang kasing duwag! Ngayon lang may batang tumanggi sa amin. Lalaki ka bang talaga? Baka naman binabae ka?” sabi ng pinaka-lider at sinipa sa dibdib si Patrick.
Muli siyang humandusay sa lupa. Sa pagkakataong iyon ay nakaramdam na siya ng inis ngunit pinigilan pa rin niya ang sarili sa huling pagkakataon.
Tumayo siya at muling nakiusap sa mga ito na tigilan na siya.
“Pakiusap, paraanin niyo na ako. Hinihintay na ako ng aking mga magulang sa bahay. Ayaw nila na ginagabi ako sa pag-uwi,” aniya.
Tinatagan niya ang sarili at ipinagpatuloy ang paglalakad. Maangas siyang tiningnan ng mga ito habang siya ay naglalakad. Maya-maya ay sinundan siya ng mga binatilyong mapanudyo.
Sa bawat hakbang ng kanyang mga paa ay dahan-dahan ring sumusunod ang mga ito sa kanya hanggang mapadaan sila sa tabing ilog.
“Hindi ba talaga ako tatantanan ng mga ito?” bulong ni Patrick sa sarili.
Ang hindi niya alam ay pinagbubulungan rin siya ng tatlong binatilyo.
“Ano, turuan na natin ng leksyon ang gag*ng iyan!” sabi ng isa.
“Bugbugin natin, tapos ihagis natin sa ilog!” tatawa-tawa namang sabi ng maliit.
“Relax lang, boys at mahina ang kalaban,” wika naman ng pinaka-lider sa kanila.
Nang biglang may narinig silang hiyaw. Boses ng batang babae na humihingi ng tulong.
“Tulong, tulong, tulungan niyo po ako!” sigaw nito.
Agad na hinanap ng mga binatilyo ang pinagmumulan ng sigaw at nakita nila na may batang babae nga na nalulunod sa ilog.
Walang nagawa ang apat dahil pare-pareho silang hindi marunong lumangoy. Walang kumilos sa mga nagmamatapang kanina.
Laking gulat nila ng ibinaba ni Patrick ang dalang back pack at naghubad ng uniporme. Dali-dali itong lumusong sa tubig para sagipin ang batang nalulunod. Buong tapang nitong nilangoy ang batang sisingab-singab.
Natulala ang tatlo sa ginawa ni Patrick. Hindi nila inakala na marunong palang lumangoy ang payatot at mukhang lalampa-lampang inaapi nila kanina.
Mabilis namang nakalapit si Patrick sa kinaroroonan ng batang babae.
“Huwag kang mag-alala at ililigtas kita!” sabi niya rito.
“Tulungan mo ako, tulong!” paulit-ulit pa rin nitong sabi habang umiiyak.
Sa mga unang sandali ay nahirapan siya sa pagkawit at pagsakbibi sa bata ng kanyang kanang kamay. Ikinaway naman niya ang kaliwa sa paglangoy. Ang dalawa ay dinala ng mabilis na agos. Malayo sila sa pampang subalit sa katagalan ay maayos namang nakaahon.
“Ligtas ka na,” aniya sa bata.
“Thank you kuya! Buti at sinagip mo ako,” mangiyak-ngiyak pa rin nitong sabi.
Nakiusyoso naman ang tatlong bata na kanina pa nanonood sa kanila. Nang makilala ng pinaka-lider sa grupo ang batang babaeng sinagip ni Patrick ay bigla itong nanlumo.
“S-Sarah? Kapatid ko!” anito sabay lapit sa kapatid at niyakap.
“Anong nangyari bakit muntik ka nang malunod sa ilog?” tanong nito.
“Nangunguha kasi ako ng water lily sa ilog, tapos ay biglang lumakas ang agos ng tubig at tinangay ako. Muntik na akong malunod, kuya. Buti na lang at iniligtas niya ako!” anito sabay turo kay Patrick.
Nilapitan ng binatilyo si Patrick at nagpasalamat.
“Maraming salamat sa pagliligtas sa kapatid ko. Patawarin mo rin kami sa ginawa naming pang-aasar at pananakit kanina,” wika nito sa sinserong boses.
Sabay-sabay ring humingi ng tawad sa kanya ang dalawa pa nitong kasama.
“Wala na sa akin iyon. Kalimutan na natin ang mga nangyari,” sabi ni Patrick at nakipagkamay sa tatlo.
Ang batang babaeng iniligtas niya ay ang bunsong kapatid pala ng pinaka-lider sa grupo na naghamon sa kanya ng basag-ulo kanina. Mabuti na lamang at marunong siyang lumangoy kundi ay hindi niya nailigtas ang bata sa pagkalunod. Napagtanto naman ng tatlo na ang katapangan ay hindi nasusukat sa salita kundi sa gawa at tibay ng loob.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!