Inday TrendingInday Trending
Basta Gwapo ay Siguradong Bibigay Kaagad ang Dalagang Ito, Sa Huli’y Nabubulag na Pala Siya sa Pagiging Marupok Niya Rito

Basta Gwapo ay Siguradong Bibigay Kaagad ang Dalagang Ito, Sa Huli’y Nabubulag na Pala Siya sa Pagiging Marupok Niya Rito

“Hindi ka man lang ba nagtataka, Eunice, bakit ka niligawan kaagad niyang katrabaho mo?” tanong ni Sarah, kasamahan ng dalaga sa kaniyang inuupang bahay.

“Hindi! Hindi ba pwedeng nagandahan lang sa akin agad kaya niligawan ako? Bakit ba kayo ganiyan sa akin? Kailan niyo ba susuportahan ang lovelife ko?” naiiritang sagot niya rito habang naglalagay ng kolorete sa kaniyang kuko.

“Hindi ka pa nga regular sa trabaho pero mauuna pa ‘yung pagkakaroon mo ng nobyo. Hindi naman sa pag-aano, pero ikaw na rin ang may sabi na parang may mali sa pagdi-date niyo,” natatawang sabi muli ni Sarah sa kaniya.

“Sabi mo sa akin, unang labas niyo, ikaw ang nagbayad at take note, siya mismo nagsabi na ikaw muna ang taya! Kung regular na lalaki ‘yun at gustong magpabango sa’yo, hindi ka pagagastusin nun,” dagdag pang muli ng kaibigan niya.

“Wag mo nang isa-isahin pa at baka sumakit ang bulsa ko. Tigilan niyo na ako, malay niyo kapos lang sa pera ‘yung tao. Makikita niyo, maayos at mabuti ang intensyon sa akin si Sonny at kapag nangyari ‘yun ay mapapa-sana all na lang kayo sa akin,” natatawang balik na lang si Eunice sa mga kasamahan niya sa bahay at pailing-iling na lang si Sarah sa kaniya.

Para kay Eunice ay tadhana ang nagkrus ng mga landas nila ni Sonny dahil bukod sa katrabaho niya ang lalaki ay nakatira lang din pala sila sa iisang lugar kaya naman simula noong pumasok na ang babae sa kumpanya ay halos araw-araw na niyang kasabay si Sonny at nagsimula nga ang pagkakamabutihan nila ng loob.

“Magandang umaga, Eunice, sabay na tayong pumasok,” wika ni Sonny na naka-abang sa may gate nila.

“O, ang aga mo naman, sana nag trike ka na at sa kanto mo na ako hinintay kasi mas malayo ‘yung sa inyo ‘di ba?” bati naman ni Eunice at tumayo sa tabi ng lalaki habang nag-aantay ng traysikel palabas ng kanilang subdivision.

“Isa lang naman tayo ng opisinang pinapasukan kaya naisip kong sabay na tayo,” ngiting sagot sa kaniya ni Sonny at saktong may dumating na traysikel na kanilang sasakyan.

Hindi maikakaila na napakagandang lalaki ni Sonny at ito ang nagiging kahinaan ni Eunice lalo na sa mga ganitong pagkakataon na mas lalong nagiging malapit at malambing ang binata sa kaniya.

“Singkwenta lang,” sabi ni manong sa kanila.

Hindi naman siya tiningnan ni Sonny at basta lamang ito bumaba ng traysikel saka inayos ang uniporme nila at naglakad palayo habang si Eunice naman ay naiwang napapa-iling na lang sa lalaki.

“Akala ko nobyo mo ‘yun,” wikang muli ni manong sa kaniya nang ini-abot ng dalaga ang bayad.

Hindi na sumagot pa si Eunice at pilit na nginitian na lamang ang matanda saka umalis at sumakay na sila ng fx papasok sa opisina. Naghihintay ang dalaga na ilibre siya ng pamasahe ng binata ngunit sa loob ng limang buwan ay ni minsan hindi pa siya nakatikim ng libre mula rito.

“Sinagot mo na ba ‘yang si Sonny?” tanong ng Abegail, isa pang katrabaho ng dalaga.

“Ha? Hindi pa naman, hindi pa naman kami ganoon ka seryoso,” sabi ni Eunice rito at medyo nahiya pa siya sa pagsagot sa babae.

“Nilibre ka na ba?” natatawang tanong muli ng babae sa kaniya.

“Hindi naman ako nagpapalibre, alam mo na, independent woman ang peg ko,” mabilis na birong bira niya saka nagpaalam at nauna na ito sa kaniyang trabaho.

Bukod sa nakakalaglag panga na itsura ng lalaki ay may isang katangian din itong taglay na labis na pinagtatakahan ni Eunice. Dahil sa dinami-rami ng lalaking nakilala niya ay katangi-tanging si Sonny lamang ang hindi naglalabas ng pera o gumagastos sa tuwing lalabas sila. Hindi lamang ito isang beses nangyari kung ‘di paulit-ulit at pilit lamang niyang iniintindi. Dumagdag pa nga ngayon sa listahan niya ang panglilibre niya sa traysikel dito.

“Kailangan ko na talaga gawin ito, para sa akin at para na rin sa magiging relasyon namin,” isip-isip ni Eunice. Alam niyang dahil biyernes at sahod ay paniguradong kakain sila ulit sa labas.

“Tara na, Eunice, kain na tayo,” bati kaagad ni Sonny sa kaniya paglabas nila ng opisina.

Ngumiti lamang ang dalaga habang iniisip kung paano niya tatanungin ang binata na hindi niya ito masasaktan ngunit wala siyang maisip na ibang paraan.

“Sonny, seryoso ka ba talaga sa akin? Seryoso ka ba sa pangliligaw na ‘to?” diretsong tanong ng dalaga habang kumakain sila.

“Oo naman, bakit? Sasagutin mo na ba ako?” nakangiting sambit ni Sonny sa kaniya na mabilis na nakapagparupok pa lalo sa babae. Napabuntong hininga siya at napapikit.

“Bakit hindi ka gumagastos?” bulalas pa ni Eunice habang nakapikit pa rin ito. Saglit na natahimik si Sonny at hindi nakasagot sa tanong na iyon.

“Kasi ano, kasi marami akong binabayaran. Sakto lang ang sahod ko, pasensiya ka na,” malamig na balik ng binata sa kaniya at nakaramdam ng pagkailang ang dalawa kaya naman kaagad na nilang tinapos ang pagkain at umuwi na rin ito.

Dumaan pa ang mga araw at unti-unting nagtanong si Eunice sa mga katrabaho tungkol sa pag-uugali ni Sonny at doon niya nalaman na sadyang napakakunat pala talaga ng lalaki at halos lahat ng baguhang empleyadong babae ay nililigawan nito at todo palibre pa nga raw ito.

Ayaw maniwala ni Eunice sa mga narinig at naiisip na baka sinisiraan lamang ang lalaki sa kaniya ngunit sa sobrang inis niya ay gusto niyang puntahan si Sonny para klaruhin ang sitwasyon na mayroon sila.

“Sinagot ka na ba ni Eunice?” tanong ng isang lalaki at alam niyang si Sonny ang kausap nito.

“Bibigay rin ‘yun sa akin. Laglag p*nty sa akin, pare, isang ngiti ko lang doon. Walang kahirap-hirap, isa pa, magkapitbahay lang kami, pare, bukod sa libreng mga pagkain ay libre na rin ang sakay ko palabas ng kanto namin,” tumatawang sagot ni Sonny sa kausap niya.

Hindi makapaniwala si Eunice sa kaniyang narinig at pakiramdam niya ay nagmukha siyang t@nga sa lahat at nabalewala ang pagbibigay niya ng magandang motibo sa lalaki.

Kaya naman kinagabihan ay niyaya niyang kumain muli sa labas si Sonny at nagpunta sila sa mamahaling restawran. Inorder niya ang mga pinakamahal sa menu nagpakabusog ito nang maiigi.

“Sasagutin mo na ba ako ngayong gabi, Eunice? Kaya ba tayo rito kumain?” ngiting tanong ni Sonny sa kaniya.

“Ito na ang pagtatapos ng kung ano mang akala mong mayroon sa atin. Nga pala, salamat sa huling hapunan kasama ka,” sagot niya rito at iniwan ang lalaki na may halos sampung libong bayarin.

Simula noon ay hindi na niya kinausap pa ang lalaki. Natutunan niyang pigilan ang sarili sa pagiging marupok at sa paglalabas ng pera para sa mga lalaki kahit gaano pa man ito kagwapo.

Advertisement