
Nilait ng Lalaki ang Ipinakilalang Nobyo ng Kaniyang Anak dahil sa Estado Nito sa Buhay; Ipaaalala Nito ang Buhay na Kaniya ring Pinanggalingan
“Saan mo ba nakilala ang sinasabi mong nobyo, hija?” tanong ng amang si Lorenzo sa anak na si Lorry habang nakaupo sila sa hapag at hinihintay ang inaasahan nilang bisita… ang nobyo ng kaniyang unica hija.
“Sa school po, papa,” sagot naman ng dalaga.
Napangiti si Lorenzo sa sinabi ng anak. “Ganoon ba? Anong kurso naman ang kinukuha niya roon?” muling nagtanong ang ama.
“Actually, hindi po siya estudyante roon, papa. Doon po kasi siya nagtatrabaho,” sagot namang muli ni Lorry.
“Trabaho? Anong trabaho niya roon? Sa office ba? O baka naman isa siyang batang propesor?” malawak ang ngiting sabi pa ni Lorenzo.
Nagsimulang maglumikot ang mga mata ng dalaga. Hindi alam kung papaano ipaliliwanag sa ama ang totoong trabaho ng kaniyang nobyo dahil sa nakikitang mataas na ekspektasyon mula rito. Ngunit isang tikhim mula sa likod niya ang nagpalingon sa kanila ng ama at ina. Dumating na pala ang kaniyang nobyo!
“Isa po akong janitor sa unibersidad na pinapasukan ng anak n’yo, sir. Ako nga po pala si Apolo. Masaya po akong makilala kayo,” pagsalo ni Apolo sa tanong ni Lorezo para kay Lorry.
“Ano kamo?!” mataas ang boses na reaksyon ni Lorenzo sa tinuran ng binata. “Janitor ka lang sa eskuwelahang pinapasukan ng anak ko?!” hiyaw pa nito.
“Papa!”
“Lorenzo, ano ba!”
Halos magkasabay ang naging pananaway ng mag-inang Ryza at Lorry sa kanilang padre de pamilya. Agad naman iyong sinagot ng lalaki.
“Bakit? Sino ba ang matutuwang nakikipagnobyo ang anak ko sa isang janitor lang?! Ako na isang kilalang business man?!” sabi pa nito na may halong pagyayabang.
“Sir… ang totoo po ay idolo ko kayo. Nangangarap din po akong maging successful katulad n’yo kaya naman ginagawa ko ang lahat para makapag-umpisa po ako ng kahit na maliit na negosyo muna,” magalang pa ring anang binatang si Paulo, ngunit tinawanan lamang ito ni Lorenzo.
“Ikaw? Magiging katulad ko? Ang tayog naman ng pangarap mo, hijo. Ni wala kang pinag-aralan. Paano ka makakapagtayo ng negosyo? Saan ka kukuha ng kapital sa pag-uumpisa? Sa sahod mong napakaliit?” mapang-insultong sabi pa ni Lorenzo sa binata.
“Papa, napakasipag po ni Paulo. Sa katunayan ay dalawang trabaho ang mayroon siya ngayon para lang matupad ang pangarap niyang maging kagaya n’yo. Sana naman po, bigyan n’yo siya ng pagkakataon!” singit naman ni Lorry sa usapan.
“Tama ang anak mo, Lorenzo. Hindi dahil nasa mababang estado ang binatang ito ngayon ay habang buhay na rin siyang nasa ibaba. Nakalimutan mo na ba kung paano tayo nangarap noong nag-uumpisa ka pa lamang?” pagsang-ayon naman ni Ryza sa anak.
“Sir, gaya po ng sinabi ko ay idolo ko kayo. Kilala ko po kayo at alam ko po kung saan kayo nag-umpisa. Alam ko pong minsan sa buhay n’yo ay naging katulad ko rin kayo. Isang hamak na janitor na inipon ang lahat ng kaniyang lakas ng loob upang baguhin ang kaniyang buhay. Ang akala ko po ay kaya n’yo akong tanggapin dahil halos parehas lang po ang kwento ng buhay natin… pero mukhang tama po kayo. Hindi ko po kayang maging katulad n’yo,” sabi pa ni Paulo.
“Matuto kang lumingon sa pinanggalingan mo, Lorenzo,” turan pa ng kaniyang misis.
Noon lang tila natauhan si Lorenzo. Tila ba biglang bumalik sa kaniyang balintataw ang nakaraang animo’y kaniya nang nakalimutan dahil sa paglipas ng panahon. Nakalimutan niyang noon ay katulad lang din lamang talaga siya ng binatang si Lorenzo na isang janitor na may matayog na pangarap. Natupad niya ang lahat ng ito dahil sa pagtanggap sa kaniya ng asawang si Ryza.
Ngayong ang anak naman niya ang nakatakdang magbigay ng pag-asa sa isang katulad niya ay bakit hinahadlangan niya?
Nakita niyang tumalikod na si Paulo. Akmang aalis na ito, nang kaniya itong pigilan.
“S-sandali, hijo!” tawag niya. “P-pasensya na. Mali ang mga nasabi ko. Tama kayo. Dapat ay matuto akong lumingon sa pinanggalingan ko…” napayuko si Lorenzo sa paghingi niya ng tawad. “Natatakot lang kasi ako na baka maranasan ng anak ko ang hirap na naranasan sa akin ng kaniyang ina noong bago pa lang kaming nagsasama at wala pa akong sinabi sa buhay,” paliwanag pa niya sa totoo niyang nararamdaman.
“Magtiwala ka sa kanila, Lorenzo. Kung nakaya natin noon, makakayanan din nila ’yon ngayon. Kaya nga tayo narito upang gabayan sila, hindi ba?”
Napangiti na lamang ang ama, at nang gabing iyon ay masaya nilang pinagsaluhan ang kanilang hapunan. Ngayon ay mas lalong ginanahan ang puso at isip ni Paulo na gawin ang lahat at lalo pang magsumikap upang magtagumpay rin sa buhay.

Ininsulto ng Binata ang Isang Lalaki nang Hindi Sinasadyang Marumihan Nito ang Suot Niya; Kahihiyan ang Aabutin Niya Kapag Nalaman Niya kung Sino Ito
