Kinamkam ng Tiyahin ang Ari-arian ng Kaniyang Sumakabilang Buhay na Ama; Ito’y Babalikan ng Karma

“Tita, please, wala po kaming ibang mapupuntahan! Kay papa naman po ang bahay at lupang ito, kaya huwag nʼyo po itong kunin sa amin!”

Halos maglumuhod na sa pagmamakaawa si Aileen sa tiyahing kapatid ng kaniyang kalilibing lamang na ama dahil iniutos na nito sa kaniyang mga tauhan na ilabas ang mga gamit nila.

“Wala akong pakialam kung saan kayo pupulutin! Wala kayong karapatan dahil hindi kasal ang nanay mo sa kuya ko!” sagot naman ng kaniyang Tita Riza na hindi naaalis ang pagkakaarko ng isang kilay.

“Tita, please, maawa po kayo sa amin. May sakit pa po ang mama ko, nakikiusap po ako sa inyo!” hagulgol pang pakiusap ni Aileen ngunit talagang bato ang puso ng kaniyang tiyahin.

Kinamkam nito ang lahat ng ari-arian ng kaniyang ama. Wala silang nagawa dahil alam nilang hindi sila mananalo rito laloʼt marami itong pera.

“Inay, saan na po tayo pupulutin ngayon?” umiiyak niyang nilapitan ang kaniyang inang may sakit.

“Huwag kang mag-alala, anak. Susubukan nating lumapit sa mga magulang ko,” uubo-ubo namang sagot nito.

“Pero hindi ho baʼt sabi nʼyo, pinalayas nila kayo nang sumama kayo noon kay itay?” takang tanong naman ni Aileen nang maalala ang kuwento ng ina sa kaniya noon.

Advertisement

“Oo, anak, pero susubukan pa rin natin. Kahit papaanoʼy anak pa rin naman nila akoʼt ikaw ay kanilang apo.”

Wala nang nagawa pa si Aileen kundi ang tanguan ang kaniyang mama.

Alas diyes na nang gabi nang marating nila ang mansyong pagmamay-ari ng mga magulang ng kaniyang inay. Nagulat pa nga siya dahil hindi niya alam na mayaman pala ang kaniyang mga loloʼt lola!

Kinakabahan si Aileen dahil sa takot na baka ipagtabuyan lamang din sila ng kaniyang mga loloʼt lola, ngunit ganoon na lamang ang gulat niya nang salubungin sila ng mga ito ng mahigpit na yakap, lalo na nang malamang siya ay kanilang apo.

Masakit man ang pagkawala ng ama ni Aileen ay unti-unting nakabawi ang mag-ina, sa tulong na rin ng kaniyang mga lolo at lola. Ngayon lamang naranasan ni Aileen ang marangyang buhay kaya naman naninibago pa siya.

Tuwang-tuwa naman ang dalawang matanda nang makita nilang hindi lumaking abus@do ang kanilang apo. Marunong itong magpahalaga sa mga bagay-bagay at marunong itong makisama sa lahat, mayaman man o mahirap ang kaniyang kaharap. Napagtanto nilang mukhang nagkamali sila ng tingin at panghuhusga sa ama nito. Nagsisi silang dapat ay mas matagal na nilang kasama ang pamilya ng kaniyang anak at ‘di na sana nakaramdam pa ng hirap.

Nakapagtapos ng pag-aaral si Aileen at kalaunan ay siya na ang humawak sa lahat ng negosyo ng kanilang pamilya. Siya lang naman din kasi ang nag-iisa nilang heredera.

Samantala, tila bumaliktad naman ang kapalaran ng kaniyang Tita Riza. Nang muli itong makita ni Aileen ay isa na lamant ito ngayong paralisadong matandaʼt halos wala nang mag-alaga rito, dahil kahit kaniyang mga mismong anak ay pinababayaan na ito.

Advertisement

Ayaw sana ni Aileen na ipaalam pa ang nalaman sa kaniyang ina ngunit nakarating na lang sa kaniya ang balitang tinutulungan pala ito ng kaniyang ina!

“Mama, bakit ho kayo ang nag-aasikaso riyan kay Tita Riza? Nakalimutan nʼyo na ho ba ang ginawa niya sa atin noon?” may halong galit na anas noon ni Aileen nang maabutang sinusubuan ng kaniyang ina ng pagkain ang paralisado niyang tiyahin.

“Oo, anak. Matagal ko nang nakalimutan ang kasalanan niya sa atin, at alam kong ganoon ka rin,” may ngiti sa labing sabi pa nito sa kaniya sabay tingin sa hawak niyang plastic bag na may dalang pagkain para sa kaniyang Tita Riza.

Bumuntong hininga siyaʼt napangiti na lang din. “Mana kasi ako sa inyo, mama, e. Malambot ang puso,” sabi niya pa sabay tingin sa ngayon ay lumuluha na niyang tiyahin.

Nakatingin ito sa kanilang mag-ina na puno ng pagsisisi ang mga mata.

Hinaplos ni Aileen ang buhok ng kaniyang tiyahin. “Oo, tita, napatawad na kita,” sabi niya pa.

Samantala, sa likod naman ng isip ni Riza ay puno ng pasasalamat sa Diyos at paghingi ng tawad para sa kaniyang mga kasalanan ang kaniyang sinasabi. Alam niyang hindi pa sapat ang balik ng karma na siyang nararanasan niya ngayon upang makabawi sa mga kasalanan niya. Ngunit sadyang napakabuti ng mag-inang noon ay kaniyang inapi, kaya naman lalo siyang kinakain ng kaniyang konsensiya. Habang buhay na yata niyang dadalhin iyon sa kaniyang pusoʼt isipan.