Inday TrendingInday Trending
Isinauli ng Taxi Drayber ang Gamit na Naiwan sa Minamanehong Sasakyan; Ngunit nang Makausap ang May-ari ay Galit pa Ito sa Kaniya

Isinauli ng Taxi Drayber ang Gamit na Naiwan sa Minamanehong Sasakyan; Ngunit nang Makausap ang May-ari ay Galit pa Ito sa Kaniya

Gabi na nang makagarahe si Mang Ambo galing sa kaniyang pamamasada. Isa siyang taxi drayber na madalas na pumupuwesto sa airport kaya naman madalas ay napakalayo ng kaniyang mga nagiging biyahe.

Nakasanayan na ni Mang Ambo na sa tuwing siya ay gagarahe ay lilinisin muna niya ang kaniyang taxi bago umuwi. Dahil doon ay noon lamang niya napansin ang isang bag na tila naiwan ng isa sa kaniyang mga naging pasahero kanina.

Napakamot sa ulo si Mang Ambo nang malaman kung ano nga ba ang laman ng bag na naiwan sa kaniyang taxi. Isa iyong laptop na hindi naman niya alam kung paano gamitin. Sa hitsura pa naman nito ay mukha itong mamahalin.

Mag-isa lang sa buhay si Mang Ambo kaya naman wala siyang mapagtanungan tungkol doon. Ayaw naman niyang magtanong sa mga kakilala niya dahil mahirap na at baka mapag-interesan pa ang naturang gamit. Ang gagawin na lamang niya ay pupunta siya sa isang kilalang istasyon ng radyo kung saan ay marami nang nakakapagsauli ng mga nalalaglag na gamit.

Ang problema lang ay sa lunes pa muling magbubukas ang naturang istasyon at ngayon ay sabado pa lamang. Minabuti na lamang niya na hintayin na lang ang pagsapit ng araw ng lunes tutal ay isang araw lang naman ang pagitan.

Nang sumapit na ang araw ng lunes, maaga pa lamang ay nakapila na si Mang Ambo sa harap ng naturang istasyon. Isinakripisyo niya ang kaniyang isang araw na kita para lamang maisauli ang gamit na naiwan sa kaniyang sasakyan. Hindi nagtagal ay nakapasok na siya sa loob ng istasyon. Tuwang-tuwa ang radio broadcaster na kaniyang nakaharap dahil sa kaniyang pagiging matapat.

“Dapat ho ay tularan kayo ng marami dahil sa kabutihan ng puso n’yo. Biruin n’yo, napakamahal ng laptop na ito pero hindi n’yo naisip man lang na pag-interesan,” sabi ng broadcaster sa kaniya na tinugon lamang naman niya ng isang nahihiyang ngiti.

Ngunit nang ipakilala na ang may-ari ng kaniyang napulot nagamit, halos lahat sila na naroon sa studio ay nagtaka sa nakitang reaksyon nito. Galit ito at animo inip na inip.

“Ano po ang masasabi n’yo sa matapat na taong nagsauli sa inyo ng gamit na naiwan n’yo?” tanong ng broadcaster sa may-ari, maya-maya.

“Okay naman. Kaya lang sana, idinirekta na lang niya sa akin. Inabala niya pa ako dahil dito!” umiikot ang mga matang reklamo pa nito na para bang siya pa ang galit gayong nagmagandang loob na nga ang drayber na nakapulot ng kaniyang gamit!

Ipinaliwanag naman nang maayos ni Mang Ambo na hindi niya alam kung papaano isasauli sa kaniya ang gamit na ’yon dahil hindi naman ito marunong magbukas ng laptop. Bukod doon ay ipinaalam din sa kaniya ng broadcaster na ngayon ay nagagalit na na nagawang isakripisyo ni Mang Ambo ang isang buong araw nitong kita sa pamamasada para lang maisauli ang gamit na ito!

Umani ng samu’t saring reaksyon sa mga tao ang naging live broadcast na ’yon. Napakaraming nakisimpatiya sa kalagayan ni Mang Ambo habang kabaliktaran naman ang reaksyon ng tao sa may-ari ng laptop. Katakut-takot na panlalait ang kaniyang natanggap dahil sa asal na kaniyang ipinakita.

Ang buong akala ni Mang Ambo ay tapos na ang lahat at tapos na ang usaping iyon, ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang malamang nais pa siyang idemanda ng may-ari ng laptop. Pinagbibintangan siya nitong nanguha ng gamit na hindi kaniya, dahil lamang gusto nitong gumanti sa kaniyang mga natamong pamba-bash!

Mabuti na lamang at inulan din ng napakaraming tulong si Mang Ambo. Sa katunayan ay isang magaling na abugado pa nga ang nag-offer sa kaniya ng tulong tungkol sa kasong iyon nang libre! Dahil doon ay panalo agad sa kaso si Mang Ambo at lalong nakatanggap ng napakaraming masasamang komento ang salbaheng may-ari ng laptop. Bukod doon ay na-counter pa siya ng demanda ni Mang Ambo dahil sa paninirang puri na ginawa niya.

Marami ang naantig sa kwentong ito ng naturang taxi drayber kaya naman matinding suporta rin ang kaniyang natanggap hanggang sa manalong muli siya sa ikinaso nila laban sa naturang may-ari. Tinuruan nila ito ng leksyon kung paano kumilala ng utang na loob sa mga taong gumawa ng maganda para sa kaniya. Ngayon ay halos wala na itong mukhang maiharap sa publiko. Nakarma rin ito nang matindi dahil natanggal din ito sa trabaho at nawalan ng yabang sa katawan dahil unti-unti siyang naghirap pagkatapos ng kaniyang ginawa.

Advertisement