Binalewala ng Lalaking ito ang Pagsakit ng Puson ng Asawa dahil sa Pagtatrabaho, May Malala na pala Itong Sakit

Binalewala ng Lalaking ito ang Pagsakit ng Puson ng Asawa dahil sa Pagtatrabaho, May Malala na pala Itong Sakit

FamilyKarmaStories

“Fernan, ang sakit na naman ng puson ko, parang pinipiga na naman,” daing ni Betty sa kaniyang asawa, isang gabi habang ito’y abala sa pagtatrabaho kaharap ang kanilang kompyuter. 

“Sabi ko kasi sa iyo, maglagay ka ng mainit na tubig sa bote o kaya naman, ilublob mo sa mainit na tubig ‘yong bimbo tapos ilagay mo sa puson mo. Sigurado akong mawawala ‘yan,” payo ni Fernan dito habang abala pa rin sa pagpipindot sa kompyuter. 

“Ginawa ko na nga ‘yon kanina, humupa na naman ang sakit kaya lang bumalik na naman ngayon,” dagdag pa nito na bahagya niyang ikinais. 

“Tiisin mo na lang, para ka namang hindi babae! Baka magkakaroon ka lang ng dalaw!” sigaw niya rito, may mali kasi siyang napindot dahil sa pagsasalita ng asawa. 

“Hindi naman ganito kalala ‘yong sakit, mahal ko, kapag magkakaroon na ako ng dalaw. Sinasabi ko lang naman sa’yo ‘yong nararamdaman ko, huwag mo akong sigawan,” sagot nito sa kaniya dahilan upang lalo pa siyang mainis. 

“Nakita mo naman kasing nagtatrabaho ako, hindi ba? Tapos iistorbohin mo ako para lang d’yan na buwan-buwan mo namang nararamdaman!” bulyaw niya rito dahilan upang magising ang dalawang taong gulang nilang anak. 

“Pasensiya ka na,” tipid na sagot nito habang pinapatahan ang kanilang anak. 

Tatlong taon na simula nang pumasok sa pagpapamilya ang lalaking si Fernan. Simula noon, sa paggawa ng mga malilikhaing bidyo niya binuhay ang kaniyang mag-ina na ipinapasa niya sa mga sikat na kumpanya sa buong bansa. 

Dahil sa ganda ng mga likha niyang bidyo, rumami nang rumami ang nagpapagawa sa kaniya na talaga nga namang ikinatuwa nilang mag-asawa. Bukod kasi sa umiingay na ang pangalan niya sa larangan ng video editing sa buong Pilipinas, limpak-limpak pang salapi ang kaniyang natatangap na talaga nga namang nagpaangat sa buhay ng kaniyang sariling pamilya at sa buhay ng kaniyang mga magulang.

Ngunit dahil nga sa rami nang nais magpagawa sa kaniya, bahagya na niyang nakaliligtaan ang responsibilidad niya sa kaniyang mag-ina. Maghapon siyang abala sa pag-eedit, at kung may libre siyang oras, ipinapahinga niya ang sarili. Wala naman talaga itong kaso sa kaniyang asawa, natutuwa pa nga ito sa tuwing siya’y may oras na magpahinga. 

Kaya lang, sa tuwing siya’y kakausapin habang nagtatrabaho, agad siyang nagagalit dahil ayaw niyang maistorbo. Kahit ano pang dahilan, kahit sino pa ang nais kumausap sa kaniya, agad siyang magagalit lalo na kapag may mali siyang nagawa sa kaniyang kompyuter na nakaapekto sa kaniyang trabaho. 

Noong gabing ‘yon, pagkabulyaw niya sa asawa, agad itong lumabas ng kanilang silid dahilan upang payapa niyang matapos ang isang bidyo na para sa isang sikat na kumpanya ng mga damit. 

Pagkatapos na pagkatapos, agad siyang humiga sa kanilang kama, idiniretso niya ang likod na halos walong oras na nakabaluktot. 

Papikit na sana siya nang bigla niyang narinig ang pag-atungal ng kaniyang anak dahilan upang siya’y mapasigaw, “Betty! Ano bang ginagawa mo kay bunso, ha? Gabing-gabi na, patulugin mo na ‘yan!”

Labis siyang nagalit dahil pagkatapos niyang magsalita, patuloy pa rin sa pag-iyak ang kanilang anak dahilan upang siya’y padabog na bumangon at magtungo sa kanilang sala kung nasaan ang kaniyang mag-ina.

Siya’y agad na nataranta nang makitang nakabulakta na ang kaniyang misis habang nasa lapag ang kanilang anak na umiiyak. Agad niyang binuhat ang bata at tumawag ng tulong sa kanilang mga kapitbahay. 

Sa kabutihang palad, agad na naidala sa ospital ang kaniyang asawa. Agad itong ineksamina at pagkalipas ng halos bente kwatro oras, napag-alamang ito’y may malalang sakit sa obaryo na labis niyang ikinagulat.

“Ah, eh, doc, baka nagkakamali lang po kayo, ang lakas-lakas po niyang asawa ko, buwan-buwan din siyang dinadatnan ng dalaw,” sambit niya sa doktor. 

“Pasensiya na po kayo, sir, ‘yon po talaga ang sakit ng misis niyo. Kailangan na pong tanggalin ang kaniyang obaryo dahil kung hindi, siya’y maaaring mawalan ng buhay. Kung hindi niyo po sana ito pinabayaang mag-asawa, madadala po ito sa gamutan, sir,” sagot nito na ikipanghina niya. 

Labis siyang nagsisi sa ginawang pagbabalewala sa asawa. Mangiyakngiyak niyang hinawakan ang putlang kamay nito habang karga-karga ang kanilang anak. 

“Pangako, ngayon, kasama mo na ako sa laban mo. Papakinggan na kita kahit nagtatrabaho ako, kayanin mo lang ang operasyon mo, ha?” hikbi niya dahilan upang ito’y mapangiti sa kaniya. 

More Stories