
Ininsulto ng Binata ang Isang Lalaki nang Hindi Sinasadyang Marumihan Nito ang Suot Niya; Kahihiyan ang Aabutin Niya Kapag Nalaman Niya kung Sino Ito
Papasok na sa trabaho si Johan nang mga sandaling iyon. Hinagod niya ang suot na puting uniporme nang siya ay makababa na sa kaniyang sasakyan. Ngayon ang unang araw niya sa trabaho at gusto niyang magpasikat sa kaniyang boss na ngayon pa lamang niya makakadaupang palad.
Sisipol-sipol pa si Johan habang naglalakad patungo sa entrance ng kanilang opisina, sa isang automotive company. Sumulyap siya sa kaniyang relo at nakitang may treinta minutos pa siya bago ang kaniyang duty. Napangiti siya dahil siguradong mapupuri siya ng kaniyang boss sa kaniyang pagiging early bird.
Nasa lobby na ng naturang opisina si Johan nang bigla na lamang niyang makabungguan ang isang marungis na lalaki. Ang kamay nitong puno ng grasa ay dumampi sa suot niyang puting polo at dahil doon ay mabilis na nag-init ang kaniyang ulo.
“P-pasensya na—”
“Pasensya?! Tingnan mo ang ginawa mo sa uniporme ko! Perwisyo ka!” putol niya sa sana’y sasabihin ng lalaki sa mataas at galit na tinig. “Alam mo bang unang araw ko ngayon sa trabaho? Dinumihan ng marungis mong kamay ang damit ko! Paano mo ngayon aayusin ’to? Ha?!” dagdag pa niya na halos lumuwa na ang mga mata sa panlalaki at halos kita na ang kaniyang ngala-ngala dahil sa pagsigaw.
“May spare shirt ako sa op—” Akmang sasagot sanang muli ang lalaki ngunit muli itong pinutol ni Johan sa pagsasalita.
“Spare shirt mo?! Sa tingin mo, magsusuot ako ng damit ng isang hamak na mekanikong katulad mo? Bakit ka ba kasi pagala-gala rito sa opisina? Sino’ng nagpapasok sa ’yo rito?” sunod-sunod pang tanong niya.
“Tumulong ako sa baba dahil kulang ang manpower kaya marumi ang kamay ko,” sagot naman ng lalaking kausap niya na ngayon ay nagsisimula na ring sumeryoso ang mukha.
“Wala akong pakialam. Tatawagin ko ang guard para ipahuli ka!” banta pa ni Johan at agad na nagpalinga-linga sa paligid.
“Guard?! Guard!” tawag niya sa guwardiyang namataan niyang nakatayo sa ’di kalayuan. Agad naman itong lumapit.
Ngunit sa pagtataka ni Johan, imbes na siya ang tanungin ay agad nitong hinarap ang lalaking marungis na siyang dahilan kung bakit may mantsa ang kaniyang suot na puting uniporme. “Sir, ano pong problema?” tanong nito sa nasabing lalaki.
Nangunot ang noo ni Johan. Labis siyang nagtaka, ngunit minabuti niyang kausapin pa rin ang guwardiya.
“Hoy, bakit nakakapasok ’tong mekaniko na ’to rito sa opisina?” tanong niya kaya naman napalingon sa kaniya ang guwardiya.
Bakas ang pagkabigla sa mukha nito ngunit mabilis din iyong napalitan ng pagtataka. “Sandali, sir, sino po ba kayo?” tanong nito kay Johan.
“Hindi mo ba alam? Ako ang bagong assistant ng may-ari ng kompanyang ’to. Ako si Johan Felimon at ito ang unang araw ko sa trabaho,” taas noong pagpapakilala niya pa. Doon ay napatango ang guwardiya at ganoon din ang lalaking marungis.
“Alam mo ba kung bakit natanggal ang dating assistant ng may-ari ng kompanyang ’to?” tanong pa sa kaniya ng lalaking marungis na muling ikinakunot ng noo ni Johan.
“Hindi, at wala akong pakialam,” sagot naman niyang may halo pa ring sarkasmo.
“Natanggal siya dahil pareho kayo ng ugali sa mga empleyado ng kompanyang ’to. Napakataas ng tingin ninyo sa inyong sarili na akala mo’y hindi kayo mga nakatapak sa lupa. Masiyado nang mataas ang inyong mga lipad na napakababa na ng tingin n’yo sa mga trabahador. Ngayon, hayaan mo akong magpakilala sa ’yo…” turan pa ng lalaking marungis habang pinupunasan ang kaniyang maruruming mga kamay. “Ako si Mr. Villaflor, ang may-ari ng kompanyang ito.”
Napasinghap nang malakas si Johan sa narinig. Napangiwi naman ang guwardiya at mahinang ipinaalam ang sarili na babalik na siya sa kaniyang trabaho. Habang si Johan naman ay naiwang tulala at animo maamong tuta sa harap ng lalaking kani-kanina lang ay kaniyang sinisigawan at iniinsulto.
“S-sir, pasensya na po… hindi ko po alam na—”
Akma siyang magpapaliwanag sa kaniyang boss ngunit katulad ng ginawa niya rito kanina ay agad siyang pinutol nito sa pagsasalita. “Kamo’y ito ang unang araw mo sa trabaho?” Tango na lang ang tanging naisagot ni Johan. “P’wes, tanggapin mo ang bayad ko sa pagpapalaba ng narumihan mong damit, dahil ito na rin ang last day mo. You’re fired.”
Laglag ang balikat na lumabas si Johan sa opisina at bumalik sa kaniyang sasakyan. Hindi niya akalaing ganito agad ang kahihinatnan ng kaniya sanang unang araw sa trabaho. Labis siyang nagsisisi sa nagawa. Kung hindi lang sana niya pinairal ang init ng kaniyang ulo ay hindi mangyayari ito. Isa itong malaking leksyon para sa kaniya.

Malaki ang Problema ng Guwardiyang Ito sa Pera at Isang Kostumer sa Binabantayan Niyang Kainan ang Nakahulog ng Pera sa Harap Niya; Paano Nito Babaguhin ang Buhay Niya?
