Inday TrendingInday Trending
‘Di Nakarating ang Dalaga sa Graduation Dahil sa Isang Matanda; ‘Di Niya Akalaing Magkakaroon Siya ng Parangal Dahil sa Pagtulong na Ginawa

‘Di Nakarating ang Dalaga sa Graduation Dahil sa Isang Matanda; ‘Di Niya Akalaing Magkakaroon Siya ng Parangal Dahil sa Pagtulong na Ginawa

“Anong oras ba yan, aber? Eh wala ka namang honor ba’t kailangan pa naming pumunta?” paasik na sabi ni Aling Carmen habang padabog na nagluluto ng kanilang ulam nang gabing iyon. Sinabihan kasi ito ng anak na si Eliza na sa isang linggo na ang graduation nito sa high school.

“Eh… wala nga pong medalyang isasabit ma, pero sana makapunta ka pa rin,” malungkot na sabi ng dalaga. Sakto namang dumating ang kuya niya mula sa trabaho kaya imbes na sumagot si Aling Carmen ay nag-abala na ito sa paghahain sa kuya.

“Oh Marco nandiyan ka na pala! Maupo ka’t luto na itong adobo. Iwan mo iyang uniporme mo at si Eliza na bahalang maglaba niyan,” sabi nito. Todo asikaso ang nanay niya sa Kuya Marco dahil proud talaga ito sa kuya niya. Pinagyayabang nito lagi sa labasan na grumaduate ang anak bilang cum laude at ngayon ay may maayos na trabaho sa Maynila.

“Naku salamat, ma. Oh Eliza, malapit na graduation mo ‘di ba?” Natuwa naman ang dalaga dahil naalala ng kuya. Sinabi niya dito ang petsa ngunit nadismaya siya nang sabihin nitong hindi ito makakapunta dahil may trabaho.

“Hayaan mo’t may regalo naman ako sa’yo bunso!” sabi nito sabay kindat sa kaniya. Dalawa lang silang magkapatid ngunit medyo malayo ang agwat nila. Kahit na palagi siyang kinukumpara ng ina sa kuya ay hindi siya nagkaroon ng sama ng loob sa kapatid dahil mabuting kuya ito sa kaniya. Iyon nga lang, minsan ay naiinggit siya sa pagkalinga at suporta na ipinapakita ng ina dito. Samantalang siya, kahit graduation na ay ayaw pa ring siputin ng kaniyang ina.

Dumating nga ang araw ng graduation. Isinuot ni Eliza ang dress na binili ng kaniyang kuya at ipinatong doon ang kaniyang toga. Mabigat ang kaniyang loob dahil hindi nga mag-isa lang siya sa graduation, ang ina niya ay nakaalis na papuntang palengke. Malapit-lapit lang sila sa kaniyang paaralan kaya’t naglakad na lang siya papunta doon. Manaka-naka ay may nakikita siyang ilang kaklase na kinakawayan siya. Tuluyan siyang nalungkot nang makitang kasama ng mga ito sa sasakyan ang mga magulang ng mga ito.

Nagpasyang dumaan sa isang shortcut si Eliza upang maiwasang makita pa ang mga kaklase at mainggit. Sa isang tagong kalsada’y nagulat siya sa nakita. Isang matanda ang nakahandusay habang dalawang lalaki ang bumasag sa salamin ng kotse nito at tinangay ang ilang gamit mula doon. Dahil sa takot ay nagtago si Eliza at hinintay munang makaalis ang mga holdaper bago daluhan ang matanda.

“Tulong…” nanghihinang ungol nito bago tuluyang mawalan ng ulirat.

“Manong? Manong!” Natatarantang tumawag si Eliza ng tulong kaya’t naisugod kaagad sa ospital ang matanda. May ilang pulis pa ang kumausap sa kaniya upang humingi ng impormasyon tungkol sa insidente. Mabuti na lang at mabilis ang mata ng dalaga at natandaan ang hitsura ng mga holdaper.

Huli na nang mamalayan ni Eliza ang oras, tapos na ang graduation!

“Naku po!” sabi ng dalaga saka napasapo sa ulo. Hindi niya mapigilang maluha habang naglalakad pauwi sa tahanan. Tiyak sermon ang abot niya kay Aling Carmen kapag umuwi siyang walang dalang diploma. Dahil sa takot sa ina ay nagpasya siyang magpalipas ng maghapon sa parke. Nang magsimulang dumilim ay saka siya umuwi sa bahay, laglag ang balikat habang bitbit ang toga at graduation cap.

Hinanda ni Eliza ang sarili sa masasakit na salita na maririnig sa ina. Malamang ay nakarating na dito ang balitang hindi siya nakadalo sa graduation at baka hindi ito maniwala kapag ikinuwento niya ang buong pangyayari. Ngunit imbes na talak ay mahigpit na yakap ang sumalubong sa kaniya pagpasok niya sa pinto.

“Eliza, anak! Saan ka ba galing? Nag-alala ako sa iyo nang husto!” sabi nito kasabay ng mabibilis na haplos sa kaniyang likod. Naiiyak na niyakap niya ang ina at sinubukang magpaliwanag. Hiyang-hiya siya dahil wala na nga siyang honor ay wala pa siyang maipakikitang diploma dito ngayong araw.

“Sssh, tahan na, anak. Hindi mo na kailangang magpaliwanag, halika sa sala at may bisita ka,” sabi nito sabay hila sa kaniya. Naguguluhan si Eliza nang makita ang matandang tinulungan niya kanina. Lumapit siya dito at tinanong kung ayos na ba ito.

“Ayos na ako hija, huwag kang mag-alala. Pampatulog lamang ang pinasinghot sa akin ng mga holdaper at hindi naman ako masyadong nasaktan. Naririto ako nang malamang dito nakatira ang estudyanteng tumulong sa akin. Haharap sana ako sa graduatuon niyo ngayong araw upang maggawad ng iskolarship sa mga mag-aaral na nagtamo ng karangalan, ngunit ayun nga at inabot ng aksidente. Dahil sa iyong pagmamagandang-loob ay nasagip ako sa mas malalang kapahamakan, maraming salamat sa’yo, hija! Bilang ganti ay nais kong bigyan ka rin ng iskolarship kung iyong tatanggapin,” sabi ng matandang lalaki sabay ngiti sa kaniya.

Hindi mapigilang maluha ni Eliza sa narinig at agad na tinanggap ang iskolarship. Nang makita na proud ang kaniyang ina sa kaniya ay tila ba sasabog ang kaniyang puso sa tuwa.

“Proud na proud ako sa’yo, anak. Higit pa sa intelektwal na talino ang binigay sa iyo ng Panginoon, at iyon ay ang mabuting puso. Patawarin mo ako kung naging sarado ang puso’t isip ko anak,” sabi ni Aling Carmen at muling niyakap ang bunso. Matamis na ngiti ang isinukli ni Elisa. Siya ang patunay na ang tunay na karangalan sa buhay ay higit pa sa diploma o medalya, iyon ay ang pagkakataong makatulong sa ibang taong nangangailangan.

Advertisement