Inday TrendingInday Trending
Galit ang Babae sa Ate Niyang Mayaman Dahil Madamot Daw Ito; Nakunsensiya Siya Matapos Silipin ang Laman ng Bank Account Nito

Galit ang Babae sa Ate Niyang Mayaman Dahil Madamot Daw Ito; Nakunsensiya Siya Matapos Silipin ang Laman ng Bank Account Nito

“Naturingan akong bank manager pero ako yong pinakawalang pera sa amin,” angal ni Regine sa katrabahong si Annie.

“Hay naku, napaka-nega mo kasi, girl. Tingnan mo ang Ate Rain mo, palaging naka-smile. Palaging masaya… Kaya tuloy-tuloy ang pasok ng pera sa negosyo niya,” pananaway ni Annie sa kaibigan.

“Gusto ko nga siyang tanungin kung balak ba niyang baunin sa hukay ang yaman niya. Kahit nakikita niyang hirap na hirap ako bilang single mom ako, wala… Nganga… Mabuti na nga lang at iskolar ang mga anak ko sa eskuwelahan,” ani Regine.

“Nakausap mo na ba si Randy? Wala ba talaga siyang balak magbigay ng sustento?”

Agad na napabuntong-hininga si Regine at sumenyas na lamang. Itinaas nito ang dalawang kamay at umiling.

Palibhasa’y busy sa trabaho si Regine kaya’t madalas ay napapagastos ito nang higit sa kaniyang badyet. Sa sahod niyang kuwarenta mil kada buwan ay hirap na hirap siyang pagkasyahin ito sa sarili at sa dalawang anak.

Fastfood, mamahaling mga laruan, at magagarbong gadyets. Ito ang mga panapat niya sa oras at atensyon na hindi maibigay sa mga anak.

Kung tutuusin ay kaya naman niyang makapag-impok ngunit mas pinili niyang bigyan ng magarbong buhay ang mga anak. Kumuha siya ng isang kasambahay at isa pang yaya para sa mga ito. Ang panganay niyang si Kyle ay labing anim na taong gulang na at ang bunso naman niyang si Kyla ay sampung taong gulang na. Kung naturuan niya lamang ang dalawa ng mga gawaing bahay ay uubra na ang isang taga-bantay sa mga bata. Kaya lamang ay tuwing day off niya ay tulog na lamang ang nagagawa niya sa kaka-overtime.

“Anak, maghugas ka na ng pinagkainan natin,” malambing na utos ni Rain sa panganay na anak na si Mac. Sampung taong gulang pa lamang ito ngunit sanay na sa mga gawaing bahay.

Wala silang kasambahay kaya’t tulong-tulong sila sa mga gawaing bahay.

Nakaiskedyul na rin ang mga gawain ng mag-iina kaya’t nababadyet ni Rain ang mga gawaing bahay, pag-aalaga sa mga anak at pagnenegosyo.

Bukod dito’y sinuwerte din si Rain na makapag-asawa ng masipag na lalaking si Rico. Laki ito sa hirap kaya’t nagsumikap siyang maitaguyod ang sariling pag-aaral at pati na rin ng bunsong kapatid na babaeng si Anne na ngayon ay matagumpay nang abogado.

Ang dating asawa naman ni Regine na si Randy ay lasenggo at sugalero kaya’t hindi maiwasan ni Regine na mainggit sa panganay na kapatid.

Kung tutuusin ay masaganang-masagana na sana ang buhay ng mga magulang nila Regine at Rain sapagkat nagtratrabaho parehas ang mga ito sa ibang bansa ngunit wala pa ring tigil ng kakapadala ang Tatay Lino at Nanay Marseng nila kay Regine.

Tutol naman dito ang bunso nilang kapatid na si Paulo. Aniya, sila ngang mag-asawa ay nagdesisyong hindi magka-anak upang mabuhay nang walang iniistorbong ibang tao. Si Paulo ay isa nang manager sa isang IT company sa Makati at doon na rin ito nakabili ng bahay sa tulong ng masipag na asawang si Nikki.

“Ang kapal naman ng mukha niyang si Paulo, ‘nay. Hindi niya alam kung hindi ako nagpaubaya na mag-aral sa public school ay hindi sya makakapagtapos ng kolehiyo diyan sa Ateneo,” inis na batid ni Regine sa ina.

“Naku, anak hinaan mo ang boses mo at nakaspeaker ako. Magagalit sa iyo ang tatay mo kapag narinig ka. Nakaraan na ‘yon, ‘nak. Saka wala namang masama kung saan ka nakapagtapos ng pag-aaral. Ang importante’y pursigido ka sa buhay,” payo ng ina.

Maya-maya pa’y bigla siyang tinawag ng guwardiya sa pinagtatrabahuhang bangko.

“Kailan po ninyo maisesettle ang credit card bill ninyo, ma’am? Kapag hindi niyo pa ho nabayaran itong P500,000 ay dadaan na ho kayo sa legal na proseso,” pahayag ng isang babaeng nakaismid pa kay Regine.

“Huwag niyo na akong ipahiya dito sa opisina dahil lalo ko kayong ‘di mababayaran kapag natanggal ako sa trabaho!” matapang na sagot ni Regine.

Lalo na namang nalugmok ang babae sa nangyari. Ilang araw ang lumipas at hindi siya tinatantanan ng collections agency sa kakasingil kaya’t nagdesisyon siyang magpahinga muna at gamitin ang vacation leave. Pinatay niya na rin muna ang kaniyang cellphone sa loob ng tatlong araw.

Naisipan niyang tingnan ang laman ng bank account ng kapatid na si Rain dahil siya ang pinag-aasikaso nito sa mga bayarin niya noon. Wala na siyang ibang malalapitan kundi ito na lamang. Sinubukan niyang ilagay ang password at gumana ito. Nanlaki ang mata niya sa nakita.

Pagbukas niya nito’y tanging 5,000 lamang ang laman at nang tingnan niya ang mga transaksyon ay nakita niya ang kaniyang pangalan.

“Credit Card payment for Ms. Regine Rosales P500,000”

“Credit Card payment for Ms. Regine Rosales P200,000”

“Payment to Saint Matthew Academy for Kyle de Guzman P30,000”

“Payment to Saint Matthew Academy for Kyla de Guzman P25,000”

Napahagulgol si Regine sa nakita.

Ang ateng kinaiinisan, sinasabihang madamot, kinaiinggitan… ang siya palang tutulong sa kaniya sa oras ng matinding kagipitan. At hindi na niya kailangan pang magsalita o humingi ng tulong dito dahil hindi pa man siya nagsasabi ay agad at kusang loob na itong tumulong.

Humahangos na nagbihis si Regine patungo sa bahay nila Rain at nadatnan niya ang asawa nitong si Rico.

“Wala ang ate mo, nagbenta ng lupa sa Laguna kaya’t maraming papeles na kailangang lakarin. May tinulungan daw kasi siyang kapatid. Sino kaya iyon?” nakangiting saad ng bayaw.

“Kuya…. Hindi ko alam kung paano kayo pasasalamatan. Matagal niyo na pala akong tinutulungan pero sabi naman ng eskuwelahan ay iskolar ang mga anak ko… Kuya…”

“Ang mahalaga ay nalusutan mo na ang gusot sa buhay mo. Ngayon nasa sa iyo na lamang kung paano mo pasasalamatan ang ate mo. Sa tingin ko, kung aayusin mo ang mga pamamaraan mo sa buhay ay magiging masayang-masaya na ang ate mo,” payo ng bayaw.

Lalo namang napahagulgol si Regine ngunit kailangan niyang ngumiti sapagkat nakita na siya ng paboritong pamangkin na si Mac at magtataka ito kung ano’ng nangyayari.

“Miss na miss ka na namin, tita. Pati sina Kuya Kyle at Kyla,” malambing na saad ni Mac.

Niyakap na lamang ni Regine nang napakahigpit ang pamangkin.

Mula noon ay natuto na si Regine na huwag masamain ang payo ng mga kapatid at mga magulang.

Inayos niya ang kaniyang mga gastusin at natutong magtipid. Ngayon ay isa na siyang Operations Manager sa kanilang main branch at halos triple na ang kinikita niya ngunit sa kabila noon ay tutok pa rin siya sa paggabay sa mga anak.

Salamat na lamang at mayroon siyang mga kapatid at mga magulang na handang gumabay at magbigay sa kaniya ng mga payo.

Advertisement