
Malaki ang Problema ng Guwardiyang Ito sa Pera at Isang Kostumer sa Binabantayan Niyang Kainan ang Nakahulog ng Pera sa Harap Niya; Paano Nito Babaguhin ang Buhay Niya?
Maagang pumasok si Leroy sa trabaho katulad ng dati. Kahit pa nga ang totoo ay halos dadalawang oras lamang yata ang kaniyang tulog. Magdamag kasi siyang nagbantay sa kaniyang anak na nasa ospital. Mag-iisang buwan nang ganoon ang routine niya sa araw-araw. Simula nang ma-diagnose ang anak niya na may malubhang sakit sa puso na kailangang operahan ay animo pasan-pasan na ni Leroy ang mundo. Nasasaktan siya sa tuwing makikitang nahihirapan ang anak at palagi na lang may nakatusok na suwero sa katawan.
Kaya naman lahat ay ginagawa ni Leroy upang makaipon ng perang kaniyang gagamitin sa pagpapaopera ng anak. Kahit ang pag-o-overtime nang maraming oras sa trabaho ay ginagawa na niya para lang mapunan ang pangangailangan nito.
Pinagbuksan ni Leroy ng salaming pintuan ang mag-asawang papasok sa kainang kaniyang pinagtatrabahuhan. Isa itong fine dining restaurant kaya naman halos puro mga elegante at mayayamang tao ang kaniyang nakakasalamuha. Binati niya ang mga ito, ngunit hindi napansin ni Leroy nang malaglag ang wallet ng babae sa kaniyang harapan hanggang sa makaupo na ang mga ito. Saka lamang niya napansin iyon nang mapayuko siya dahil napagtanto niyang hindi nakabuhol ang sintas ng kaniyang suot na safety shoes.
Agad na kumabog nang malakas ang dibdib ni Leroy. Sa kapal ng pitakang nasa harapan niya ngayon, sigurado siyang malaking halaga rin ang laman niyon! Maaari na iyong maipambawas sa halaga ng pampaopera ng kaniyang anak!
Pinulot ni Leroy ang naturang wallet. Hindi niya alam pero parang kusang gumalaw ang kaniyang mga paa at lumakad patungo sa kinauupuan ng mag-asawang sa palagay niya ay may-ari ng naturang pitaka.
“Ma’am, excuse me po… sa inyo po yata ito?” agad na tanong niya sa babae nang marating niya ang kinaroroonan ng mga ito. “Nahulog n’yo po kasi roon sa may entrance,” dagdag pa niya.
Tila nabigla naman ang mag-asawa. Agad na kinuha ang pitaka at nagpasalamat. “Oh my! Buti na lang at ikaw ang nakapulot nito, kuya. Marami akong mahahalagang gamit dito,” bulalas pa ng babae.
“Salamat, pare.” Ngumiti naman sa kaniya lalaki.
“Sige po, ma’am, sir, balik na po ako sa pwesto ko,” paalam niya sa mag-asawa ngunit pinigilan siya ng babae.
“Sandali, kuya, parang nakita kita sa ospital kanina? Ikaw ba ’yong may anak na nasa ospital? Katabi kasi ng room ng anak mo ’yong room na ino-occupy ng lola ko,” sabi nito na parang nakikilala pa siya.
“Ah, opo, ma’am. Nasa ospital po kasi ang anak ko dahil sa sakit sa puso. Sige po, balik na po ulit ako sa pwesto. Naiwan po kasing mag-isa ’yong kasama ko r’on, e,” muli ay paalam pa niya.
Hindi maintindihan ni Leroy kung bakit isinauli niya pa ang pitakang ’yon, ngunit sa totoo lang ay wala siyang nararamdamang panghihinayang sa puso. Kahit gaano pa siya nangangailangan ay hindi talaga niya kayang kumuha ng hindi naman niya pag-aari.
Lingid sa kaalaman ni Leroy, nang mga sandaling iyon ay may plano nang namumuo sa isip ng mag-asawa. Ang mga ito kasi ay naantig talaga sa kabutihan niya kahit na alam nilang nangangailangan siya ng pera ay hindi pa rin niya nagawang angkinin ang wallet kahit pa wala namang nakakitang napulot niya ito.
Pagkatapos kumain ay nagtanong-tanong ang mag-asawa sa ospital at doon ay napag-alaman nila ang problema ng pamilya nina Leroy. Dahil doon ay nagpasya silang punan ang lahat ng halagang kakailanganin ng anak nito upang maumpisahan na ang operasyong sasagip sa kaniyang buhay.
Laking gulat ni Leroy nang mapag-alaman ang ginawa ng mag-asawang kaniyang tinulungan nang magtungo na ulit siya sa ospital pagkatapos ng kaniyang shift. Hindi niya akalain na dahil lamang sa maliit na pagpapakita niya ng katapatan ay makakatanggap siya ng malaking biyaya mula sa mag-asawang ito!
“Maraming salamat po. Kung hindi po dahil sa inyo ay hindi gagaling ang anak ko! Hindi n’yo po alam kung paano n’yo binago ang buhay naming mag-ama,” pasasalamat ni Leroy sa mag-asawang tumulong sa kaniya matapos ang matagumpay na operasyon sa kaniyang anak.
“Walang anuman po ’yon, Kuya Leroy. Napakabuti po ninyong ama. Bukod doon ay isa kayong matapat at taong may paninindigan kaya naman hindi po nakakapanghinayang na tulungan kayo. Sana ay dumami pa ang mga katulad n’yo sa mundo.”
Tunay nga na ang mabubuting tao ay nakatatagpo rin ng mga taong may mabubuti ring puso at iyon ang napatunayan ni Leroy. Ipinangako niya sa sarili na ipagpapatuloy ang pagiging matapat at ituturo ang aral na ito sa kaniyang anak at magiging mga apo.

Isinauli ng Taxi Drayber ang Gamit na Naiwan sa Minamanehong Sasakyan; Ngunit nang Makausap ang May-ari ay Galit pa Ito sa Kaniya
