Hindi Matanggap ng Dalagang Ito ang Luha ng Kaniyang Ina sa Araw ng Lamay ng Kaniyang Ama, Isang Basong Kape lang Pala ang Gigising sa Kaniya
Halos tatlong buwan na rin na nasa ospital ang tatay ni Gemma nang dahil sa malubhang sakit.
“Pa, please, ‘wag mo kaming iwan. Huwag mo akong iwan kay mama, ‘pa! Lumaban ka!” dasal ng dalaga nang biglang mawalan ng buhay ang kaniyang ama at nagsimula ang mga doktor na pilit ibalik ang linyang nagbibigay ‘di umano ng pag-asang may tatay pa rin siyang mayayakap.
Hangang sa tatlong minuto ang lumipas, kahit ang makina na napapanuod niya lamang sa mga pelikula na nakapapagpabalik ng buhay ay hindi tumalab sa kaniyang tatay.
“Time of de@tH 2:23 AM,” wika ng isang doktor at saka yumuko at nilapitan ang kaniyang ina.
“Ma, wala na si papa,” iyak ni Gemma sa kaniyang ina habang hawak pa rin ng ginang ang kamay ng kaniyang asawa at patuloy lamang na umaagos ang mga luha sa mata ng ale kahit na wala itong anumang tunog ng pag-iyak.
“Ma, wala na si papa!” sigaw muli ni Gemma at siya na mismo ang nagtanggal ng pagkakahawak ng kaniyang ina ngunit masyado itong mahigpit at mas tumindi pa ang pag-iyak ng ale.
Sa unang pagkakataon, sa sandaling iyon, sa loob ng labing anim na taon ay ngayon lamang niya nakitang umiyak ang kaniyang ina at sa sandali ring iyon ay naramdaman niyang may pagmamahal sa ale na siyang hindi niya nakita o nakagisnan noon.
Lumipas ang ilang oras at naayos na ang mga papeles, naiuwi na nila ang bangk@y ng kaniyang ama sa kanilang bahay para sa unang araw ng lamay nito. Ngayon lang din napansin ni Gemma na sumikat na ang araw ngunit hindi pa rin nagsasalita ang kaniyang nanay.
Dali-dali niyang tinimplahan ito ng kape at iniabot sa ale habang nakatitig pa rin ito sa kabaong ng kaniyang tatay.
“Ma, ayos ka lang ba?” tanong ni Gemma sa kaniyang ina saka ibinigay ang kape.
“Unang kape ko sa umaga na hindi ka kasama,” pabulong na sabi Aling Geniva sa nahihimlay niyang mister saka umagos muli ang mga luha sa mata nito.
“Bakit ka umiiyak nang ganyan, ‘ma? Hindi ko maintindihan, hindi ko alam kung nasasaktan ka ba dahil wala na si papa o natatakot ka kasi wala na siya? Alin? I’m sorry for asking this, ‘ma, but I just can’t understand,” lumuluhang tanong ni Gemma sa kaniyang ina.
“Anong ibig mong sabihin, anak? Ako ang hindi makasunod sa sinasabi mo? Anong klaseng tanong ‘yan?” balik ng ale sa kaniya.
“Bata pa lang ako, tumatak na sa akin na hindi mo mahal si papa. Na walang pagmamahal sa pagitan niyong dalawa at lahat ng mayroon sa bahay natin ay responsibildad. Responsibilidad bilang mag-asawa, bilang magulang ko at responsibilidad na mabuhay sa araw-araw,” sabi ni Gemma sabay haplos sa kabaong ng kaniyang ama.
“Ni hindi ko kayo nakitang maglambingan ni papa. Lumaki akong inggit na inggit sa mga kaklase kong may malalambing na magulang dahil sobrang kaswal niyo sa isa’t isa. Para kayong magkatrabaho lang, nagkakape tuwing umaga at nagkwekwentuhan hindi ng tungkol sa pag-ibig kung ‘di tungkol sa balita, bayarin, problema at kung ano pang bagay. Sa tuwing mag-aaway kayo ni papa, hindi kayo nagsisigawan, hindi rin kayo naglalambingan, sa salas lang siya matutulog at sa tuwing tatanungin ko siya kung mahal ka ba niya wala siyang ibang sasabihin kung ‘di “Mahal ka namin, anak,” at lumaki ako sa ganun. Kaya hindi ko alam kung para saan ang mga luha mo kasi hindi mo naman mahal si papa,” sabi ni Gemma sa kaniyang ina.
Hindi kaagad nakasagot si Aling Geniva at mas lalo itong napaluha at mas hinigpitan niya ang hawak sa kape saka niya hinigop ito ng dahan-dahan.
“Hindi kami nagsimula ng papa mo katulad ng mga nasa teleserye na nauuso ngayon. Parehas naming piniling bumuo ng pamilya at kakaiba siguro ang pamamaraan ng pagpapakita namin ng pagmamahalan sa isa’t isa pero simula nang maging mag-asawa kami ay buong puso ang ibinigay namin, hindi lang sa pagiging magulang sa’yo kung ‘di sa pagiging mag-asawa sa paraang alam namin. Mahirap ipaliwanag, anak, pero mahal na mahal ko ang tatay mo. Hindi ibig sabihin na porket hindi kami malambing sa paningin mo ay hindi na kami nagmamahalan. Katulad ng kape na ito, ito ang unang kape sa buhay namin ng papa mo na iinumin kong wala siya. Mahal ko ang papa mo nang higit pa sa nakikita mo, Gemma,” mahinang sagot ng kaniyang ina at punong-puno ito ng sinseridad.
Hindi na muling nagsalita pa ang dalaga at mas pinili na lamang niyang umiyak. Ngayon, naiintindihan na rin niya ang mga sinasabi ng kaniyang nanay nang maalala niya ang mga bagay na palaging ginagawa ng kaniyang mga magulang. Ang sabay nilang pagkakape sa umaga, ang pagkain ng hapunan, paglalaba, pagtutupi at mga simpleng bagay na hindi niya nakikita noon dahil mas hinahanap niya ang halikan, yakapan at nag-uumapaw na lambingan sa kanilang tahanan.
Ngayon ay unti-unting nawala ang galit sa puso ng dalaga at pinatawad ang kaniyang ina saka siya nagsimulang maging malapit dito. Nahuli man siguro siyang makita ang klase ng pagmamahalan na mayroon ang kaniyang mga magulang ay mas mahalaga sa kaniya ngayon na iparamdam sa kaniyang ina ang pagmamahal na kaya niyang ipakita, iparinig at ipadama bago pa man mahuli ang lahat.