Inday TrendingInday Trending
Upang Makatakas sa Ginawang Kasalanan ay Itinuro ng Madrasta Bilang Salarin ang may Kapansanang Anak ng Kaniyang Kinakasama; Ngunit Walang Lihim na ‘Di Nabubunyag

Upang Makatakas sa Ginawang Kasalanan ay Itinuro ng Madrasta Bilang Salarin ang may Kapansanang Anak ng Kaniyang Kinakasama; Ngunit Walang Lihim na ‘Di Nabubunyag

Humahangos na nagtungo sa ospital si Mang Vicente gayong kagagaling niya lamang sa trabaho. Pauwi na kasi sana siya nang makatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang kinakasama. Anito ay isinugod daw nila sa ospital ang kaniyang bunsong anak dahil nahulog ito sa hagdanan at nabagok ang ulo! Tumatahip sa kaba ang dibdib ni Mang Vicente habang halos liparin niya na ang papasok sa ospital. Labis siyang nag-aalala para sa kaniyang anak.

Samantala, tanging mga impit na iyak na lamang ang kayang gawin ni Anna habang pinagmamasdan ang kapatid na nakahiga ngayon sa isang hospital bed. May benda na ang ulo nito na siyang pinaka-napinsala dahil sa pagkahulog nito sa hagdanan.

Ang totoo ay hindi lamang basta aksidente ang nangyari sa bunsong kapatid niyang si Mico. Kitang-kita niya kung paano ito itinulak ng kanilang madrasta sa hagdanan dahil lamang hindi nito nagustuhan ang ginawang pagmamasahe ni Mico sa kaniya! Hindi alam ni Anna kung papaano o kung kanino siyang magsusumbong. Sino nga ba naman kasi ang maniniwala sa isang katulad niyang hindi lang pipi kundi isa pang lumpo! Isa pa’y tinatakot din siya ng kaniyang madrasta. Sabi nito sa kaniya’y siya ang isusunod nito kapag nagsumbong siya sa kahit na sino!

Maya-maya pa, tuluyan nang nakarating si Mang Vicente sa emergency room. Naabutan niyang nakabenda na ang ulo ng kaniyang bunsong si Mico at nasa tabi ng higaan nito ang isa pa niyang anak na si Anna. Sa hindi kalayuan ay nakita niyang nakaupo rin ang kaniyang kinakasamang si Loyda, ang madrasta ng kaniyang mga anak. Tulala ito at animo napakalalim ng iniisip.

“A-ano ba talaga ang nangyari?” tarantang tanong niya rito. Nakita niya ang biglang pamumutla ng mukha ni Loyda. Bukod doon ay hindi agad ito nakasagot at ilang sandali pa ang inabot bago nakaapuhap ng sasabihin.

“S-si Anna! N-naghahabulan sina Anna at Mico kaya nahulog si Mico sa hagdan!” paliwanag ni Lodya sa kaniya. Agad namang napakunot ang noo ni Mang Vicente ngunit hindi muna siya nagpakita ng reaksyon. Sinulyapan niya ang kaniyang anak na ngayon ay nakahiga at nahihimbing. Ang sabi sa kaniya ng doktor ay kritikal daw ang lagay nito dahil masiyadong nabagok ang ulo nito dahil sa lakas ng pagkakahulog nito sa hagdan.

Bukod doon ay hindi nakaligtas sa paningin ni Mang Vicente ang nangingitim na parte sa braso ng anak na si Mico. Animo iyon bakat ng mga daliri. Sunod na sinulyapan ng ama ang kaniyang panganay na ngayon ay nakayuko at tila nanginginig sa takot habang nakaupo sa wheelchair nito.

“Kasalanan ni Anna ito, mahal. Saway ako nang saway sa kanila pero hindi siya nakikinig sa akin. Patuloy pa rin niyang hinabol si Mico kaya ito ang nangyari!” muli ay sabi pa ni Loyda sa kaniya.

Hindi pa rin nagsalita si Mang Vicente. Minabuti niyang magpaalam muna sa kanila na hahanap ng paraan upang makakuha ng perang ipanggagastos nila sa ospital. Lingid sa kaalaman ng kaniyang kinakasamang si Loyda, ang totoo ay humingi siya ng tulong sa mga pulis upang imbestigahan ang nangyari sa kaniyang anak. Malakas ang kutob niyang hindi lang basta aksidente ang nangyari.

Bukod sa mga pasa sa katawan ng anak niyang si Mico, tila nakalimutan din yata ni Loyda na ang panganay niyang si Anna ay isang lumpo! Kaya paano ito makikipaghabulan sa kapatid nito?

Agad namang pinakinggan ng mga pulis ang kaniyang reklamo. Nagsama rin ang mga ito ng espesyalista upang makunan nang tamang statement ang anak niyang si Anna. Biglang-bigla si Loyda nang sa pagbalik ng kinakasamang si Vicente ay may mga pulis na itong kasama!

“A-ano’ng ibig sabihin nito?” galit na anas niya rito ngunit hindi siya pinakinggan ng lalaki.

Hindi akalain ni Loyda na magagawa siyang pagdudahan ni Vicente, lalo pa at alam niyang mahal na mahal siya nito! Naging kampante siyang mas paniniwalaan siya nito kaysa sa mga anak nito, dahil noon pa man ay ganoon na ang nagiging senaryo!

Dahil doon ay na-corner siya. Ngayon ay hindi na niya alam kung papaano tatakasan ang kaniyang kasalanan lalo pa’t ngayon ay nagbigay na ng opisyal na statement si Anna sa mga pulis at siya ang itinuturo nitong salarin.

Ganoon pa man ay pilit pa ring pinabulaanan ni Loyda ang lahat. Pinasinungalingan niya ang sinabi ni Anna… ngunit hindi inaasahang sa wakas, mula sa pagkaka-coma ay nagising si Mico upang magpatunay na siya ang may sala!

Walang lihim na hindi nabubunyag. Ngayon ay mabubulok na si Loyda sa likod ng mga rehas upang pagbayaran ang ginawa niyang kalupitan sa dalawang batang walang muwang.

Advertisement