
Ayaw Magpatulong ng Lalaki sa Kaniyang Asawa Pagdating sa Gastusin; Magiging Mitsa pa Pala Ito ng Kanilang Hindi Pagkakaunawaan
“Janella, ito ang sahod ko ngayong buwan. Ipang-grocery mo muna ’yan at gagawa ako ng paraan para sa bills natin. Medyo maliit ang sinahod ko kaya tiis muna tayo,” saad ni Macoy sa kaniyang asawang si Janella habang iniaabot dito ang isang sobre na naglalaman ng lahat ng kaniyang sinahod para sa buwang ito. Maliit lamang iyon kaya naman namomroblema si Macoy dahil alam niyang kulang na kulang iyon para sa kanilang gastusin.
“Babe, pwede naman akong tumulong sa bills. Kasasahod ko lang din. Isa pa, namili na ako ng groceries kaya wala ka nang dapat na ipag-alala,” nakangiti namang sagot ni Janella sa pag-aakalang gagaan ang pakiramdam ng kaniyang mister.
“Namili ka na? So, ikaw na naman ang mahusay. Ayos!” ani Macoy sa asawa sa galit na tono.
Agad naman iyong ipinagtaka ni Janella. “Ano’ng ibig mong sabihin, babe?” kunot-noong tanong niya.
“Ang ibig kong sabihin, huwag mong pinapamukha sa akin palagi na mas magaling ka at mas malaki kang kumita!” sagot naman ni Macoy sa kaniya.
“Babe, hindi naman gan’on ’yon. Gusto ko lang namang makatulong,” katuwiran naman ni Janella.
“Hindi ka nakakatulong, Janella! Hindi ako natutuwa sa ginagawa mo!” muli ay sigaw ni Macoy sa nobya bago siya tumalikod at pumasok sa kanilang kwarto.
Dahil sa pangyayaring iyon ay hindi na muling inulit ni Janella ang pagtulong sa gastusin nila sa bahay, kahit pa nga minsan ay halos hindi na magkandaugaga si Macoy para lang kumita. Ang totoo ay mas madiskarte namang talaga si Janella kaysa sa kaniyang asawa ngunit hindi iyon kayang tanggapin ni Macoy. Pakiramdam niya ay nababawasan ang kaniyang pagkalalaki sa tuwing mas malalamangan siya ng kaniyang misis.
Isang araw ay humahangos na dumalaw sa kanilang tahanan ang ina ni Macoy. Nagkaroon ng emergency dahil isinugod sa ospital ang asawa nito kaya naman nangangailangan ito ng pera.
“Anak, baka naman p’wedeng mapahiram mo ako ng sampung libo? Kailangang-kailangan lang ng papa mo,” umiiyak na anang ina ni Macoy sa kaniya, ngunit napangiwi lamang ang binata.
“M-ma, wala po akong hawak na ganiyan kalaking halaga. Hayaan n’yo at susubukan kong humiram—” Ngunit pinutol ni Janella ang sinasabing iyon ni Macoy.
“Babe, ano ka ba? May pera ako. Ako na muna ang magpapahiram sa mama mo. Huwag ka nang mangutang.”
“Naku, Janella! Maraming salamat sa ’yo, hija! Maaasahan ka talaga. Hayaaan mo’t kapag nakaluwag-luwag ako’y babayaran ko itong kaagad,” hinging pasasalamat naman ng ina ni Macoy na talagang kababakasan ng pag-aalala sa mukha, para sa asawa.
Biglang natigilan ang lalaki. Pakiramdam niya ay napahiya siya sa sariling ina dahil sa ginawa ng kaniyang asawa. Hindi siya nagsasalita sa buong oras na naroon ang kaniyang ina, hanggang sa umuwi ito.
“Mama, susunod na lang po kami ni Macoy sa ospital. Pakisabi po kay papa, magpalakas, ha?” ani Janella sa ina ni Macoy nang paalis na ito’t hinahatid nila sa labas.
Nang tuluyan na itong nakaalis ay saka naman biglang umarangkada ang kanina pang itinatagong inis ni Macoy sa misis. “O, ano? Masaya ka na ba na mas magaling ka na naman sa akin? Ako na naman itong lumabas na walang kwenta’t pabigat lang?” galit na sabi ni Macoy.
“Macoy, ano ba! Emergency na ’yon, pero pride mo pa rin ang inuuna mo! Hindi naman ibig sabihin na kapag tinulungan kita sa gastusin natin ay pinabababa ko ang pagkatao mo! Ganoon talaga ang relasyon, Macoy! Tulungan dapat!” paliwanag naman ni Janella ngunit tila hindi nakaiintindi si Macoy.
“Ako ang lalaki kaya ako dapat ang nagpo-provide sa atin! Hayaan mo akong patunayan na kaya kitang buhayin! Hindi ko kailangan ng tulong mo, Janella!”
Biglang natigilan si Janella sa sinabi ng nobyo. Nasaktan siya sa ipinapakita nito. Tila ba mas mahalaga pa ang pride nito kaysa sa ikagaganda ng buhay nilang dalawa.
“Kung gan’on, maghiwalay na lang tayo.” Kahit si Janella ay nabigla sa kaniyang desisyon. Ayaw naman sana niyang umabot sila sa ganito ngunit tila ba pinipilit siya ni Macoy.
Ilang araw na ang nakalilipas simula nang maghiwalay sina Macoy at Janella. Ilang araw na ring kinakain ng kaniyang konsensya si Macoy. Ang totoo ay naiintindihan naman talaga niya ang ibig sabihin ni Janella ngunit hindi niya lang talaga gustong magpatalo dahil sa kaniyang pride. Ganoon pa man, ngayon ay tila ba gusto na niyang kalimutan ang tungkol doon kung iyon pa ang magiging dahilan ng kanilang hiwalayan.
Sa huli, dahil sa pagmamahal ay nagawang lunukin ni Macoy ang sariling pride upang magkaayos sila ng babaeng pinakamamahal. Napagtanto niyang tama ito. Sa relasyon ay hindi importante kung sino ang mas kayang magbigay. Ang mahalaga ay nagtutulungan kayo para sa ikagaganda ng inyong pagsasama. Dahil doon, hindi kalaunan ay naging ayos muli ang dalawa. Ngayon, mas matatag na ang kanilang relasyon dahil sa pagsubok na nalampasan nila.