Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Pagiging Mataba ay Iniwan Siya ng Kaniyang Kinakasama at Ipinagpalit sa Iba; Pagsisisihan Nito ang Kaniyang Desisyon sa Huli

Dahil sa Pagiging Mataba ay Iniwan Siya ng Kaniyang Kinakasama at Ipinagpalit sa Iba; Pagsisisihan Nito ang Kaniyang Desisyon sa Huli

“Kumakain ka na naman?!” hiyaw ni Jayson sa kaniyang live-in partner na si Denise nang maabutan niya itong kumakain pagkauwi niya galing sa trabaho. Nakakunot ang kaniyang noo habang nakatitig sa kaniyang nobya at hindi maikakailang kababakasan din ng disgusto ang kaniyang mga titig.

“M-mahal, ngayon pa lang naman ako kakain, e. Katatapos ko lang kasing maglaba. Nilabhan ko ’yong mga bedsheet at kumot natin kaya—”

“Huwag ka na ngang magpaliwanag! Puro kain na lang ’yang ginagawa mo kaya ang taba-taba mo na. Hindi ba at sinabi ko naman sa ’yo, sumama ka sa akin kapag magwo-workout ako para naman mabawasan kahit papaano ’yang timbang mo? Isa pa, mag-diet ka!” pamumutol naman ni Jason sa akmang pagpapaliwanag sa kaniya ni Denise.

“Mahal, huwag ka namang ganiyan. Alam mo namang ang dahilan ng patuloy na pagbigat ng timbang ko at paglaki ng katawan ko ay dahil sa gamot na tini-take ko para sa sakit ko. Hindi naman ’to dahil sa matakaw ako o ano. Huwag kang mag-alala, kapag gumaling na ako—”

Ngunit bago pa man matapos ni Denise ang kaniyang sinasabi ay muli na naman siyang pinutol ni Jayson. “Huwag ka na ngang magdahilan pa! Idadamay mo pa ’yang sakit mo. Ang sabihin mo, hindi mo na kayang alagaan ang sarili mo. Tinatamad ka lang mag-workout at mag-diet! Alam mo, hindi ka naman ganiyan dati, e. Maganda ka noon. Sexy! Ewan ko ba kung ano ang nangyari’t naging dambuhala ka na ngayon!”

Dahil sa masasakit na salitang narinig ay hindi na napigilan ni Denise na maluha. Sa lahat ng taong nakapaligid sa kaniy, hindi niya akalaing ang nobyo niya pang si Jayson ang unang-unang magpaparamdam sa kaniya na may mali sa kaniyang pangangatawan.

“’Yan, diyan ka magaling!” muli ay nanggagalaiti pang sigaw ni Jayson kay Denise nang makita ang pagpatak ng mga luha nito. “Sa tuwing pagsasabihan ka, iiyak ka na para bang inaapi kita! Bahala ka na nga sa buhay mo!” pahabol pa nito bago tumalikod.

“Sandali, mahal, saan ka pupunta?” nahihikbing habol naman ni Denise sa kinakasama.

“Sa gym. Nang hindi ako matulad sa ’yo,” sagot naman ni Jayson na siyang nakapagpaiyak pang lalo kay Denise. Pakiramdam niya ay tinusok ng libu-libong karayom ang kaniyang puso sa sakit ng mga salitang binitiwan ng kaniyang nobyo at wala siyang nagawa kundi ang umiyak na lang.

Maya-maya pa, napag-isip-isip ni Denise na baka nga tama ang kaniyang nobyo sa sinabi nito. Gusto niyang patunayan dito na kaya naman niyang mag-workout kaya naman sinundan niya si Jayson sa gym upang sabayan ito sa pag-eehersisyo.

Ngunit hindi pa man siya masiyadong nakalalayo sa kanilang bahay ay namataan niya ang sasakyan ng kaniyang nobyo na nakaparada sa isang parke malapit sa kanilang bahay. Nang kaniyang silipin ang nakabukas na bintana niyon ay ganoon na lang ang pagkabigla niya nang makitang may babaeng kasama si Jayson sa loob at may ginagawa silang kataksilan sa kaniya!

Tumakbo si Denise pabalik sa kanilang bahay at agad na kinuha ang kaniyang maleta upang mag-empake. Ngayon ay alam na niya kung bakit nagkaganoon ang kaniyang nobyo. May babae na pala ito!

Humahangos namang sinundan ni Jayson ang kinakasamang si Denise. Ang totoo ay hindi niya naiintindihan ang sarili. Nang makita siya ni Denise na may kasamang ibang babae ay bigla siyang natakot na baka iwan siya nito, gayong ang totoo ay iyon din naman ang balak niyang gawin!

Naabutan ni Jayson na nag-eempake na si Denise ng kaniyang mga gamit. Tinangka niya itong pigilan ngunit animo pipi at bingi ang kaniyang nobya!

Nang tuluyan nang umalis si Denise ay wala nang nagawa si Jayson kundi ang manghinayang. Napasabunot siya sa kaniyang sarili habang inaalala ang kanilang mga pinagsamahan. Binalot ng pagsisisi ang kaniyang damdamin lalo na nang makita ang mga gamot na iniinom ni Denise kalakip ang ilang notes mula sa doktor nito. Nang basahin niya iyon ay doon niya napatunayang totoo ngang dahil sa gamot na iniinom nito kung bakit ito tumataba.

Pakiramdam ni Jayson ay ito na ang pinakamalaking kamaliang ginawa niya. Sinubukan niyang ligawang muli si Denise dahil napagtanto niyang mahal niya ito, ngunit masiyado niya itong nasaktan. Nakahanap na si Denise ng bagong magmamahal at totoong tatanggap sa kaniya bago unti-unting bumalik ang tunay na hubog ng katawan niya kasabay ng paggaling niya sa kaniyang karamdaman. Habang si Jayson ay naiwang luhaan at puno ng pagsisisi.

Advertisement