Alilang-Kanin Kung Ituring ng Tatlong Babae ang Kapatid Nila sa Labas; Magbabago ang Lahat sa Pagdating ng Kanilang Tiyahin
“Luna, Luna! Halika rito at masahehin mo ang mga binti at paa ko!” sigaw ni Monina.
“Sandali lang, ate, at tatapusin ko lang itong paghuhugas ko ng mga pinggan,” sagot ng dalaga.
Nang matapos hugasan ang pinagkainan ay agad niyang nilapitan ang nakatatandang kapatid.
“Kahit kailan ang bagal-bagal mong kumilos. Hala, sundin mo na ang iniuutos ko sa iyo!” inis na sabi ni Monina sabay sabunot sa buhok niya.
Kahit nasaktan ay sinunod pa rin ni Luna ang utos ng kapatid. Minasahe niya ang mga paa at binti nito ngunit tila hindi nagustuhan ng kapatid ang pagmamasahe niya kaya sinipa siya nito sa tagiliran.
“Buwisit ka! Lalo lang sumakit ang mga paa at binti ko sa ginawa mo, tama na nga. Wala ka talagang silbi!”
Sa lakas nang pagkakasipa sa kaniya ni Monina ay halos mamilipit sa sakit si Luna ngunit hindi siya nagpahalata at humingi pa ng paumanhin sa kapatid.
“Sorry, ate. Uulitin ko na lang,” wika niya.
“Huwag na, ayoko na! Ang mabuti pa ay umalis ka na sa harap ko at baka hindi lang sipa ang abutin mo sa akin!” gigil na tugon ni Monina.
Maluha-luha na bumalik si Luna sa kusina. Naabutan naman niya roon ang dalawa pa niyang kapatid na sina Marga at Mira.
“Hoy, Luna, ipagtimpla mo nga kami ng kape,” utos ni Marga.
“Bilisan mo ang kilos at huwag babagal-bagal!” sabad ni Mira.
Agad na pinahid ni Luna ang luha sa mga mata at sinunod ang utos ng mga kapatid. Sa sobrang pagkataranta ay nalimutan niyang lagyan ng asukal ang tinimplang kape kaya nagalit ang dalawa.
“Ano bang klaseng kape ‘to? Bakit walang lasa?!” tanong ni Mira sa malakas na tono.
“Ang tanga-tanga mo talaga, pagtitimpla lang ng kape palpak ka pa?” gigil naman sabi ni Marga.
Sa sobrang galit ng dalawa ay ibinuhos nila ang kape kay Luna.
“Aray ko po! Sorry, n-nakalimutan kong lagyan ng asukal ang kape. Patawarin niyo ako!” hiyaw ni Luna nang maramdaman ang pagdampi ng mainit na tubig sa kaniyang balat.
“Nababagay lang sa iyo ‘yan, ang boba mo kasi!” natatawa pang sabi ni Mira.
“Sa susunod na magkamali ka pa ay kumukulong tubig na ang ibubuhos namin sa iyo, naiintindihan mo?” hirit pa ni Marga.
Mabuti na lang at hindi nalapnos ang balat niya sa mainit na tubig na ibinuhos sa kanya. Napahagulgol na lamang siya sa isang tabi nang iwan siya ng dalawang kapatid sa kusina. Kung tutuusin ay sobra na ang pagmamalupit ng mga nakatatanda niyang kapatid. Hindi naman niya masisisi ang mga ito dahil anak lamang siya sa labas ng kanilang ama. Nang pumanaw ang kaniyang tunay na ina dahil sa malubhang sakit ay kinupkop na siya ng ama ngunit hindi siya tanggap ng pamilya nito. Sa labis na sama ng loob ng ina ng tatlong magkakapatid ay binawian ito ng buhay kaya sobra siyang sinisi ng mga ito at sa kaniya ibinuhos ang lahat ng galit sa pagkawala ng ina at sa ginawang panloloko ng kanilang ama rito. Kaya naman halos alipinin siya ng mga kapatid na pambayad utang niya sa naging kasalanan ng kanilang ama nang ito naman ang sumakabilang buhay dahil sa isang aksidente. Kahit ganoon ang trato sa kaniya ng tatlo ay hindi siya nagtanim ng hinanakit at galit dahil kahit kapatid lamang niya ang ang mga ito sa ama ay mahal niya ang tatlong kapatid.
Isang araw ay nakatanggap ng magandang balita ang tatlong magkakapatid dahil darating ang kanilang tiyahin na si Adela. Ito ang nakatatandang kapatid ng kanilang ama na may maganda nang buhay sa ibang bansa. Isa ang nasabing tiyahin sa mga tumutulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin at pag-aaral. Magbabakasyon daw ito sa kanila at isa sa kanilang magkakapatid ang isasama nito sa Australia para roon pag-aralin.
Nang dumating ang kanilang tiyahin ay hindi magkandaugaga sina Monina, Marga at Mira. Panay ang lambing at sipsip nila rito para isa sa kanila ang piliin.
“Auntie, ano’ng gusto mong ulam? Ipagluluto kita,” wika ni Monina.
“Gusto mong mamasyal, auntie? Sasamahan kita,” tanong naman ni Mira.
“Saan mo gustong kumain, auntie at ililibre kita sa masarap na kainan,” hirit ni Marga.
“Naku, huwag na kayong mag-abalang tatlo. Mas gusto ko munang magpahinga at pagod ako sa biyahe. Nga pala, may mga dala akong pasalubong sa inyo,” sagot ng tiyahin.
“Talaga po? Thank you, auntie, ang bait mo talaga!” masayang sabi ni Mira.
“Ang gaganda ng mga ito, at mukhang mamahalin pa. The best ka, Auntie Adela!” tuwang-tuwang wika ni Monina.
“Sisiguruhin kong ako ang mapipili ni auntie. Parang nakikita ko na ang magiging buhay ko kapag ako ang isinama niya sa Australia,” bulong ni Marga sa isip habang pinagmamasdan ang mga mamahaling gadgets, damit at pabango na dala ng tiyahin.
Maya-maya ay napansin ni Adela si Luna na walang kibo at nagmamasid lang sa kanila.
“O, Luna, bakit nariyan ka lang? Halika rito at may mga pasalubong din ako sa iyo.”
“A, e, mamaya na po, auntie. May gagawin pa po ako sa kusina,” tugon niya saka tumalikod at umalis.
Ayaw niyang makigulo pa sa mga kapatid. Baka kasi pag-initan na naman siya ng mga ito kapag nakisali pa siya.
Habang tumatagal ay nakikilala ni Adela ang iba’t ibang ugali ng mga pamangkin sa pagbabakasyon niya kasama ang mga ito. Sa pananatili niya roon ay hindi niya nakita ang pang-aabuso at pagmamalupit ng tatlong pamangkin kay Luna dahil nagdesisyon ang tatlo na pakitaan muna ng maganda ang kapatid sa labas para hindi niya matuklasan ang ginagawa ng mga ito. Nagpapabango ika nga ang tatlo para nga naman maganda ang imahe ng mga ito sa kanya subalit may nagawa ang mga ito na labis niyang ikinadismaya.
Mabilis na nagdaan ang mga araw at sumapit ang pagbabalik ni Adela sa Australia. Kinausap niya ang mga pamangkin para ipaalam sa mga ito ang natuklasan niya.
“Labis akong nalulungkot dahil sa mga araw na narito ako ay hindi ko akalain na magagawa niyong gawan ako ng hindi kaaya-aya,” hayag ni Adela.
Nagulat ang magkakapatid sa tinuran ng kanilang tiyahin.
“A-ano pong i-ibig niyong sabihin, auntie?” kinakabahang tanong ni Monina.
“Akala ko ay napalaki kayo nang maayos ng aking kapatid na si Romano, ngunit nagkamali ako. ‘Di ako makapaniwala na magagawa niyo akong pagnakawan?” bunyag ni Adela.
Napamulagat ang tatlong magkakapatid.
“Hindi niyo maaaring itanggi dahil kitang-kita ko ang pangungupit niyo ng pera sa akin. Ang akala niyo siguro ay hindi ko malalaman ang ginagawa niyong pagkuha ng pera sa wallet ko nang hindi nagpapaalam? Hindi naman ako maramot, eh, ang gusto ko lang ay magpaalam kayo sa akin kung may kailangan kayo. Sa mga araw na narito ako ay minamatyagan ko ang bawat kilos niyo, gusto kong makita kung sino ang mas karapat-dapat na pagkatiwalaan dahil bukod sa pag-aaralin ko ang mapipili kong isama sa pagbalik ko sa Australia ay ipapasok ko rin siya ng trabaho sa amo ko na nagmamay-ari ng tindahan ng mga alahas. Ang magiging trabaho niya roon ay isang kahera. Sa natuklasan ko ay hindi pala kayo dapat pagkatiwalaan. Tanging si Luna lang ang hindi nagtangkang kupitan ako. Alam niyo ba na may nakita siyang pera sa ilalim ng kama ko habang naglilinis siya sa kwarto ko? Ang hindi niya alam ay nasa labas lang ako ng kwarto at pinagmamasdan kung ano ang gagawin niya. Ang akala ko, kagaya niyo ay kukunin din niya iyon ng walang paalam ngunit nagkamali ako, ipinatong niya iyon sa ibabaw ng mesa at hindi nangahas na pag-interesan ang malaking halaga ng perang nakalahad na sa kaniya. Napatunayan ko na sa inyong magkakapatid ay si Luna ang mas mapagkakatiwalaan ko. Kaya, ihanda mo na ang iyong mga gamit, hija, at ikaw ang isasama ko sa Australia,” sabi pa ni Adela.
Napaiyak sa kahihiyan ang tatlong magkakapatid sa ibinunyag ng kanilang tiyahin. Kung sino pa ang anak sa labas ay siya pa ang napili para isama sa Australia. Hinayang na hinayang ang mga ito, kung hindi sana namayani sa kanila ang pagiging mapaghangad ay isa sana sa kanilang tatlo ang mabibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng mas magandang buhay.
Samantala, nagbunga ang lahat ng sakripisyo ni Luna dahil sa kabila ng lahat nang pinagdaanan niya sa kamay ng mga kapatid ay may liwanag pa pala na naghihintay sa kaniya. Karma naman ang inabot ng mga kapatid niyang galit sa puso ang mas pinairal kaysa magpatawad.