Inday TrendingInday Trending
Sumama ang Loob ng Ina sa Kaniyang Dalawang Anak na Lalaki na May Sari-Sarili nang Pamilya; Magkakaayos Pa Ba Sila?

Sumama ang Loob ng Ina sa Kaniyang Dalawang Anak na Lalaki na May Sari-Sarili nang Pamilya; Magkakaayos Pa Ba Sila?

“Hanggang kailan responsibilidad ng magulang ang kanilang mga anak? Hindi ba’t panghabambuhay ito?”

Iyan ang nabasa ni Aling Linda, 54 na taong gulang, sa social media post ng kaniyang bunsong anak na si Carlos. Parang nasaktan siya sa sinabi nito hinggil sa kaniya. Hindi niya kasi alam kung siya ba ang pinariringgan nito, o ang kuya nitong si Genaro, na matapos mawalan ng trabaho ay tumatakbo sa kaniya at humihingi ng tulong.

Nagbitiw kasi sa trabaho ang panganay niyang anak na si Genaro. Pamilyado na ito. Ngayon nga, sa kaniya tumatakbo ang kaniyang anak para sa kanilang panggastos.

Mahigpit ang bilin ni Aling Linda sa kaniyang tatlong anak: kapag nagkaroon na sila ng sari-sariling pamilya, hahayaan na niya ang mga ito na bumukod at itaguyod sa sarili nilang pamamaraan ang kanilang sariling sambahayan.

Ganyan din kasi pinalaki ng kaniyang mga magulang si Aling Linda. Iyan ang dahilan kung bakit nangibang-bansa siya noong dalaga pa siya. Doon niya nakilala ang kaniyang mister.

Napagtapos naman niya ang kaniyang mga anak, at ni minsan ay hindi siya nanghingi ng kahit munting sentimo sa kanila noong nagtatrabaho na ang mga ito. Nagtataka siya kung bakit nagpaparinig ngayon ang kaniyang bunsong anak na si Carlos, gayong ang sinermunan niya ay si Genaro.

Kaya naman, nang magkaroon ng pagkakataong magkaharap-harap sila, agad niyang pinakinggan ang sentimyento ng kaniyang mga anak. Hindi siya nagsalita ng kahit ano. Nakinig lamang siya.

“Ang sa akin lang naman Nanay, sana naman po ay tulungan po muna ninyo ako. Anak po ninyo ako, ibabalik ko naman po ang pera na ibibigay ninyo sa akin. Para naman ninyo akong hindi anak. Bakit naman po kayo ganiyan sa akin?” pahayag ni Genaro sa kaniyang ina.

At maya-maya, si Carlos naman ang bumanat. Palagay niya ay panig ito sa kaniyang kuya.

“Oo nga naman, ‘Nay. Hindi naman po siguro masama kung tutulungan natin si Kuya. Nakakaawa naman po siya kung hindi natin siya tutulungan.”

“Tapos na kayo? Sige ako naman ang magpapaliwanag.”

Bumaling si Aling Linda sa kaniyang panganay na anak na si Genaro.

“Ikaw Genaro, ano ba talaga ang dahilan kung bakit ka nagbitiw sa trabaho mo? Bigyan mo ako ng matinding dahilan kung bakit kailangan mong umalis sa trabaho mo. Ano ba talaga ang nangyari?” usisa ni Aling Linda sa kaniyang panganay na anak.

“Eh… hindi na ako masaya eh. Gusto ko na lang magnegosyo,” tugon naman ni Genaro.

“Magaling kung gayon. Ang tanong ko sa iyo, nakapag-ipon ka ba? May pamuhunan ka na ba sa balak mong negosyo?”

Natameme si Genaro.

“I-Iniisip ko pa nga pong umutang sa bangko.”

“Nakautang ka na ba? Gaano ka kasiguradong mapapautang ka?”

Hindi na nakasagot si Genaro. Ang totoo niyan, hindi talaga siya sigurado kung talaga bang makakautang siya.

“Kita mo na? Genaro, hindi dapat ganyan ang akto ng isang pamilyadong tao. Walang masama sa pagbibitiw sa trabaho kung alam mong may kapalit ka kaagad, o kaya naman, kung magnenegosyo ka, titiyakin mong may sapat kang ipon para sa iyong puhunan, at sa iyong mga pang-araw-araw na gastusin.”

Napayuko na lamang si Genaro. Totoo naman ang mga sinabi ng kaniyang ina.

“At ikaw naman Carlos… wala naman akong sinabing hindi ko tutulungan ang kuya mo. Kahit na ikaw, kung malalagay ka sa sitwasyong gaya niya. Pero mali na ipararaan mo pa sa social media ang mga saloobin mo sa akin. Ang usaping pampamilya, kailangang nireresolba iyan sa loob ng pamilya, at walang kinalaman diyan ang ibang tao. Sana dinerekta mo na lamang ako.”

Napayuko na lamang din si Carlos. Hiyang-hiya siya sa kaniyang ginawa.

“Mga anak ko kayo kaya mahal na mahal ko kayo. Pero sana maunawaan ninyo rin na malalaki na kayo, sa katunayan, may sari-sarili na nga kayong pamilya. Ang hiling ko lamang sa inyo, sana ay mas maging mature at responsable kayong mga padre de pamilya. Sana, huwag ninyong maranasan itong sakit ng loob na nararanasan ko ngayon, na masyado naman ninyo akong hinusgahan dahil lamang sa paninindigan ko, sa paraan ng pagiging magulang ko,” naluluhang sabi ni ni Aling Linda.

Tila nadurog naman ang puso nina Genaro at Carlos. Para silang binuhusan ng malamig na tubig. Tama ang kanilang ina. Naging padalos-dalos sila sa kanilang pananalita. Nilapitan nila si Aling Linda at niyakap ito.

“Patawarin po ninyo kami, ‘Nay. Hindi po namin sinasadya. Ipinapangako po namin na hindi na ito mauulit,” paghingi ng paumanhin ni Genaro sa kanilang ina.

At naresolba naman ng mag-iina ang problema ni Genaro. Pinalad naman na nakautang sa bangko si Genaro para masimulan na ang kaniyang negosyo. Habang sinisimulan pang itayo ang negosyo, nagbigay ng panggastos si Aling Linda upang may magamit si Genaro na panggastos sa kaniyang pamilya habang hindi pa naitatayo ang kaniyang balak na negosyo.

Makalipas ang ilang buwan at naisakatuparan na nga ni Genaro ang kaniyang negosyo, at pumatok naman ito sa publiko. Bilang sukli sa naging tulong ng kaniyang ina, binibigyan-bigyan niya ito ng kaunting porsyento sa kita bilang pagbabalik-loob.

Advertisement