Laki sa Layaw ang Dalaga Kahit Hindi Naman Sila Mayaman, Isang Aral ang Natutunan nang Magbantay Siya sa Tindahan ng Kanyang Ama
Lumaki si Arya na palaging napagbibigyan ang kaniyang gusto dahil nag-iisang anak lang naman ang dalaga. Hindi man ganoon ka-yaman ang kaniyang mga magulang ay hindi naman niya naranasan ang maghirap.
Isang guro sa unibersidad ang kaniyang ina na si Aling Julia at nagpapatakbo naman ng isang maliit na grocery store ang ama niyang si Mang Oman.
“Pa, pwede mo ba akong ibili ng Iphone?” tanong ng dalaga sa kaniyang ama habang sinasamahan itong magtingin ng ilang supplies sa kanilang bodega.
“O anak diba maayos pa ang telepono mo. Bago pa naman yan hindi ba?” saad naman ni Mang Oman.
“Eh pa, kasi ano. Lahat kasi ng mga kaklase ko ay naka iphone, mas maganda rin kasi at mas may dating. Regalo mo na sa akin ngayong 18th birthday ko,” baling muli ni Arya.
“Sige anak, pero bibigyan lang kita kung papayag ka sa kondisyon ko,” wika naman ng ama niya.
Saglit na napaisip ang dalaga. Tapos ay nagtanong, “Ano bang kondisyon iyan? Baka naman mahirap tapos ending ay hindi naman ako magkakaroon ng iphone,” sabay nguso sa kaniyang ama.
“Madali lang naman ito anak, dahil summer naman ay ikaw muna ang tumao rito sa tindahn natin. Pwede ka rin maglagay ng gusto mong ibenta at sayo na ang lahat ng kita noon. May aasikasuhin lang ako at kailangan ko ng ta-tao rito,”
“Mula ngayon hanggang matapos ang summer ? Ang hirap naman niyan Pa!” reklamo ng dalaga.
“Saktong birthday gift anak, pasensya ka na dahil alam mo naman na mahirap ang buhay natin kaya hindi kita basta maibibili ng ganoong ka-mahal na telepono,” wikang muli ng ama.
“Sus, ang laki-laki ng kita niyo dito sa tindahan tapos malaki din ang sahod ni mama. Pero sige na nga, after ba noon ay bibilhan mo ako ng iphone? Yung pinaka latest na modelo ha?” tanong ni Arya sa ama.
“Oo anak, ibibili kita,” sagot naman ng lalaki.
“Naku papa, naka-record na yan ha.Wala nang bawian!” baling pang muli ng dalaga at sabay na binuhol ng dalawa ang kanilang mga hinliliit bilang tandang selyado na ang kanilang usapan.
Masama man ang loob ni Arya sa hiling ng ama ay ginawa pa rin niya. Maaga siyang gumising para pumunta sa tindahan, agad siyang nag- ikot at tiningnan ang mg paninda. Pumupunta rin siya sa kahera upang i-monitor ang mga transaksyon nito.
“Dapat hindi ko na ginagawa ito e. Dapat nagbibilang na lang ako ng pera dahil sa akin din naman mapupunta ang lahat ng iyon,” bulong niya sa kaniyang sarili habang nakatambay sa section ng mga chichirya.
Lumipas ang isang buong araw na walang ginawa ang dalaga kundi ang magpaikot-ikot sa tindahan at gumamit ng kaniyang telepono.
“O pwede na kayong umuwi pagkatapos niyong bilangin yang pera at ibigay niyo sa office ni papa, doon ako maghihintay,” saad niya Arya sa dalawang kahera.
“Magkano kaya ang mabibilang ko ngayong unang araw ko? Nasa 50 libo kaya? Naku si papa talaga mukhang pinapatakam lang ako sa pera,” wika ni Arya sa kaniyang isipan habang nakataas pa ang mga paa at naghihintay na ibigay ang kinita sa kaniya ngayong araw.
“Ma’am Arya, ito na po lahat. Naka-12 libo din ho kami ngayon,” baling ni Mira, isa sa kahera nila at iniabot ang cash box sa kaniya.
“Ha? Sa inyong dalawa na iyon?” tanong ng dalaga na tila ba nagulat.
“Oho ma’am, una na ho kami,” paalam ng babae.
Umalis na ang dalawa at binilang muli ni Arya ang kita, “Ganito lang kaliit ang kinikita ni Papa sa isang araw? E halos pambili ko lang ito ng pagkain para sa mga kaklase ko,” pahayag ng dalaga na halatang nagtataka sa liit ng hawak niyang salapi.
Inisip ng dalaga na baka naman malas lang ang araw na iyon kaya walang bumili sa kanila. Hindi nagtagal ay mas naging interesado sya sa bawat araw kung magkano ang kinikita ng tindahan na pinagkukunan nila ng kabuhayan.
Isang linggo na lang ay kaarawan na ni Arya, “Anak, pwede na nating bilhin ang telepono na gusto mo dahil tumupad ka naman sa usapan natin,” saad ni Mang Oman sa anak.
“Tay, alam mo na- realize ko lang. Pangit pala ang iphone kasi hindi siya user friendly, kaya ayaw ko na nun.” baling ni Arya na labis pinagtakhan ng ama.
“O bakit nagbago ang isip mo anak?” tanong ng kaniyang ama.
“Nakita ko lang kasi papa na hindi pala magic ang pera at hindi ibig sabihin na may tindahan tayo ay limpak-limpak ang ating salapi, ngayon alam ko nang hindi biro ang magtrabaho,” sagot ni Arya.
Niyakap ni Mang Oman ang kaniyang anak at nagpapasalamat siya sa Diyos na alam na nito ngayon ang importansya ng bawat kusing na kanilang kinikita. Ibibili niya naman talaga ito, pero naging bonus na nag-mature ang kanyang anak at ito na mismo ang tumanggi.
Hindi na nagpabili pa si Arya ng telepono at mas matutunan nito ng mamuhay ng simple.