Inday TrendingInday Trending
Tinuldukan ng Lalaking Kasama sa Sindikato ang Buhay ng Isang Binata; Ikagugulantang Niya ang Gagawin ng Ina Nito sa Kaniya

Tinuldukan ng Lalaking Kasama sa Sindikato ang Buhay ng Isang Binata; Ikagugulantang Niya ang Gagawin ng Ina Nito sa Kaniya

“Isang semestre na lang, Josh, malapit ka nang magtapos sa pag-aaral. Kaunting panahon na lamang at matutupad mo na ang pangarap ng tatay mo para sa iyo na maging isang arkitekto. Kung sana’y narito lang siya ay tiyak kong ipagmamalaki ka n’on!” nangingilid ang luha ni Aling Blessy habang sinasabi niya ang mga katagang ito sa kaniyang unico hijo.

“Marami pa po akong bubunuin, ‘nay. Kailangan ko pa pong maipasa ang pagsusulit para maging ganap akong arkitekto. Kayo po talaga ni tatay ang inspirasyon ko para makapagtapos ng pag-aaral. Ngayong wala na po si tatay ay sa inyo ko na lang ibubuhos ang lahat. Tandaan n’yo ‘pag umasenso na po ako, kahit kailan ay hindi n’yo na po kailangang magtrabaho,” saad naman ni Josh.

“Napakabait mo talaga, anak. Sigurado akong natutuwa ang tatay mo ngayon habang pinapanood niya tayo mula sa langit,” dagdag pa ni Aling Blessy.

Tatlong taon nang yumao ang asawa ni Aling Blessy na si Mang Mario dahil sa malubhang karamdaman. Tanging ang nag-iisang anak na lamang niyang si Josh ang kasama niya. Pilit na itinatawid ni Aling Blessy ang pag-aaral ng kaniyang anak sa kolehiyo dahil ito ang mariing bilin ng kaniyang namayapang asawa.

Matalino at mabait itong si Josh. Sa katunayan ay iskolar ito sa pinapasukang unibersidad. Malaking tulong ito para kay Aling Blessy dahil hindi biro ang matrikula sa napiling kurso ng anak. Walang mapaglagyan ang kaligayahan ni Aling Blessy na makitang nasa ayos ang buhay ng kaisa-isang anak.

Ngunit ang lahat ng pangarap na ito ay basta na lamang mawawala.

Isang gabi habang pauwi si Josh ay inabangan siya ng isang lalaki. Pilit nitong inaagaw ang bag ni Josh ngunit hindi ito ibinigay ng binata. Hanggang sa may dumating itong mga kasama at pinagtulungan ang kawawang binata.

Akala kasi ng mga ito, porket malaki ang dalang bag ni Josh ay may laman itong laptop. Ang hindi nila alam, kaya ayaw ibinigay ng binata ang kaniyang bag ay dahil naglalaman ito ng lahat ng kaniyang libro, proyekto, at iba pang asignatura sa paaralan.

Lumaban si Josh sa mga lalaki ngunit wala siyang nagawa nang bigla siyang undayan ng saks@k sa tagiliran ng isa sa mga ito. Biglang tumumba si Josh. Dahil walang nakakita ay naubusan ito ng dugo na dahilan ng kaniyang pagkasawi.

Labis ang hinagpis ni Aling Blessy sapagkat ang kaisa-isang anak na kaniyang tanging kasama ay basta na lamang kinuha ang buhay ng walang kapararakan.

Tinugis ng mga pulis ang kr*minal. At nang mahuli ito ay buong tapang siyang hinarap ni Aling Blessy.

“Wala kang awa! Kinuha mo ang buhay ng anak ko! Marami pa siyang pangarap para sa amin! Bakit mo ginawa ‘yon? Nananahimik ang anak ko! Dem*nyo ka!” sambit ng nagwawalang si Aling Blessy habang pinipigilan ang sarili na saktan ang binatang gumawa sa kanila ng masama.

Nanatiling tikom lamang ang bibig ng binatang si Emman. Ngunit hindi na nito itinanggi pa ang nagawang kasalanan.

“Habang sinas*ks@k mo ang anak ko at pinabayaan n’yo lang na maubusan ng dugo, ano ang sinasabi niya? Hinahanap kaya niya ako?” pagtangis ni Aling Blessy.

Hindi naman makatingin ng diretso si Emman sa ginang. Pinipilit nitong hindi magpakita ng kahit anong emosyon. Ngunit labis itong nagdadagdag ng hinagpis kay Aling Blessy.

“Parang hindi ka nagsisisi sa mga ginawa mo sa anak ko! Pinaghihirapan ng anak ko ang makatapos sa pag-aaral para lang maiahon kami ng tatay niya sa hirap. Hindi na nga nahintay ng asawa kong may sakit at nawala na siya bago pa makapagtapos si Josh. Pero ngayon, ako na lang ang naiwan dito sapagkat wala na ang dalawang pinakamamahal ko,” umiiyak na saad muli ni Aling Blessy.

Isang araw ay hindi inaasahan ni Aling Blessy ang pagsasalita ni Emman tungkol sa pangyayari.

“Patawarin n’yo po ako, Aling Blessy. Napakasama ko pong tao. Alam kong walang kapatarawan ang nagawa ko. Pero pananagutan kong lahat ng iyon. Nagsisisi po ako, Aling Blessy. Alam kong kahit bunuin ko ng buhay ko ang pagbabayad ng kasalanan ko sa inyo ay hindi ko na maibabalik pa ang buhay ng anak n’yo. Nais ko lang pong malaman niyong nagsisisi ako nang lubos,” pagsusumamo ni Emman sa ginang.

“Hindi ko alam kung mapapatawad pa kita, Emman. Walang kasing sakit ang ginawa mo. Walang magulang ang dapat naglilibing sa kaniyang anak. Mabait ang anak ko at puno siya ng pangarap. Hindi mo alam kung ano ang kinuha mo sa akin! Mahal na mahal ko ang anak ko! Paano ka ba pinalaki ng mga magulang mo?!” halos mabaliw na si Aling Blessy sa kakaiyak dahil sa pagdadalamhati.

“Marahil kaya ganito po ako ay dahil walang magulang na nagpalaki sa akin. Habang buhay po akong hihingi ng kapatawaran sa inyo, Aling Blessy. Patawad po,” muling pagsusumamo ni Emman.

Nalaman ni Aling Blessy na kasali pala sa isang sindikato itong si Emman. Ni hindi na nito nakita pa ang kaniyang mga magulang dahil bata pa lamang siya nang ibenta siya ng mga ito sa sindikato. Hindi niya alam kung ano ang tama at mali. Ni wala siyang pangarap sa buhay. Ang alam lang niya ay nakukuha ang lahat sa dahas.

Hindi maintindihan ni Aling Blessy kung bakit tila lumalambot ang kaniyang puso kay Emman.

“Hindi ko siya p’wedeng patawarin dahil kinuha niya ang buhay ng anak ko. Dapat ay kasama ko pa ngayon si Josh at matutupad pa ang pangarap niyang maging isang arkitekto kung hindi niya ginawan ito ng masama,” bulong niya sa kaniyang sarili.

Halos araw-araw ay binabalikan ni Aling Blessy ang binata upang siguraduhin na hindi ito makakalaya. Ngunit ang palagiang pagpunta pala doon ng ginang ang magiging daan upang magbago ng pananaw itong si Emman. Pinilit niyang magpakabuti. Inilapit niya ang kaniyang sarili sa Diyos.

Sa paglipas ng limang taon ay naging malaki na ang pagbabago ni Emman. Ang dating walang patutunguhan ay nag-apply na ng iskolarsyip para makapag-aral kahit nasa loob ng piitan.

Sa nakikitang malaking pagbabago ni Aling Blessy sa binata ay tuluyan nang lumambot ang kaniyang puso.

Hanggang isang araw ay muli siyang nagpunta sa piitan upang dalawin itong si Emman.

“Iaatras ko na ang kaso laban sa iyo,” saad ni Aling Blessy kay Emman.

Nanlaki naman ang mata ni Emman sa tinuran ng ginang.

“Hindi sapat ang limang taon na nakakulong ka para sa buhay ng anak ko na kinuha mo. Ngunit sino ba naman ako para hindi bigyan ng isang pagkakataon ang taong tulad mo na pilit binabago ang buhay? Matagal ko nang hinihiling sa Diyos na bigyan Niya ako ng lakas ng loob para patawarin ka at matanggap ang sinapit ng aking anak. Napagtanto ko na pareho lang naman kayong biktima ni Josh. Biktima ka rin ng masalimuot na mundong iyong kinalakihan kaya ang bunga nito ay ginawan mo ng masama ang anak ko,” pahayag pa ng ginang.

“Masaya ako sa pagbabago ng buhay mo. May isa akong hihilingin sa iyo, Emman. Sa paglabas mo dito sa piitan, alam kong wala kang mapupuntahan. Maaari bang kupkupin na lamang kita at maging anak ko? Nais kitang tulungang magbago. Ayaw kong mapunta lang sa wala ang pagkasawi ng anak kong si Josh,” lumuluhang sambit ni Aling Blessy.

Hindi na napigilan pa ni Emman na humagulgol ng iyak sa narinig niya sa ginang. Sa kabila ng lahat ng kaniyang nagawa ay kabutihan pa rin ang isinukli nito.

“Maraming maraming salamat po, Aling Blessy! Maraming salamat sa pagkakataong ibinigay n’yo sa akin para muling mabuhay nang tama,” pagtangis ni Emman.

Pinagsikapan ni Emman na mapanatili ang pagbabago ng kaniyang buhay. Nag-aral siya at nakapagtapos ng kolehiyo at naging isang ganap na arkitekto. Malaki ang pasasalamat niya kay Aling Blessy dahil sa unang pagkakataon ay naranasan niya kung paano magkaroon ng isang magulang. Sa kabila ng lahat ng nangyari, gabi-gabi pa ring nagdarasal si Emman upang patuloy na humingi ng kapatawaran sa nagawa niyang kasalanan noon at upang ipanalangin ang kaluluwa ng namayapang si Josh.

Advertisement