
Inis ang Binata sa Tiyahin Sapagkat Pabigat daw Ito; Ikagugulat Niya ang Matagal na Nitong Itinatagong Lihim
Walang mapaglagyan ang pagkasabik at ligaya ni Erik nang makita ang balikbayan box sa kanilang sala. Lagi kasi niyang inaabangan ang padala ng kaniyang inang OFW minsan sa loob ng tatlong buwan. Kaya naman nang makita niya ang malaking kahon na naghihintay sa kaniya ay agad niya itong tinungo.
“Nandito na pala ang padala ni nanay. Kailan dumating ito, Tita Sol? Parang hindi gaanong kalaki ang balikbayan box ni nanay ngayon, a!” sambit ni Erik habang mabilis na binubuksan ang kahon.
“Kaninang umaga lang dumating ‘yan. Tulog na tulog ka pa kaya hinintay na lang kita magising. Hindi ko muna binuksan kasi alam kong gusto mong ikaw ang unang makakita ng padala ng nanay mo,” saad naman ng tiyahin.
“Dapat lang na ako ang mauna na magbukas nito dahil padala sa akin ito ng nanay ko! Nagtatrabaho siya doon sa ibang bansa para may maipadala sa ating dalawa at nang sa gayon ay mabuhay rin n’ya kayo, tita. Kaya sana huwag n’yo na pong pakialaman ang padala ng nanay ko. Alam kong para sa akin ito!” pahayag muli ni Erik.
Medyo nasaktan si Sol sa sinabing itong ng binata. Ngunit hindi na lang niya ito pinansin sapagkat alam niyang nangungulila lamang ito sa ina.
Bata pa lamang kasi si Erik ay iniwan na siya ng kaniyang ina sa pangangalaga ng kaniyang Tita Sol para pumunta sa ibang bansa. Isa itong domestic helper sa Saudi. Napilitan siyang maghanapbuhay dahil maagang naulila ng asawa.
Isang part-time teacher ngayon si Sol. Dati ay hindi siya makahanap ng trabaho dahil kailangan niyang bantayan si Erik. Ngunit ngayong nasa kolehiyo na ito ay malaya na siyang makapagtrabaho.
Ngunit habang lumalaki si Erik ay napapansin ni Sol na nag-iiba ang ugali nito. Minsan na niya itong kinausap ngunit minasama ng binata. Mula noon ay lalong lumayo ang loob ni Erik kay Sol. Sa pananaw ni Erik ay ginagamit lamang ng kaniyang Tita Sol ang kaniyang ina upang hindi na ito magtrabaho. Ito na nga ang dahilan kung bakit siya sinasagot-sagot lamang nito nang pabalang.
Natapos na si Erik isa-isahin ang laman ng balikbayan box. Nakunsumi siyang malaman na wala ang pinakahihiling niya sa ina.
“Alam naman niyang gusto ko ng bagong selpon at ng gaming laptop. Hindi man lang niya binigay sa akin! Tapos ay magdadahilan na naman siya sa susunod na pag-uusap namin. Lagi na lang siyang abala!” naiinis na sambit ng ina.
“Huwag ka nang magalit sa nanay mo. Hindi mo alam baka nahihirapan na siya sa ibang bansa. Baka may pinag-iipunan siya o hindi naman kaya ay hindi makasweldo nang tama. Kilala mo naman ang nanay mo. Kapag meron siyang pera ay hindi ka na magdadalawang salita pa,” saad naman ni Sol.
“Alam mo sa tingin ko, tiya, nahihirapan ang nanay ko dahil wala kang matinong trabaho. Buong buhay natin ay inasa mo na sa kaniya. Kaya hirap na hirap tuloy ang nanay ko at hindi makauwi dito para makasama ako,” mababanaag mo sa tono ng pananalita ni Erik ang sama ng loob.
“Erik, may trabaho naman ako, a. Saka ang nanay mo mismo ang nakiusap sa akin na huminto ako sa trabaho para lang alagaan ka,” paliwanag naman ni Sol.
“At na-enjoy n’yo naman na umasa na lang sa nanay ko? Oo nga at may trabaho kayo pero magkano lang ba ang kinikita n’yo bilang part-time teacher? Baka hindi pa ‘yan sasapat para lang sa bayarin dito sa bahay. Baka nga pang load lang ang abot ng sahod mo!” sumbat pa ng binata.
Nasasaktan na ng sobra si Sol sa lahat ng sinasabi sa kaniya ni Erik. Pero pinipigilan niya ang kaniyang sarili. Ayaw kasi niyang tuluyang magtanim ng sama ng loob sa kaniya ang pinakamamahal na pamangkin.
Sa inis ni Erik ay agad niyang tinawagan ang kaniyang ina para kumprontahin. Nakailang tawag siya bago nito sinagot ang telepono.
“Hindi ba sinabi ko na sa iyo na ako ang tatawag sa inyo at huwag na huwag kayong tatawag sa akin? Ano ba ang problema?” bungad ng ina ni Erik.
“Dumating na po ang balikbayan box na pinadala n’yo. Bakit naman po puro mga tsokolate at de lata ang laman? Aanhin ko po ang lahat ng iyon? Ayos naman ang sapatos na pinadala n’yo pero ang gusto ko po ay bagong selpon at laptop. Hindi ba nasabi ko na po ito sa inyo? Ito kasing si Tita Sol hindi pa magtrabaho nang sa gayon ay hindi na kayo maghirap nang husto diyan sa ibang bansa! Lagi na lang tuloy akong nanghihingi ng oras at atensyon n’yo. Nagsasawa na ako nang ganito!” hindi na napigilan ni Erik ang maglabas ng sama ng loob sa kaniyang ina.
“A-anong balikbayan box ang sinasabi mo riyan? Hindi ako nagpapadala ng balikbayan box diyan sa Pilipinas. Nag-usap na kami ni Sol na huwag nang tatawag sa akin. Kung may kailangan ka man ay saka na ako magpapadala! Alam ng Tita Sol mo ang lahat! P’wede ba, huwag na kayong manggambala pa dahil baka malaman ng asawa ko na may anak ako diyan sa Pilipinas! Baka manganib pa ang pagsasama namin!” naiiritang sambit ng ina ng binata.
Hindi maintindihan ni Erik ang sinasabi ng kaniyang ina. Agad na kinausap ng binata ang kaniyang tiyahin.
“Ano ang sinasabi ng nanay ko na nag-usap na raw kayo? Anong asawa ang sinasabi ni nanay? Hindi ko maintindihan, tita! Hindi raw siya nagpapadala ng balikbayan box dito! Kung hindi sa kaniya galing ang mga ito ay kanino?” hindi maintindihan ni Erik ang kaniyang nararamdaman.
“Patawad, Erik. Pero sa akin lang galing ang balikbayan box na ito. Lahat ng natatanggap mo mula sa nanay mo ay galing lamang sa akin. Matagal ko nang nais sabihin sa iyo ang katotohanan pero natitigilan ako. Hindi ko kasi kayang saktan ka nang dahil lang sa ayaw ka nang kilalanin ng iyong nanay. Ilang taon pa lamang siya noon sa Saudi nang makilala niya ang isang Briton. Na inlab sila sa isa’t isa hanggang sa nagpakasal sila. Mayroon nang sariling pamilya ang nanay mo at hindi ko alam paano ito sasabihin sa’yo! Patawarin mo ako, Erik!” pag-amin ni Sol sa binata.
“Buong buhay ko ay akala ko’y nanay ko ang nagbibigay ng lahat ng ito. Pinagbintangan pa kitang pabigat sa amin. Ang hindi ko alam ay ginagawa mo pala ang lahat para lamang sa akin. Patawarin mo ako, Tita Sol, sa lahat ng nagawa ko sa iyo. Pero hindi ko maintindihan bakit ayaw na sa akin ng sarili kong ina!” pagtangis naman ni Erik.
“May mga dahilan ang nanay mo. Darating ang panahon ay mauunawaan mo rin siya. Hindi ko maalis sa iyo na magalit ka sa kaniya pero tandaan mo na kahit na pilit ka niyang tinalikuran ay narito naman ako. Hinding hindi kita iiwan at hinding hindi kita pababayaan!” wika naman ni Sol.
Labis ang paghingi ng tawad ni Erik sa kaniyang tiyahin. Mula noon ay nagbago na ang pagtingin at pagtrato niya dito. Ipinangako ni Erik sa kaniyang sarili na kahit kailan ay hindi rin niya pababayaan ang tiyahing tunay na nagkalinga at nagbigay sa kaniya ng tunay na pagmamahal.