
Iniwan ng Lalaki ang Kasintahan Nang Magtrabaho Siya sa Ibang Bansa at Nakakilala ng Iba; Triple ang Karma na Naghihintay sa Kaniya
Siyam na taon nang engaged sina Ted at Crizza ngunit ayaw pang pakasalan ng lalaki ang kasintahan.
“Alam mo ba na kinakantiyawan na ako ng mga kamag-anak at kaibigan ko, Ted? Hihintayin mo raw yata akong tumandang dalaga at mag-men*pause bago mo ako pakasalan,” sabi ni Crizza sa nobyo.
“Ipinaliwanag mo sana sa kanila na ang gusto ko’y may maayos at stable na akong trabaho bago tayo lumagay sa tahimik,” sagot ng lalaki.
“Bakit? Hindi pa ba trabaho ang tawag mo sa propesyon mo ngayon?”
“Alam mo namang contractual engineer lang ako sa pinapasukan kong construction firm. Mabuti nga ikaw at permanente ang trabaho mo,” tugon ni Ted.
“At least, maganda naman ang trabaho mo kahit contractual. Ikaw lang naman ang namomroblema, Ted. Hindi naman kaso sa akin kung may permanenteng trabaho ka o wala. Ang importante ay mahal natin ang isa’t isa. Kahit sa mga magulang ko’y wala ring kaso ‘yon, kita mo naman na botong-boto sila sa ‘yo ‘di ba?” sambit ni Crizza.
“Ang nakikita lang kasi nila ay ang pagiging propesyonal ko at pagiging may kaya ng pamilya ko. Ang mayaman lang naman ay ang mga magulang ko at hindi ako, ang plano ko, kapag kasal na tayo ay hindi na ako aasa pa sa kanila at isasauli ko rin sa kanila pati ang kotseng ibinigay nila sa akin. Bibili ako ng sarili nating sasakyan,” sagot ng lalaki.
Napabuntung-hininga si Crizza sa sinabi ng nobyo.
“Kung ganyan kabigat ang plano mo ay uubanin na tayo sa paghihintay. Maaari naman akong magtiis sa simpleng buhay, Ted,” hayag niya sa katipan.
“Bakit naman tayo magtitiis sa hirap gayong puwede naman tayong mabuhay nang maginhawa? Hihintayin natin ang tawag ng kumpanyang inaplayan ko sa California. Kapag natapos na ang kontrata ko sa construction firm sa Makati ay doon na ako magtatrabaho. Malaki ang sasahurin ko roon kumpara rito sa Pilipinas,” wika ni Ted.
“Malaki nga ang suweldo mo, napakalayo naman natin sa isa’t isa.”
Napansin ni Ted na bigang nalungkot ang kasintahan kaya pinaliwanagan niya ito.
“Tatapusin ko lang ang isang taong kontrata ko roon. By that time ay malaki na ang naipon ko. Babalik ako rito at papakasal na tayo. Pagbalik ko roon sa panibagong kontrata ay lalakarin mo naman ang mga papeles mo para makasunod ka sa akin doon,” sambit ni Ted.
Hindi nagtagal at nakatakda na ang pag-alis ni Ted. Buo na ang loob niya na magtrabaho sa California.
“Dumating na ang tawag sa akin ng kumpanyang inaplayan ko. Sa isang buwan na ang alis ko, Crizza,” bunyag ng lalaki.
“Baka naman kapag nagkalayo tayo ay makalimot ka na?” malungkot na tanong ng nobya.
“Huwag kang mag-alala, hinding-hindi ako makakalimot. Kaya lang ako lalayo at magtatrabaho sa ibang bansa ay para iprepara ang ating magandang bukas, mahal ko. Please trust me,” sagot ni Ted.
Natuloy nga sa pag-alis si Ted ngunit makalipas ang apat na buwan ay tumawag si Ted kay Crizza at may ibinalita.
“Nalugi ang kumpanyang pinagtatrabahuhan ko rito sa California kaya ngayon ay wala na akong trabaho. Sayang, kaunti pa lang ang naiipon ko para sa ating dalawa,” kuwento ni Ted habang kausap sa telepono ang nobya.
“Bumalik ka na lang dito sa atin, Ted. May naipon ka naman kahit paano, puwede na ‘yan para makapagpakasal na tayo,” sagot ni Crizza.
Ngunit dahil sa pride ay nahiyang bumalik si Ted na isang bigo kaya kahit walang trabaho ay hindi siya umuwi sa Pilipinas. Kasalukuyan siyang nakikitira sa kaibigan niya na dati ring kasama sa trabaho na si Daisy na isa ring Pinoy. May bagong trabaho na ang babae na natanggap sa isang maliit na kumpanya roon.
“Habang wala kang trabaho ay dito ka muna sa apartment ko, Ted. Huwag kang mahihiya, dapat lang na magtulungan ang magkababayan, ‘di ba?” wika ng babae.
“Salamat, Daisy. Huwag kang mag-alala, maghahanap ulit ako ng trabaho kahit maliit ang sahod at kahit mababang trabaho ay tatanggapin ko na para makatulong man lang ako sa iyo sa pagbabayad ng renta rito sa apartment,” tugon ng lalaki.
Mabait at maalaga si Daisy kaya mabilis na nahulog ang loob ni Ted sa babae hanggang sa nagkaroon sila ng relasyon, ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya isang araw ay ipinagtapat na ni Ted ang relasyon nila ni Daisy sa fiancée niyang si Crizza sa pamamagitan ng isang liham. Gaya ng inasahan ay halos mabaliw sa pagkagimbal si Crizza sa nalaman.
“Patawarin mo ako, Crizza, si Daisy ang nagpuno sa lahat ng mga kakulangan ko sa buhay. Tinakpan niya pati ang pangungulila ko sa iyo. We’re now living as husband and wife. Nagpakasal na kami rito sa California at mahal namin ang isa’t isa. Nagdadalantao na rin siya kaya kalimutan mo na ako,” bunyag ni Ted sa dating kasintahan.
“B-bakit mo nagawa sa akin ito, Ted? Bakit? Anong kasalanan ko sa iyo?” hagulgol ni Crizza matapos basahin ang sulat sa kaniya ng lalaki.
Sa sobrang sama ng loob ay nagkasakit si Crizza at nahulog ang katawan kaya naratay sa ospital. Mabilis iyong nakarating kay Ted, ibinalita ng kapatid niya ang tungkol sa nangyari kay Crizza nang minsang tumawag ito sa kaniya.
“Hello, Kuya Ted! Kawawa naman si Ate Crizza, ilang araw na nasa ospital dahil sa hinanakit sa ginawa mo sa kaniya. Galit na galit ang mga magulang niya, kapag may masama raw nangyari sa anak nila ay ikaw ang may kasalanan!” sumbat ng nakababata niyang kapatid.
Labis na inusig si Ted ng kaniyang kunsensiya kaya agad siyang nagdesisyon.
Isang umaga ay nagising si Daisy na wala na sa tabi niya si Ted.
“Ted, Ted, honey? Where are you?” sambit ni Daisy na hindi na halos makabangon sa kama dahil malaki na ang tiyan sa ipinagbubuntis niya na anak nila ni Ted.
Walang kamalay-malay ang babae na iniwan na siya ni Ted, nasa airport na ito at pabalik na sa Pilipinas.
“Patawad, Daisy. Napagtanto ko na si Crizza pa rin pala ang mahal ko nang malaman kong may sakit siya, natakot akong tuluyan siyang mawala sa mundong ito. Naguguluhan ang isip ko kaya sinunod ko na lang ang dikta ng puso ko,” wika ni Ted sa isip habang pasakay na sa eroplano.
Sa pagbalik niya sa sariling bansa ay wala na rin pala siyang babalikan dahil napag-alaman niyang nakalabas na sa ospital si Crizza at inilayo na ito ng mga magulang sa kaniya. Walang may alam kung saan nagtungo ang pamilya ng babae. Galit na galit din sa kaniya ang mga kamag-anak nito at mga kaibigan nila sa ginawa niyang pagtataksil sa dating kasintahan. Ngayon ay halos pagsakluban siya ng langit at lupa at sobrang nagsisisi sa ginawa niya kay Crizza.
Naisip niyang balikan si Daisy sa California ngunit nalaman niya sa mga kaibigan nito na nagpatiw*kal ang babae nang malamang umalis siya at bumalik sa Pilipinas. Sobra-sobra ang usig ng kaniyang kunsensiya sa pagkawala ni Daisy at ng sanggol na isisilang sana nito na sarili niyang anak. Sa isang pagkakamali lang niya ay may mga nasirang buhay.
Isang gabi habang lasing siya at naglalakad sa kalsada ay nakursunadahan siya ng mga tambay at walang awa siyang pinagbubugb*g. Napuruhan ng mga ito ang mga mata niya na agad niyang ikinabulag. Nang ipatingin niya ito sa doktor, sinabi nito na wala na siyang pag-asa pang makakita dahil sa matinding damage sa mga mata niya. Napaluha siya sa kaniyang sinapit, sa isip niya ay iyon na marahil ang paniningil ng tadhana sa mga kasalanan niya.
“Patawarin niyo ako sa mga nagawa ko!” hagulgol ni Ted habang labis na sinisisi ang sarili.
Tatanggapin niya ang hatol sa kaniya ng karma sa ginawa niyang pagtalikod sa mga responsibilidad.

