Walang Trabaho at Iniwan ng Asawa Dahil Tumaba ng Bongga ang Babaeng Ito, Hindi Niya Inaasahan sa Paglobo Rin Pala Siya Aasenso
Katulad ng ibang babae ay tumaba at lumaki si Jayzel nang ito ay mabuntis at hindi naging kaso sa kaniya ang paglaki ng katawan dahil iniisip niya na normal lang naman ito.
“Mahal, hindi mo ba balak magdiet?” tanong ni Louie, ang mister ng babae.
“Naku mahal, hayaan mo lang ako dahil normal naman talagang tumataba kapag nagbubuntis at nanganganak. Isa pa bawal magpapayat dahil papayat din ang baby dahil mawawalan ako ng gatas,” baling naman ni Jayzel sa mister habang nagpapasuso sa kanilang anak.
Anim na buwan na noon ang bata at sa kanya pa rin ito umiinom ng gatas na labis namang ipinagmamalaki ng babae dahil tumagal siya ng hanggang tatlong taon sa ganoon.
Kasabay din ng masayang yugtong iyon ng kaniyang buhay ay ang labis na pagdagdag ng kaniyang timbang. Halos triple ang kaniyang nilaki at nahirapan na rin siyang kumilos.
Ngunit ang pinakamasakit sa lahat ay nagkaroon ng ibang babae ang kaniyang mister at dahil hindi naman sila kasal ay basta na lang siya iniwan ng lalaki.
“Paano ako magtratrabaho kung ganito ako kalaki?” tanong ni Jayzel sa kaniyang ina habang lumuluha.
“Nandito ako anak, hindi mo kailangang umiyak ng ganyan. Pwede ka pa rin naman magdesenyo ng mga damit kahit na wala ka sa opisina, tumaba ka lang pero hindi ninakaw sayo ang iyong talento,” baling sa kaniya ni Aling Aimee.
Bago nagsama si Jayzel at Louie noon ay isang designer ang babae ng mga damit, nagpipinta din siya na kaniyang pinagkakakitaan. Dahil maraming naipundar ay tumigil siya sa pagtratrabaho at nilasap muna ang kasiyahan ng pagiging isang ina. Hindi naman niya lubos akalain na mauuwi sa hiwalayan at single-mom kaniyang kwento.
“Pagsubok lang sa’yo ito anak, bumangon ka!” dagdag pa ng ale at niyakap ang anak.
Dahil hirap na si Jayzel na bawasan ang kaniyang 280 pounds na timbang ay mas binigyan niya ng pansin ang kaniyang mga bagong desinyo.
Kung dati ay laging pasok sa uso at mga hapit ang kaniyang iginuguhit ngayon ay ibinuhos niya ang lahat ng sakit na nadarama. Gumuhit siya ng mga bagong damit para sa mga katulad niyang mamalaking babae.
“Anak, maganda ang mga gawa mo,” saad sa kaniyan ni Aling Aimee.
“Sino nagsasabing hindi pwede maging maganda ang mga matatabang katulad namin?” baling ni Jayzel sa ina habang suot ang bago niyang tahi na damit.
“Kaya mo rin palang magtahi, anak? Bakit hindi natin gawing negosyo iyan?” magiliw na pahayag ni Aling Aimee sa anak.
Isinugal ng mag-ina ang natatanging sampung libong pisong pera ni Jayzel sa bangko at bumili sila ng tela pati na rin isa pang makinang pangtahi. Ibinuhos ng babae ang kaniyang oras sa pag guhit ng bagong desinyo at pagtatahi habang ang kaniyang ina naman ang nagbebenta nito sa talipapa at sa mga kaibigan niyang medyo may kalakihan ang pangangatawan.
“Alam mo Aimee, sabihin mo kay Jayzel na maganda ang naisip niyang negosyo dahil maganda ako sa mga damit na gawa niya! Hindi ko na rin kailangan pang mahirapan kakahanap ng 3XL na damit o yung mga damit na pang lalaki para lang may maisuot ako. Mag online shopping na rin kayo, sa Lazada at Shopee paniguradong papatok ang mga ito,” baling ni Mia, isa sa mga customer ni Aling Aimee.
“Hayaan mo Mia, makakarating iyan kay Jayzel at nagpapasalamat kami sa pagtangkilik n’yo sa mga gawa ng anak ko,” sagot naman ng ale.
Dali-daling binanggit ni Aling Aimee iyon sa anak at kahit baguhan ay pinasok nila ang mundo ng online. Nung panahon na iyon ay napalago na niya ang kaniyang makina, mula sa dalawa ay naging sampu na ito at kumuha na rin siya ng iba pang mananahi.
“Ma, ang dami kong orders! Hindi ako makapaniwala,” bulalas ni Jayzel sa kaniyang ina.
“Sabi naman sa’yo anak, makaka-ahon ka rin!” wika naman ng ale at nayakap sila.
Doon nalaman ni Jayzel na maraming kababaihan na nahihirapan rin katulad niya, maraming nanay na hindi na magawa pang makapunta sa gym upang magpapayat pero nais nilang magsuot ng maganda damit. Maraming malalaking babae na hindi nahihiya sa kanilang itsura at mas tinatangkilik pa ang kaniyang paninda.
“Sobrang ganda ng mga designs mo at magadan rin ang quality ng gawa! More blessings to come po!” mensahe ng isa sa kaniyang customer.
Mas lalo pang nawindang ang kaniyang mundo nang sumapit ang 11.11 sales dahil halos kumita siya ng 500,000 libong piso.
“Panginoon, salamat dahil pinakita mo sa akin na kahit mataba na ako at iniwan ng asawa ay may mas maganda ka pa rin palang plano,” pahayag ni Jayzel habang siya ay nagdarasal. Ngayon, hindi lang simpleng negosyante si Jayzel dahil gumawa siya ng grupo kung saan itinuturo niya ang lahat ng kaniyang nalalaman tungo sa pag-asenso. Ibinahagi niya ang kaalaman sa pagtatahi at nagbibigay siya ng ilang mga libre gamit panimula ng mga taong dumalo. Hindi na rin niya dinamdam pa ang kaniyang itsura dahil kalauna’y bumaba na ang kaniyang timbang dahil sa pagtratrabaho.