Inday TrendingInday Trending
Nakipila ang Matandang Nagtitinda ng Sili sa Isang Community Pantry; Ikinabigla ng Marami ang Ginawa Nito

Nakipila ang Matandang Nagtitinda ng Sili sa Isang Community Pantry; Ikinabigla ng Marami ang Ginawa Nito

“Aling Lydia, itabi n’yo naman ang tinda niyo! Hinahayaan na nga kayong magtinda dito sa bangketa pero hindi ibig sabihin ay sakupin n’yo ang lahat ng daan. Paano naman kaming mga taong nais na maglakad nang maayos?” sita ni Carol sa matandang ka-baranggay kahit na nasa tabi naman ito.

Iniurong muli ng matanda ang mga tinda niyang siling berde.

“Pasensya na kung nakakaabala ako. Itatabi ko na lang. Huwag na lang sana kayong magreklamo at baka mapaalis ako dito kasi. Mas mabilis kasing maubos ang paninda ko dito,” pakiusap ni Aling Lydia sa ginang.

“Hindi ko ba alam sa mga baranggay kung bakit hinahayaan kayong magtinda dito. Bukod sa hindi naman maganda ang mga siling tinda n’yo ay nakahambalang pa kayo dito sa daan! Nakakaperwisyo ka!” bulyaw pa ni Carol.

Napayuko na lamang sa kahihiyan ang matanda.

“Ito lang kasi ang alam kong gawin. Alam n’yo naman na sa akin nakaasa ang mga apo ko dahil wala na silang mga magulang. Hayaan mo uubusin ko lang ang paninda ko at aalis na ako kaagad. Makakuha lang ako ng pambili ng bigas ay ayos na sa amin,” nangingilid ang luha ni Aling Lydia habang nagpapaliwanag.

“Naku! At ako pa ang magmumukhang masama sa mga sinasabi n’yo. Ako pa ang mukhang walang puso tuloy. Ako nga lang itong nilalagay ang lahat sa tama! Basta itabi mo ang paninda mo nang hindi kami maabala sa paglalakad!” dagdag pa ni Carol.

Napilitan si Aling Lydia na ligpitin na lamang ang kaniyang tinda at saka lumipat ng pwesto. Mahirap na kasi para sa isang matandang kagaya niya na maglako ng kaniyang tinda. Bukod kasi sa mainit ay hindi na nito kaya pa ang maglakad nang malayo.

Sakto lamang na pambili ng bigas ang kinita ni Aling Lydia ng araw na iyon. Agad siyang umuwi upang ipagluto ang kaniyang mga apo at mapakain sila ng tanghalian. Iniisip niyang magtinda muli para naman sa kanilang panghapunan.

Ngunit hindi sinwerte si Aling Lydia ng hapong iyon. Palinga-linga siya sa may bangketa dahil nais niyang bumalik sa dati niyang pwesto ngunit natatakot siyang baka ireklamo na siya.

Lumipas ang gabi na tanging kape lamang ang laman ng kanilang sikmura.

“Pasensya na kayo mga apo. Bukas na bukas ay gagawa ako ng paraan para makakain tayo. Mangungutang muna ako sa tindahan,” wika ni Aling Lydia.

Pero ang totoo ay nangangamba siyang hindi rin siya pautangin sa tindahan dahil marami siyang pagkakautang na hindi pa nababayaran.

Hindi makatulog si Aling Lydia ng gabing iyon. Naluluha siya habang pinagmamasdan niya ang kaniyang mga apo.

Kinabukasan, maaga pa lamang ay inihahanda na ni Aling Lydia ang kaniyang mga panindang sili. Pinamilian niya ang mga ito. Tinanggal ang mga malapit nang mabulok.

Nagdesisyon na siyang muling bumalik sa kaniyang pwesto at kapalan na lamang ang kaniyang mukha. Mas mahalaga kasing may makain ang kaniyang mga alaga.

Papunta na sana siya sa bangketa nang makita niya ang umpukan ng mga tao. Sa kaniyang pag-usyoso ay nakita niyang mayroon palang nakatayong community pantry sa kanilang baranggay.

“Magbigay ayon sa kakayahan; Kumuha ayon sa pangangailangan,” dahan-dahang binasa ng matanda ang nakapaskil.

Lumapit si Aling Lydia sa mesa ng community pantry. Magiliw siyang binigyan ng supot ng tagapangasiwa upang lagyan ng kaniyang mga kukuhain.

Habang nagtitingin si Aling Lydia ng kaniyang kukuning pagkain ay hindi sinasadyang nabunggo niya ang ginang na si Carol.

Punung-puno ang supot na dala ni Carol at labis na nakikipagsiksikan at nakikipag-unahan pa sa pagkuha ng mga pagkain.

“Tumabi ka nga, tanda! Hanggang dito ba naman ay nakaharang ka!” sambit ni Carol kay Aling Lydia.

“Sinusubukan ko lang naman ding kumuha ng pagkain,” paumanhin ng matanda.

Nang makita ng tagapangasiwa ang paninita ni Carol sa matanda ay sinita niya ito. Sumigaw nang malakas ang babaeng tagapangasiwa upang pahintuin muna ang mga taong nais kumuha ng pagkain.

“Sandali lamang po at paunahin muna natin itong si lola. ‘Yung mga nakakuha na po ng sapat ay maaari na pong umalis para po bigyang daan naman ang ibang nais ding makakuha,” saad pa ng babae.

Dahan-dahang lumapit si Aling Lydia sa mesa at namili ng kaniyang mga kailangan. Inilagay niya sa supot ang dalawang kilong bigas, kaunting gulay at limang itlog.

“Kumuha pa po kayo, lola. Marami pa pong pagkain,” saad ng tagapangasiwa.

“Ayos na po ang mga ito sa amin ng mga apo ko para mas marami pa kayong matulungan na mahihirap na walang makain tulad namin,” sagot naman ni Aling Lydia.

Umismid lamang si Aling Carol sa tinuran ng matanda.

“Nasa harap na niya ang biyaya ay tinatanggihan pa. Kunwari pa ang matandang iyan!” natatawang sambit ng ginang.

Ilang sandali pagkaalis ni Aling Lydia ay bumalik ito sa community pantry.

“Tingnan mo, napakaplastik talaga ng matandang ‘to! Babalik din pala ay kung anu-ano pang paawa ang ginawa kanina! Lumilitanya pa!” malakas na sambit ni Carol na abala pa in sa pagkuha ng mga pagkain.

“Lola, may nais pa po ba kayong kunin?” tanong ng tagapangasiwa.

“Baka kukuha din ng pang isang linggo nila!” tumatawang pangungutya ni Carol.

“Bumalik lamang ako dito para ibigay itong mga tinda kong sili. Tutal, nakakuha naman na ako ng pangkain namin ngayong araw. Mas mainam nang ibigay ko ang mga ito. Alam kong hindi masyadong makakatulong ang paninda ko pero nais ko itong gawin bilang pasasalamat,” saad ni Aling Lydia.

Napahiya si Carol sa ginawang ito ni Aling Lydia. Habang ang tagapangasiwa ay naantig naman sa ginawa ng matanda.

Humanga nang husto ang marami sa kadakilaan ng puso ni Aling Lydia. Kahit na wala silang makain ay sadyang kumuha lamang siya ng sapat para sa kaniya at sa kaniyang mga apo, at nagbigay pa ng sili na tangi niyang kayang ibigay nang mga panahong iyon.

Pinangakuan ng tagapangasiwa si Aling Lydia na bibigyan ng kabuhayan nang sa gayon ay hindi na ito lumayo pa sa bahay nito para magtinda ng sili sa bangketa. Nang sa gayon din ay hindi na nila problemahin ang araw-araw nilang gastusin.

Samantala, nahiya naman ang ilang kumukuha nang labis sa ginawa ni Aling Lydia. Ibinalik nila ang sobra nang sa gayon ay mas marami pang nangangailangan ang magkaroon din ng panawid-gutom. Maging si Carol ay kinutya ng ilan sa pagkuha nang sobra.

Isang magandang aral ang iniwan ni Aling Lydia. Minsan talaga, kung sino pa ang mahirap ay sila pa ang mas mapagbigay at hindi mapanlamang sa kapwa.

Advertisement