Kilalang Siga at Basagulero ang Ama ng mga Bata; Ngunit Lumaki Silang Maayos sa Puder Nito

Nagpulasang bigla ang mga taong nakatambay noon sa tapat ng tindahan ni Manang Dahlia nang makitang dadaan si Mang Boyong, isang kilalang siga at basagulero sa kanilang lugar.

Kalalaya lamang nito mula sa pitong taong pagkakabilanggo.

Kinatatakutan sa kanilang lugar ang lalaki dahil na rin sa masamang reputasyon nito, kaya kahiit pitong taon na ang lumipas ay takot pa rin ang mga tao rito.

“Naku, nariyan na naman ’yang lokong ’yan. Magugulo na naman ang lugar natin,” bulong ng isa sa mga tsismosang palaging kausap ni Manang Dahlia na isa sa mga nagmadaling makisilong sa tindahan ng matanda kanina dahil natakot kay Mang Boyong.

“Kaya nga. Lalo’t binatilyo na ang mga anak niyan. Paniguradong magiging katulad lamang nila ang kanilang ama,” komento naman ni Manang Dahlia habang hinahabol ng tingin ang lalaking siga.

Lingid sa kanilang kaalaman, galing sa maghapong paghahanap ng trabaho si Mang Boyong at ngayon ay masaya siyang ibabalita sa kaniyang mag-iina na natanggap siya bilang mekaniko sa talyer ng kaibigang pulis.

Isa si Mang Boyong sa mga nagbago sa loob ng bilangguan sa tulong ng pastor na naghahatid sa kanila roon ng mga salita ng Diyos. Dahil doon ay isa rin si Mang Boyong sa nabigyan ng parol dahil sa magandang ipinakita niya sa loob ng bilangguan.

“Wow! Ang galing n’yo po talaga, papa!” komento ng isa sa mga anak ni Mang Boyong na ngayon ay disisais anyos na. Si Paul.

Advertisement

Isang tapik naman habang nakangiti ang iginawad ng panganay niyang si Ken na ngayon ay disisiyete na.

Malapit ang loob ng kaniyang mga anak kay Mang Boyong, matagal man siyang nawala sa kanilang piling. Sa loob kasi ng pitong taong pamamalagi niya sa likod ng rehas ay binusog niya sa mga pangaral at pagpapadama ng pagmamahal ang mga ito bilang pambawi sa kaniyang mga kasalanan, sa tuwing sila ay dadalaw sa kaniya. Ganoon din ang ginawa ng kaniyang asawang si Thelma.

Palagi niyang ginagamit ang kaniyang mga naging kasalanan noong nakalipas upang hindi na iyon tularan o magawa pa ng kaniyang mga anak sa hinaharap.

Sa katunayan ay parehong honor students ang magkapatid. Matatalino silang bata at talagang masisipag mag-aral. Puno man ng panghuhusga mula sa kanilang mga kalugar dahil sa reputasyon ni Mang Boyong ay nanatiling positibo ang magkapatid.

Ngayon ay lalo pa nilang pag-iigihan upang patunayang hindi totoo ang sinasabi ng mga tao sa kanila.

Iginapang ni Mang Boyong ang pag-aaral ng dalawang anak para sa kolehiyo. Katulong ang asawang si Thelma ay pinasok nila ang lahat ng maaaring pagkakitaan, basta iyon ay marangal.

Hindi naging ganoon kadali ang pagbabagong buhay ng mapagmahal na amang si Mang Boyong ngunit hindi sumuko ang pamilya para sa kanilang pangarap.

Hanggang sa dumating na nga ang araw ng pagtatapos ni Ken.

Advertisement

“Magna Cum Laude ang anak ko!” halos mapatalon sa tuwang nagsisigaw si Mang Boyong sa labas ng kanilang tahanan.

Naglabasan naman ang mga tsismosang nakarinig at wala na silang nasabi pa kundi ang magkatinginan dahil mali ang lahat ng kanilang mga hinala noon.

“Maraming salamat po sa inyo, papa,” nooʼy ani Ken sa ama na halos maluha dahil sa sobrang pagka-proud sa kaniya.

Natuluyan na nga ang iyak nito nang isabit na mismo nito sa kaniyang leeg ang kaniyang mga medalya nang silaʼy naroon na sa stage.

Nang sumunod na taon ay si Paul naman ang nagtapos at tulad ng kaniyang kuyaʼy nagtapos din itoʼt nagkamit ng pinakamataas na parangal na iniaalay niya sa kaniyang buong pamilya.

Pinatunayan ng pamilya ni Mang Boyong na sa kabila ng kaniyang dating reputasyon ay puno naman ng pagmamahal ang kanilang buong pamilya. Magkahalong paghangaʼt inggit naman ang naramdaman ng iba lalo na nang makita nilang unti-unting umasenso ang buhay ng mag-anak.

Nagkaroon ng magagandang trabaho sina Ken at Paul at hindi na nila hinayaan pang magkanda kuba sa pagtatrabaho ang kanilang mga magulang.

Nag-atikha sila ng babuyan upang maging negosyo ng kanilang ama, habang mini grocery naman ang para sa kanilang ina.

Advertisement

Nagkaroon ng sari-sariling pamilya ang magkapatid ngunit nananatili ang pasasalamat nila sa mga magulang nilang sinuportahan sila sa kabila ng pagsubok. Ipinangako nila sa sarili na ang mga aral ng buhay na kanilang natutunan ay ibabahagi nila sa kanilang mga anak upang magsilbing inspirasyon sa mga ito, katulad ng nangyari sa kanila.