
Malas daw ang Dalaga kaya Sinisisi Siya ng Ilang Kaanak sa Kinahantungan ng Kaniyang Ina; Kabaligtaran ang Matatamasa Niyang Buhay
Ilang minuto nang nakatitig sa kaniyang selpon itong si Jessa. Kanina pa kasi siya tinatawagan ng kaniyang tiyahing si Lorna para imbitahin sa nalalapit nilang reunion. Ayaw niyang sagutin ang tawag sapagkat alam niyang kukulitin lang siya nitong dumalo.
Simula bata kasi ay hindi na maganda ang naging karanasan ni Jessa sa tuwing dumadalo siya ng reunion ng kanilang pamilya. Lagi siyang ikinukumpara sa iba niyang mga pinsan lalo na sa mga kasing edad niya. Kung noon ay nasasaktan na siya, lalo pa sa kalagayan niya ngayon.
Maagang nabuntis kasi itong si Jessa. Walang naniniwala sa kaniya na pinagsamantalahan lamang siya ng kaniyang kaklase porket galing ito sa mayamang pamilya. Sa tingin ng ilang kaanak ay nagdamdam masyado ang ina ni Jessa at nagtanim ng sama ng loob kaya ito inatake sa puso. Hanggang ngayon ay siya pa rin ang sinisisi ng mga kamag-anak sa pagkasawi ng kaniyang ina.
Lalo itong nagbigay ng dahilan kay Jessa upang lumayo sa kaniyang mga kamag-anak.
Patuloy ang pag-ring ng selpon ni Jessa. Ngunit hindi na niya natanggihan pang kausapin ang kaniyang Tiya Lorna nang sadyain siya nito sa kaniyang inuupahang bahay.
“Bakit kasi hindi ka humingi ng tulong sa amin, Jessa? Tingnan mo naman itong tinitirahan mo. Paano mo nabubuhay ang anak mo niyan?” naawang sambit ng kaniyang Tiya Lorna.
“Ayos lang naman po kami ng anak ko, Tiya. Natatawid ko naman ang pang-araw-araw namin. Pasensya na po kung hindi ko sinasagot ang mga tawag n’yo. Hindi ko lang talaga alam kung paano ko pa kayo pakikitunguhan,” saad ni Jessa sa tiyahin.
“Huwag mo nang isipin ang nakaraan, Jessa. Hindi mo kasalanan ang pagkasawi ng nanay mo. Hindi rin naman niya gugustuhin na lumalayo ka sa amin. Hindi na kita pipilitin pang pumunta sa family reunion natin. Pero baka p’wedeng huwag mo naman akong tanggihan sa araw ng kaarawan ko. Alam mo namang ikaw ang paborito kong pamangkin at nais kong naroon ka,” saad pa ng tiyahin.
“Pipilitin ko po, tiya, pero hindi po ako nangangako. Ayaw ko rin po kasing makita ang ilan nating kamag-anak. Alam ko kasi kung ano ang tingin nila sa akin. Saka kukutyain lamang nila ako dahil sa pamumuhay ko,” saad pa ni Jessa.
“Ako’ng bahala sa iyo, Jessa. Basta, sa kaarawan ko ay aasahan kita, a. Tanggapin mo na itong isang libo. Pasensya ka na at ito lang ang nakayanan ko,” wika pa ni Lorna sabay abot ng pera sa pamangkin.
Ayaw man itong tanggapin ni Jessa ay nagpumilit ang ginang.
Hindi pa rin buo ang loob ni Jessa sa pagpunta sa kaarawan ng kaniyang tiyahin. Ngunit sa patuloy na pagtatanong ng kaniyang anak tungkol sa ilan nilang mga kamag-anak ay napagtanto ni Jessa na hindi niya dapat ipinagkakait sa anak na makilala ng mga ito. Ngunit hindi pa rin mawala sa kaniyang agam-agam na baka alipustahin ito ng ilang kaanak.
Nakapagdesisyon na si Jessa na pumunta sa kaarawan ng tiyahin sa pamimilit din nito. Nagpagabi na silang mag-ina at sinigurado na wala nang kamag-anak na naroon.
Ngunit nagkamali si Jessa dahil naiwan pa sa party ang tiyahin niyang si Sabel. Isa ito sa kaniyang mga tiyahing labis na nang-aalipusta sa kaniya.
“Aba, nabuhay ang matagal nang sumakabilang buhay! Ano ang ginagawa mo rito? Naghihirap ka na ba masyado at manghihingi ka na ng tulong?” sambit ni Sabel sa pamangkin.
“Hindi po ako naparito para makipag-gulo, tiya. Inimbitahan po ako ni Tiya Lorna sa kaniyang kaarawan,” nakayukong sagot naman ni Jessa.
“Ang kapal din ng mukha mo na magpakita pa sa amin, ano? Anong kahihiyan na naman ba sa pamilya ang dadalhin mo? Sa totoo lang ay ayos na sa amin na wala ka, e. Mas maayos nga ang pamilya natin kung hindi ka kasali,” pangungutya pa ng tiyahin.
Aalis na sana si Jessa nang bigla siyang pigilan ng kaniyang Tiya Lorna.
“Manatili ka rito, Jessa. Huwag mong intindihin ang sinasabi ng Tiya Sabel mo,” pigil ni Lorna.
“Hayaan mo siyang umalis, ate. Baka nakakalimutan mo kung anong kahihiyan ang dinala niyan sa pamilya natin. Siya ang dahilan kung bakit nawala nang maaga ang kapatid natin. Puro kamalasan ang dala niyan. Ewan ko ba naman sa’yo bakit hinanap mo pa ‘yan!” bulyaw pa ni Sabel.
“Tigilan mo na siya, Sabel. Biktima lang si Jessa ng lahat ng pangyayari. Kailangan natin siyang gabayan dahil pamangkin natin siya! Pinipilit niyang buhayin ang anak niya sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga ukay-ukay. Pilit siyang bumabangon sa buhay. Huwag naman natin siyang ibaba pa!” wika naman ni Lorna.
“At ano naman ang mapapala niya sa pagtitinda ng ukay-ukay? Sabagay tulad din naman siya ng kaniyang itinitinda. Walang halaga at itinapon na ng iba!” sambit muli ni Sabel.
Hindi na nakayanan pa ni Jessa ang pagtatalo ng kaniyang mga tiyahin. Maging ang anak niya ay nadadamay na rin sa pang-aalipusta ng kaniyang Tiya Sabel.
“Pasensya na po kayo, Tiya Lorna. Sa tingin ko talaga ay mali ang pagpunta ko rito. Nais ko lang po ipaabot sa inyo ang regalo namin ng anak ko. Aalis na po kami,” saad pa ng dalaga.
Dahil sa labis na sama ng loob sa kaniyang mga narinig ay niyaya na ni Jessa ang kaniyang anak upang umuwi na. Bakas sa kaniyang mga mata ang lumbay nang mga sandaling iyon.
“’Ma, bakit po ayaw sa atin ng isang babaeng iyon? Dahil po ba mahirap tayo?” tanong ng anak ni Jessa sa kaniya.
“H-hindi ko rin alam, anak. Basta huwag mo na lang siyang intindihin. Gagawin ko ang lahat para lang mabuhay tayo nang masagana at hindi na tayo maliitin pa,” saad naman ng ina.
Nagpatuloy sa kaniyang pagtitinda ng mga ukay-ukay itong si Jessa. Nang malaman niyang pumapatok din ang mga ito kapag itininda sa internet ay kaniya rin itong ginawa.
Pinagtatawanan siya ng ilang kaanak dahil sa ginagawa niyang ito. Napakababa ng tingin ng mga ito sa kaniya. Ngunit hindi siya nagpagapi. Hindi niya inintindi ang mga sinasabi sa kaniya ng mga tao. Sapagkat ang nais lamang niya ay mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang anak.
Isang araw, habang nag-aayos ng mga panindang damit ay may nakakuha si Jessa na isang kwintas na may palawit na diyamante. Nang ipasuri niya ito sa alahero ay nagulat siyang tunay na ginto ang kwintas. At ang pinaka mas nakakagulat ay nang malaman niyang tunay na dyamante rin ang palawit nito!
Naibenta niya ng mahigit isang milyon ang naturang kwintas. Dahil sa malaking halagang ito ay tuluyang nagbago na ang buhay ng mag-ina. Ginamit niya ang pera para magtayo ng negosyo. Dahil sa kaniyang pagpupursige ay napalago niya ito.
Isang araw, muli siyang tinawagan ng kaniyang Tiya Lorna upang dumalo sa kanilang family reunion. Sa pagkakataong ito ay hindi na ito tinanggihan pa ni Jessa.
Nang dumating ang araw ng reunion ay nagulat ang lahat nang bumaba galing sa isang mamahaling sasakyan itong si Jessa.
“Aba’y ang tindi ng pinagbago mo! Huwag mong sabihin sa akin na sa’yo ang sasakyang iyan! Siguro ay kumabit ka sa isang matandang mayaman, ano?!” natatawang pangungutya ng kaniyang Tiya Sabel.
“Lahat ng nakikita mo, Sabel, ay galing sa pagsusumikap ni Jessa. Hindi lang siya basta mayaman ngayon kung hindi mayamang mayaman! At ang lahat ng iyan ay nagawa niya ng walang tulong natin. Kung masamang tao siya ay hindi siya suswertehin nang gan’yan. Kaya tigilan mo na ang pang-aalipusta sa kaniya dahil wala siyang ginawang masama sa iyo!” bwelta naman ni Lorna sa kapatid.
Napahiya si Sabel sa kaniyang ginawa. Sa kaniyang puso ay nakakaramdam pa rin siya ng galit ngunit mas pinangingibabawan iyon ng kaniyang inggit dahil sa magandang buhay na tinatamasa ngayon ni Jessa.
Labis naman ang pasasalamat ni Jessa para sa lahat ng pagpapalang kaniyang tinanggap. Kahit na ubod na siya ng yaman ngayon ay hindi pa rin niya nakakalimutan ang lumingon sa kaniyang pinanggalingan.
Lubos din ang kaniyang pasasalamat para sa kaniyang Tiya Lorna sapagkat dahil sa ginang ay naramdaman ni Jessa na magkaroon muli ng isang magulang.