Naging Malapit na ang Binata sa Aleng Nagbebenta ng Kalakal, Susubukin Pala Siya ng Matandang Ito
“Nay, ano na naman ba ang ginagawa niyo rito? Sabi ko naman sa inyo ay hindi kami tumatanggap ng mga sira-sirang gamit. ‘Nay, sanglaan ito ng mga may mahalagang ari-arian, hindi ‘yang electric fan niyo o kung ano na naman ‘yang nakalakal niyo. Sa junk shop kayo pumunta, ‘wag dito. Ako na naman ang mapapagalitan niyan!” taboy ng isang guwardiya sa palaboy na si Nanay Sikang.
“Ikaw na lang bumili nitong nakalakal ko na charger, pwede pa ito sa telepono mo!” masiglang sagot ni Nanay Sikang sa kaniya sabay pakita ng itim na charger.
“Diyos ko naman, ‘nay! Hindi na ganiyan ang mga charger ng telepono ngayon! Dali na, umalis na kayo, ang baho niyo pati! Kakabukas lang namin at magagalit na ang mga boss kong Intsik, malas sa negosyo!” sigaw muli ng guwardiya sa kaniya saka ito pinagtabuyan ng payong na hawak nito.
Wala namang nagawa si Nanay Sikang kung ‘di ang umalis at maupo sa kabilang kanto habang hawak ang mga basura na itinuturing niyang kayamanan.
“’Nay, tara, mag-pares muna tayo,” wika ni Julio saka nginitian ang matanda na dahan-dahan nilalatag ang mga nakalakal niya upang maipagbenta sa mga dumaraan.
“O! Ikaw ‘yung bumili ng flashlight kahapon sa akin! Bumalik ka! Mukhang hindi ako napahiya sa’yo,” masiglang sagot ng matanda sa kaniya.
“Ay opo, maraming salamat po. Pero huwag niyo na akong bentahan ngayon kasi ililibre ko lang kayo ng pares,” ngiting sagot ni Julio rito.
“Naku, salamat, hijo, ikaw lang talaga ang tanging nagmagandang loob dito sa akin… pero huwag na. Magagalit lang ‘yang tindero at sasabihing mabaho ako. Akala naman nila sila lang nababahuan, e ako rin naman!” sabi ng matanda sabay hagalpak ng tawa.
Saglit na nawala si Julio at pagbalik nito ay may dala na siyang pagkain.
“Sabay na lang tayong kumain, ‘nay,” sabi ng binata saka inabot ang isang pares at kumain ito sa tabi ng matanda.
“Hijo, hindi ka ba nababahuan sa akin? Ano bang balak mo? Holdapin ako?” natatawang tanong muli ng matanda sa kaniya at halos nabilaukan si Julio nang marinig ito.
“’Nay naman, ano namang makukuha ko sa’yo! Masyado kayong mapagbiro,” sagot ni Julio sa ale.
“Ayon na nga, wala kang mapalala sa pagiging mabait mo sa akin. Alam mo bang ikaw lang ang bukod tanging ganyan sa akin e kahapon lang kita nakilala. Kinakabahan ako sa’yong bata ka!” sabing muli ni Nanay Sikang at saka niya kinain ang pagkain at sabay silang nagtawanan ng matanda.
“Palaboy lang din naman ako, ‘nay, ang pinagkaiba lang natin ay kaya ko pang magtrabaho. Nagkakargador ako sa Divisoria tuwing madaling araw, tamang pera lang para makaligo at makakain. Kung gusto niyo hong maligo sabihan niyo lang ako, ihihingi ko ho kayo ng damit at dadalhin doon sa nililiguan ko,” siwalat ni Julio sa kaniya.
“Naku, sinasabi ko na e, hahalayin mo lang ako!” mabilis na sagot matanda at saka natawang muli ang dalawa. Hindi man araw-araw na napupuntahan ni Julio ang matanda ay naging malapit pa rin siya rito.
“’Nay, ano? Marami ka bang nakalakal? Akin na at ako na ho ang magtitinda roon sa may Recto,” wika ni Julio nang puntahan niya ang matanda.
“O, ikaw pala ‘ya. Ito, ibenta mo nga ito, baka may maniwalang totoong ginto ‘yan,” sabi ni Nanay Sikang sabay abot ng isang mabigat na bagay sa binata. Saglit na tinignan ito ni Julio at pinunasan, medyo marumi na ito ngunit may kinang pa.
Mabilis na kumabog ang puso ni Julio, “Ginto ito, gold bar,” wika niya sa sarili.
“’Nay, san niyo nakuha ito!?” mahinang tanong ng binata sa matanda.
“Ikaw nang bahala riyan, masama lang talaga ang pakiramdam ko, alis na,” taboy sa kaniya ng matanda at napalunok kaagad si Julio.
“May sakit kayo, ‘nay, ibibili ko muna kayo ng gamot. Kailan pa kayo nilalagnat?” wika ng binata nang hawakan niya ang ale at mainit ito.
“Ibenta mo muna iyan,” ngiting sabi ng matanda sa kaniya at dali-dali naman siyang umalis.
“Kapag naibenta ko ito ay malaking pera ang makukuha ko. Makakauwi na ako sa probinsiya at may masisimulan na rin akong negosyo,” bulong niya sa kaniyang isipan.
Naghanap muna siya paraan para maibenta ito sa pinakamalaking halaga at nang makuha na niya ang pera ay halos pumatak ito ng 70,000.
“Paano si Nanay Sikang,” wika ng kaniyang kunsensiya ng masilaw siya sa dami ng pera.
“Panigurado namang napulot niya lang ito, sasabihin ko na lang na mura lang tapos ibibili ko siya ng gamot saka ako aalis,” sagot din niya sa sarili saka hinawakan niyang muli ang napakaraming salaping ngayon niya lang narasan sa kaniyang tanang buhay.
“’Nay, ito na ang gamot, uminom muna kayo. Saka nabenta ko na rin pala, ” mahina niyang sabi sa matanda sabay abot sa gamot.
“Bumalik ka,” ngiting sagot ni Nanay Sikang sa kaniya at kaagad na nakuha ni Julio na alam ng matanda kung ano ang ibinigay nito sa kaniya.
“Akala ko ay masisilaw ka ng pera,” yakap muli ng matanda sa kaniya.
“Alam kong saglit na lang ang buhay ko kaya masaya akong sa’yo ko naipamana ang huling yaman na mayroon ako. Gamitin mo iyan, Julio, sa’yo na ‘yan, salamat sa pagiging mabait mo sa akin,” bulong pang muli ng matanda sa kaniya at saka ito nawalan ng malay.
Dali-daling dinala ni Julio ang matanda sa ospital at iyak siya nang iyak dahil nag-isip siyang dugain pa ang matanda sa kabila ng kabutihan nito sa kaniya. Mabuti na lang at nabuhay pang muli si Nanay Sikang matapos makipaglaban nito sa binggit ng k@m@t!y@n. Kaagad din siyang lumapit sa pulisya at ini-report na nawawala ang ale. Halos isang linggo lamang ay may kumuha ng sa matanda nang maipalabas ang mukha nito sa telebisyon.
Doon din lumabas ang katotohanan na matagal na palang nawawala ang matanda at mayroon na itong dementia kaya naman hindi na nito naalala ang kaniyang pamilya. Pilit na binigyan si Julio ng pabuya mula sa mayamang pamilya ni Nanay Sikang ngunit sapat na sa kaniya ang napapalitang pera mula sa gintong ibinigay ng matanda. Ngayon ay hinding-hindi niya makakalimutan ang leksyon na itinuro sa kaniya ni Nanay Sikang at ito ay ang huwag magpasilaw sa ano mang halaga ng pera ano man ang katayuan natin sa buhay.