
Nabuhay sa Panghuhuthot ng mga Lalaking May Asawa ang Isang Dalaga; Matinding Karma ang Sasalubong sa Kaniya
“Aba, Karen, bago na naman ‘yang suot mong mga alahas, a! Tunay ba ang mga ‘yan?” bungad ni Jane sa kaniyang pinsan.
“Tulad mo naman ako sa’yo, pinsan! Siyempre tunay ang lahat ng suot kong alahas. Galing Saudi ang mga ito at tunay na ginto! Niregalo sa akin ng nobyo kong OFW,” pagmamalaki naman ni Karen.
“Saudi? Hindi ba sabi mo sa akin ay nasa Dubai ang kasintahan mo? Huwag mong sabihin sa akin na iba na naman ‘yan?” pagtataka pa ng pinsan.
“Oo, iba rin ‘yung nasa Dubai! Siyempre, hindi nila matanggihan ang kagandahan ko. Panay kulit kasi sa akin kaya pinagbigyan ko na,” saad muli ni Karen.
“Akala ko pa naman ay seryoso ka doon sa Rudy na kinukwento mong taga-Dubai. Naku, pinsan, paano kapag nalaman ng dalawang iyan na niloloko mo sila? Baka bawiin nila ang lahat ng binigay nila sa’yo!” pananakot pa ni Jane.
“Tigilan mo nga ako. Hindi nila malalaman na pinagsasabay ko sila. Saka takot lang nilang gawan ako ng masama. Baka gusto nila’y isumbong ko sila sa mga asawa nila na mayroon silang babae at sinusunod nila ang lahat ng hilingin nito!” pangisi-ngisi pang sabit ng dalaga.
Nagulat naman si Jane sa inamin ng pinsan.
“Hala! Kabit ka? Hindi ka ba natatakot sa ginagawa mo, Karen? Ang akala ko’y nakakakaba nang malaman ng dalawang lalaki mo na pinagsasabay mo sila. May mas malala pa pala. Naku, kung ako sa iyo ay ititigil ko na ‘yan agad. Baka mamaya ay kung anong gawin sa iyo ng mga asawa niyang kapag nalaman nilang may kahati sila sa kanilang mga asa-asawa!” payo pa ng pinsan.
“Huwag ka ngang matakot diyan! Hindi lang naman ito ang unang pagkakataon na ginawa ko ito. Saka mas ayos nang gamitin ko ang utak ko kaysa ang puso ko. Tingnan mo, ang dami kong napapala. Pinapadalhan nila ako ng allowance linggo-linggo at binibili nila ang lahat ng nais ko. Napakadaling bolahin ng mga ‘yan. Magpadala lang ako ng mga larawan kong nakapostura ay hindi na nila alam ang kanilang gagawin!” pagyayabang muli ni Karen.
Walang masabi itong si Jane. Napapailing na lamang siya sa mga disposiyon ng kaniyang pinsan.
Kahit na palaging pinagsasabihan nitong si Jane ang pinsang si Karen ay hindi pa rin tumitigil ang dalaga sa pagkabit sa kung sinu-sinong lalaki. Kapag nakakita ng oportunidad ang dalaga ay agad niya itong susunggaban. Taliwas sa payo ni Jane.
Isang araw ay nagtungo si Karen sa bahay ni Jane upang ipakita ang mga bagong padala ng kaniyang mga karelasyon.
“Tingnan mo at ang dami kong bagong bag! Mamahalin ang mga ito. Nagkadoble ng bili kasi sabay kong hiniling sa kanila na bilhan naman ako ng bagong bag. Ito namang pulseras na ito ay bigay rin ng bago kong manliligaw. Ay, hindi na pala manliligaw. Sinagot ko na rin siya kaninang umaga nang padalhan niya ako ng limang libong piso! Ang ganda ganda ko talaga, ‘di ba, pinsan?” sambit ni Karen sa dalaga.
“Hindi ka pa nakuntento sa dalawang lalaki at dinagdagan mo pa talaga? Huwag mong sabihin sa akin na may asawa na naman ‘yang karelasyon mo? Sinasabi ko sa iyo, Karen, malaking kahihiyan ‘yan kapag nalaman ng mga asawa nila ang ginagawa mo!” wika naman ni Jane.
“Ikaw naman para kang pari at lagi kang nagsesermon. Bakit hindi ka na lang maging masaya para sa akin dahil nakukuha ko ang lahat ng gusto ko? Kung gusto mo ay ihihingi rin kita sa mga dyowa ko. O mas maganda kung nobyo na lang ang hanapin ko para sa iyo! Wala kang mapapala sa pag-ibig, Jane, gamitin mo ang utak mo para umasenso ka sa buhay tulad ko!” pahayag naman ni Karen.
“Salamat na lang, pinsan. Pero hindi ko kailangang mang-agrabyado ng ibang tao para lamang makaangat sa buhay. Nag-aalala ako para sa iyo, Karen. Siguro nga ngayon ay masaya ka. Pero darating ang araw na mabubunyag din ang lihim mo,” wika muli ng pinsan.
“Iyan ay kung malalaman nila. Naku, bahala ka nga diyan! Palibhasa ay walang nanliligaw sa iyong mapera!” paismid na nilayasan ni Karen si Jane.
Hindi nawala ang pangamba ni Jane para sa kaniyang pinsan. Ngunit balewala lamang ito para kay Karen dahil sigurado siyang kaya niyang itago ang lahat.
Ngunit tulad ng sinasabi ng marami, walang lihim ang hindi nabubunyag.
Isang araw ay nalaman ng asawa ng lalaking taga-Dubai ang kalandian nitong si Karen. Labis kasi ang pagtataka nito sa malaking perang nawawala sa kita ng kaniyang asawa. Nang buksan niya ang selpon nito ay tumambad sa kaniya ang palitan ng malalaswang mensahe at mga larawan ni Karen at ng ginoo.
Hindi nagdalawang-isip ang babaeng ito na komprontahin si Karen. Ngunit imbis na magsisi sa kaniyang ginawa ay pinamukha pa ni Karen na mas nakakaangat siya.
“Losyang ka na kasi kaya ayaw na sa iyo ng asawa mo! Bakit hindi mo pa kasi tanggapin na sa akin na naaakit si Rudy!” bulyaw ni Karen.
Sa gigil ng babae ay dinemanda niya itong si Karen at ipinost rin nito ang mga hub@d na larawan ng dalaga sa social media. Umani ito ng isang damakmak na batikos. Nang mag-viral ang naturang post ay nakita ito ng dalawa pa niyang kasintahan. At saka nalaman din ng asawa ng mga ito ang pakikipagrelasyon kay Karen.
Patung-patong na reklamo at panghahamak ang nangyari kay Karen. Halos hindi na makalabas pa ng bahay ang dalaga dahil sa sobrang kahihiyan. Saka niya naisip ang mga payo sa kaniya ng pinsang si Jane.
Labis ang kaniyang pagsisisi sapagkat ngayon ay mas maliit na ang mundo na kaniyang ginagawalan. Masama na rin ang tingin sa kaniya ng mga tao. Kung nakinig lamang siya kay Jane ay marahil hindi na hahantong sa ganito ang lahat. Ngunit mas nangibabaw kasi kay Karen ang pagkagahaman.