
Barok sa Pagsasalita ng Ingles ang Babae Kaya Tampulan Siya ng Tukso at Pang-Aalipusta ng mga Kaklase; Ang Kahinaan Niya Pala ang Magdadala sa Kaniya sa Tagumpay
Masipag na mag-aaral si Angelu. Hindi siya papahuli kapag may pagsusulit sa kanilang klase dahil palaging matataas ang kaniyang mga marka ngunit kahit mahusay at bibo siya sa eskwelahan ay may kahinaan siya na nagagawang pagtawanan ng mga kaklase niya.
“Ayan na si Angelu Barok!” sigaw ng mga mapang-asar niyang kaklase nang minsang dumating siya sa klase.
“Tigil-tigilan niyo nga ako! Ang aga-aga puro pangbubuwisit ang ginagawa niyo sa akin!” inis niyang sagot.
“Eh, talaga namang barok ka ‘no! Nagpipilit na magsalita ng Ingles pero mali-mali naman!” bulyaw ng kaklase niyang si Robert.
“At least nakakasagot ako sa recitation ni Ma’am Jimenez kaysa sa inyo na pinapainit lang ang bangko sa kakaupo!” aniya.
“Ayos lang sa amin na hindi magsalita kaysa sa iyo na kahit balu-baluktot ang grammar ay pinagpipilitan mo pa rin! Kahit sa pagsusulat mo ng essay ay mali-mali ang Ingles kaya kapag nababasa ni Ma’am Jimenez ang gawa mo’y ‘di niya mapigilan na matawa,” sagot naman ng kaklase niyang si Noemi na ang tinutukoy ay ang guro nila sa Ingles.
Sa sinabing iyon ni Noemi ay nagsipaghagalpakan sa katatawa ang mga kaklase niya. Hindi na nakipagtalo pa si Angelu sa mga mapanghusga niyang kaklase. Ano nga ba ang laban niya? Eh, totoo naman ang sinasabi ng mga ito laban sa kaniya. Maganda nga ang ipinapakita niya sa loob ng kanilang silid-aralan ngunit pagdating sa pagsasalita ng wikang Ingles ay mahina siya. Kapag nagkakaroon naman sila ng pagsusulit sa nasabing asignatura ay mataas naman ang nakukuha niyang mga marka ngunit kapag kailangan na niyang magsalita ng Ingles sa tuwing nagre-recitation sila ay lumalabas ang pagiging barok niya sa Ingles. Dahil sa kaniyang kahinaan ay tampulan siya ng tukso at pambubuska ng mga kaklase niyang makikitid ang isip. Dumating pa sa punto na pati personal niyang buhay at pamilya ay idinadamay na ng mga ito kaya minabuti niyang lumipat sa ibang eskwelahan.
Tinulungan siya ng kaniyang ina na OFW na makapag-aral sa Japan. Sa banyagang bansang iyon ay hindi niya kailangang gumamit ng wikang Ingles ngunit dapat niyang pag-aralan ang wikang Nihongo na pangunahing wika sa Japan. Kahit mahirap ay pilit niyang inaral iyon para makapag-aral nang maayos. ‘Di nagtagal ay nagamay na rin niya ang pagsasalita at pagsusulat niyon. Kahit nasa ibang bansa siya ay angat pa rin ang kahusayan niya sa klase kaya hangang-hanga sa kaniya ang mga kaklase niyang Hapon at kapwa Pinoy.
“Wow, ikaw na naman ang nanguna sa exam natin, Angelu!” manghang sabi ng kaklase niyang si Lyca.
“Talung-talo mo ang mga kaklase nating Hapon! At napapansin namin, ang tatas mo nang magsalita ng wikang Nihongo, ah!” hirit pa ng kaklase niyang si Yumi.
“Barok daw kasi akong magsalita ng wikang Ingles, eh, kaya bumabawi na lang ako sa lenggwahe ng bansa kung saan ako naroroon,” sagot ni Angelu sa mga kasama.
“Kahit naman ako’y hindi rin kagalingan sa pagsasalita ng Ingles. Dito sa Japan, hindi natin kailangang magsalita ng Ingles ‘di gaya sa Pilipinas na kapag magaling kang mag-Ingles ang akala ng mga tao, eh napakatalino mo na! Dito, mas pinahahalagahan nila ang sarili nilang wika,” hayag ni Lyca.
Kahit malayo na si Angelu sa Pilipinas ay nakakabasa pa rin siya ng mga negatibong mensahe mula sa mga dati niyang kamag-aral. Minsan habang nagbabasa siya ng mga post sa social media ay ‘di niya napigilang maluha sa post ng isa sa mga dati niyang kaklase na si Noemi.
“Salamat sa lahat ng bumati sa akin! Deserve ko ang pagiging Magna Cum Laude sa aming batch. Marami kasi sa batch namin ang magaling mag-Ingles kaya ito, successful ang aming pagtatapos ‘di gaya nung kilala kong barok mag-ingles. Mabuti nga at hindi na namin naging kaklase ang babaeng ‘yon! Kahihiyan lang siya sa batch namin!” sabi ng babae sa post.
“Hindi pa rin nila ako nilulubayan. Kahit malayo na ako’y pangmamaliit pa rin ang ginagawa nila sa akin,” naiiyak na sabi ni Angelu sa sarili.
‘Di rin nagtagal ang post na iyon at ilang oras lang ay binura rin ng dati niyang kaklase ngunit tila sumugat iyon sa puso ni Angelu na hindi pa rin pala nalilimutan ng mga nakakakilala sa kaniya ang kaniyang kahinaan sa pag-i-Ingles.
Dahil sa nabasa ay mas lalong nilakasan ni Angelu ang loob at mas lalong nagpursige sa kaniyang pag-aaral hanggang sa nakapagtapos siya sa kursong Business Management sa Japan.
“Congratulations sa atin, Angelu! Alam mo ba na tayong tatlo nina Yumi ang napili ng ating unibersidad na ipasok sa isang malaking kumpanya rito sa Japan? Maganda raw kasi ang records nating mga Pinoy at mahusay tayo sa pagsasalita ng Nihongo kaya tayo ang nabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho roon!” tuwang-tuwang sabi ni Lyca.
“T-talaga?! Naku, congrats sa ating tatlo! Basta mga Pinoy, angat sa mundo!” masayang tugon ni Angelu sa magandang balita.
Nakapagtrabaho nga si Angelu at ang dalawa niyang kasama sa isa sa pinakakilalang kumpanya sa Japan. Bukod sa malaking sahod ay marami pa silang benepisyong matatanggap bilang mga regular na empleyado roon. Ilang buwan ang lumipas ay nakatanggap pa siya ng parangal mula sa pinagtatrabahuhang kumpanya bilang isa sa mga mahuhusay na empleyado. Dahil malaki na ang naiipon niya ay nakapagpatayo rin siya ng negosyo sa Japan at iyon ay naging matagumpay din. Naiahon ni Angelu ang pamilya sa hirap dahil sa kanyang pagtitiyaga at determinasyon. Hindi na niya pinagtrabaho pa ang inang OFW dahil sapat na ang kinikita niya para sa kanila. Dahil sa galing niya sa negosyo ay napabalita sa Pilipinas ang pagiging matagumpay niyang Pinoy sa Japan.
“Naku, Angelu! Sikat na sikat ka na! Trending sa Pilipinas ang pagiging successful Pinoy mo rito sa Japan!” balita ng kaibigang si Yumi.
“Bahagi kayo at ang lahat ng Pinoy sa anumang natatamo ko ngayon. Hindi hadlang ang pagiging barok sa Ingles para maging matagumpay sa buhay. Sipag, tiyaga, at pananalig sa Diyos ang sikreto para makamit ang mithiin!” sagot ni Angelu sa kaibigan.
Nang malaman ng mga dating kaklase, lalo na si Noemi, ang tungkol sa kaniya ay laking pagkapahiya ng mga ito. Hindi sila makapaniwala na naungusan pa sila ng isang barok sa Ingles kumpara sa kanila na matatas sa pagsasalita niyon. Sila na mga magagaling mag-Ingles at nakapagtapos ng may karangalan ay natalo ng isang tulad ni Angelu na mali-mali sa pagsasalita ng Ingles, na ngayon ay sikat na at isa na sa pinakamayamang Pinoy sa buong mundo.
Tandaan na kahit hindi ka kagalingan basta’t madiskarte ka sa buhay ay paniguradong malayo ang iyong mararating. Dahil ang tao ay iba-iba ang angking talino at husay. Normal lamang na magkamali, dahil sa pagkakamali tayo natututo.