
Sinubukang Akitin ng Bagong Katulong ang Mayamang Lalaki; Magugulat Siya sa Pagkakaalam ng Tunay na May Pakana
“Honey, sigurado ka bang gusto mong tanggapin ang aplikanteng ’yan para maging yaya ng anak natin?” may pag-aalinlangang tanong sa kaniya ng asawang si Nilo na puno ng pag-aalala ang mukha.
Nangunot namang agad ang noo ni Edna dahil doon. “Bakit naman? May problema ba sa kaniya?” balik namang tanong niya rito.
“Hon, tingnan mo naman ang hitsura niyan. Masiyadong pa-sexy. Hapit na hapit ang damit sa katawan niya at pulang-pula pa ang lipstick. ’Yan ba dapat ang outfit ng mga nag-a-apply maging yaya? Baka mamaya, kung ano pang matutunan ng anak natin sa kaniya,” katuwiran pa ni Nilo na halatang hindi komportable sa nakikitang ayos ng kanilang aplikante.
“Ano ka ba, ganiyan na talagang magdamit ang mga babae ngayon. Palibhasa, hindi ko kayang magsuot ng mga ganiyang damit kaya hindi ka sanay. Masiyado na akong losyang simula noong nagkaanak tayo,” malungkot na sabi pa ni Edna sa asawa. “Bakit? Naiilang ka ba sa kaniya dahil hindi mo maiwasang tingnan siya kapag ganiyan ang suot niya?”
“Ano?!” agad na napataas ang boses ni Nilo sa sumunod niyang tanong. “Siyempre, hindi! Hon naman. Saka huwag mo ngang sabihin ’yan sa sarili mo. Kahit naman hindi ka magsuot ng mga ganiyang damit, ikaw pa rin ang pinakamagandang babae sa paningin ko,” pangungumbinsi pa ni Nilo sa kaniya sabay hapit sa kaniyang baywang upang lapatan siya ng halik sa pisngi.
“Sinasabi mo lang ’yan para pagaanin ang loob ko, e,” malungkot pa rin namang giit ni Edna. Napabuntong-hininga na lamang si Nilo bago siya nito niyakap. Patuloy nitong ipinaliwanag sa kaniya na siya lang ang pinakamamahal nito at kailangan niyang magtiwala sa mga salita ng asawa, dahil iyon ang susi upang maging maganda at maayos ang pagsasama nilang mag-asawa.
Kalaunan ay napapayag din ni Edna si Nilo na tanggapin nila bilang yaya ng kanilang anak si Hellen. Isang dalawampu’t walong taong gulang na babae na may magandang mukha at kaakit-akit na hubog na katawan.
Unang araw pa lamang ay pansin na ni Nilo ang lagkit ng mga tinging ipinupukol sa kaniya ni Hellen, ngunit minabuti niyang huwag na lang muna iyong pansinin. Tutal ay wala naman siyang balak na patulan iyon. Ngunit tila ba napikon na si Nilo nang isang araw, habang nasa palengke si Edna ay bigla na lamang siyang lapitan ni Hellen.
“Sir, mag-juice ka muna,” sabi ng magandang kasambahay, ngunit hindi pa man nito tuluyang nailalapag sa mesang nasa harapan niya ang inumin ay napatid ito at natapon sa sariling damit ang juice!
“I’m sorry, sir, hindi ko po sinasadya,” sabi nito sa kaniya. Nakita ni Nilo na isa-isang tinanggal ni Hellen ang butones ng suot nitong blouse, doon mismo sa harapan niya! Bukod pa roon ay heto na naman ang malalagkit nitong mga tingin na para bang punong-puno ng pang-aakit… ngunit hindi niyon kayang pantayan ang pagmamahal niya sa kaniyang asawa.
“Tumigil ka na, Hellen! Tingin mo ba, may epekto sa akin ’yang ginagawa mo? Mahal ko ang asawa ko!” galit na sabi niya sa kanilang kasambahay, ngunit imbes na matakot ay lalo pa nitong inilapit ang sarili sa kaniya. Dahil doon ay nagawa niya itong itulak at doon ay tila natauhan ang babae.
“S-sorry sa nagawa ko s-sir! Ang totoo po n’yan—”
May sasabihin pa sana ang babae ngunit hindi na nito iyon nagawa nang kaniya itong pigilin. “Wala akong pakialam sa sasabihin mo. Umalis ka na sa pamamahay namin dahil tinatanggal na kita!”
Lingid sa kanilang kaalaman, kanina pa nakikinig sa kanilang usapan si Edna. Ang totoo ay hindi naman ito totoong nagpunta sa palengke. Sinabi lamang niya iyon upang magkaroon ng oras si Hellen na gawin ang planong napag-usapan nila.
Hindi tunay na katulong si Hellen kundi isa sa mga tauhan nila sa negosyong si Edna mismo ang nagpapatakbo. Ang totoo ay inutusan niya ito na akitin ang sariling asawa dahil gusto niyang subukan ang pagiging matapat nito sa kaniya. Ngunit ngayon ay nagsisisi siya dahil siya pala ang hindi naging tapat dito.
Hindi na napigil ni Edna nang tuluyang magsalita si Hellen dahil sa takot nito kay Nilo. Dahil doon ay siya naman ang napagbalingan ng galit nito.
“Bakit mo ginawa ’yon?! Akala ko ba, may tiwala ka sa akin?” Magkahalong galit at lungkot ang mababanaag sa tinig ni Nilo. Wala namang maisagot si Edna sa asawa kundi paghingi ng tawad. Noon ay isang leksyon ang natutunan ni Edna.
Ang kawalan ng kapanatagan sa sarili ay magdudulot lamang ng hindi magandang pag-iisip at hindi magandang mga desisyong maaaring sumira sa samahan. Ang tiwala ay mahalaga sa isang relasyon upang manatili ang magandang pagsasama ng isang mag-asawa, at iyon ang hindi niya naibigay kay Nilo. Mabuti na lamang at talagang mahal siya nito at agad siyang pinatawad. Iyon ay sa kondisyong hindi na niya uulitin ang ginawa na agad namang sinang-ayunan ni Edna. Tutal ay napatunayan naman niya mismo sa sarili na mali ang akala niya tungkol sa mister.

Dahil sa Pagiging Mataba ay Iniwan Siya ng Kaniyang Kinakasama at Ipinagpalit sa Iba; Pagsisisihan Nito ang Kaniyang Desisyon sa Huli
