Halos Walang Gurong Tumatagal sa Klaseng Iyon dahil sa Ugali ng mga Estudyante; Sa Pagdating ng Bagong Guro ay Makakahanap Sila ng Katapat

“Una pa lang, wa-warning-an na kita, Miss Alegria. Hindi basta-basta ang mga estudyanteng hahawakan mo. Sa totoo lang ay pangatlong guro ka na nila ngayong buwan dahil walang gustong magtagal sa kanila. Gusto kong maging handa ka sa mga maaari nilang gawin, lalo na at mga pilyo ang karamihan ng mga estudyanteng naroon sa klaseng ’yon. Kaya’t tatanungin kita… handa ka ba?” mahabang tanong ni Mr. Delgado, ang punong guro ng eskwelahang pinag-a-apply-an niya, kay Miss Alegria. Walang pagdadalawang-isip namang tumango nang nakangiti ang bagong guro kaya naman matapos iyon ay iginiya na siya ng kausap sa classroom kung saan siya magtuturo.

Ang totoo ay alam niya ang lahat ng kalokohang ginagawa ng mga estudyanteng ito sa mga nagiging guro nila, dahil ang huling gurong nag-apply upang maging adviser ng mga ito ay ang bestfriend niya. Hindi nito nakayanan ang lahat ng kapilyuhan ng mga estudyante sa klaseng iyon kaya naman hindi na ito nagtagal pa at nagpasya na lang na magtrabaho sa ibang bansa bilang isang caregiver kaysa magturo.

“Good luck… at kung maiisipan mong mag-quit ay maiintindihan namin,” pahabol pa ni Mr. Delgado bago siya nito iniwan sa tapat ng pintuan ng classroom.

Animo binagyo ang loob ng silid nang siya ay pumasok. Nagkalat ang napakaraming binayuot na papel na ginamit ng mga estudyante sa pakikipagbatuhan sa isa’t isa. Marami ring nagkalat na balat ng sitsirya, mga plastic bottle, at kung anu-ano pang kalat na hindi man lamang pinagkaabalahang linisin ng mga estudyante. Ngunit inaasahan na ito ni Miss Alegria. Ang totoo ay napaghandaan na niya ang mga ito.

Tuluyan siyang pumasok sa silid at bumati nang nakangiti sa mga estudyante, ngunit animo walang naririnig ang mga ito!

“Good morning, class!” pinalagong ni Miss Alegria ang kaniyang tinig at dahil doon ay nakuha niya rin sa wakas ang atensyon nila. “Let me introduce myself to you, guys… I’m Miss Alegria, at ako ang magiging bago n’yong substitute teacher,” aniya sa kanila.

“Kung ganoon po, e ‘di welcome to the circus!” sagot naman ng isang estudyante na sinundan pa ng malalakas na tawanan.

Matapos iyon, isang lumilipad na bolang papel ang tumama sa kaniyang mukha… ngunit hindi lang iyon basta bolang papel, dahil may bubblegum na nakadikit doon na ngayon ay nakadikit na rin sa mukha niya! Nagmadaling tinakbo ni Miss Alegria ang comfort room ng kanilang classroom at agad na tumambad sa kaniya ang mabahong amoy ng maruming palikuran. Dahil doon ay halos masuka siya at ma-suffocate. Hindi pa man siya nakababawi ay nakarinig siya ng malakas na pagsara ng pintuan at doon ay nalaman niya agad na ini-lock siya ng mga pilyong estudyante niya sa palikuran!

Advertisement

Ito na ang pagkakataon upang isagawa ni Miss Alegria ang kaniyang plano. Nagpanggap siyang naninikip ang dibdib. Sapo niya ang bahaging iyon at umaktong hindi siya makahinga kaya naman agad na nag-panic ang mga estudyanteng alam niyang nakasilip sa kaniya.

Binuksan nila ang pintuan. Humahangos nila siyang dinaluhan, binuhat at inilabas ng palikuran. Ngunit hindi pa tapos ang kaniyang palabas. Nagsimula siyang umubo. Umubo siya nang umubo hanggang sa umagos mula sa kaniyang bibig ang pekeng dugo na nabili niya sa isang online shop. Lalong nataranta ang mga estudyante at nagsimulang magsisihan. Bakas ang takot sa mukha ng mga ito at alam nilang naging sobra na ang kapilyuhan nila.

“Humingi na tayo ng tulong!” umiiyak nang hiyaw ng isa sa mga estudyante. Ngunit nang akmang lalabas na sila ng silid ay bumangon si Miss Alegria.

“It’s a prank!” sigaw niya. Labis na nabigla ang mga estudyante na walang ni isa man sa kanila ang nakapagsalita. Pagkatapos ay humalakhak nang malakas si Miss Alegria.

“Nadumi ba kayo sa mga pang-ibaba n’yo dahil sa sobrang takot?” tumatawang tanong niya sa mga ito at doon lamang nila napansing marumi nga ang kanilang mga pwetan!

Biglang bumukas ang mga bintana at isang malakas na halakhakan pa ang nagpabigla sa kanila. Sa labas ng kanilang silid ay pinagtatawanan sila ng kanilang mga guro’t mga magulang na nagbigay ng permisong sila’y turuan ng leksyon!

Nang mga sandaling iyon ay naramdaman nila ang pakiramdam ng mga gurong pinakitaan nila ng labis na kapilyuhan. Doon nila naramdaman na hindi pala nakakatuwa kapag ikaw ang pinagtatawanan!

Simula nang araw na iyon ay hindi na naulit ang lahat ng kalokohan sa buong klaseng iyon. Ang maganda pa roon, ang mga estudyante ay nagsimula na ring magpakita ng kagalingan at kani-kaniyang talino. Sa wakas, may isang gurong nakapagturo sa kanila ng tunay na aral ng kasabihang: “Kung ayaw mong gawin sa ’yo, huwag mo ring gagawin sa iba.”