Tinawanan ang Isang Bata dahil sa Binibili Nito sa Isang Botika; Laking Gulat Nila nang Makuha nga Nito ang Milagrong Inaasam
“Mama, pwede po bang pakibasa itong libro na ito sa akin? Hindi po kasi ako makatulog,” sambit ng batang si Teddy sa kaniyang anak.
“Hindi na muna ngayon, anak. Huwag ka na munang makulit dahil kailangan ako ng ate mo,” tugon naman ng ina.
“Si papa, ayaw rin po akong basahan ng libro tapos pati kayo. Lagi na lang pong walang umiintindi sa akin!” sambit pa ng anak.
“Intindihin mo naman, Teddy! Kailangan kami ng Ate Kaysie mo. Maswerte ka nga at ganiyan ang kalagayan mo! Saka ka na magpabasa ng libro!” naiinis nang sambit ng ginang.
Hindi naman talaga nais ng mag-asawa na kagalitan ang kanilang anak. Ngunit labis na kasi silang nag-aalala sa kanilang panganay na si Kaysie. Ilang buwan na kasi itong nakaratay dahil sa tumor sa kaniyang utak. Hindi na alam ng mag-asawa ang kanilang gagawin upang mapawi ang sakit ng anak.
“Dindo, hindi ko na kayang makita pang nahihirapan ang anak natin. Bakit sa dami ng tao sa mundo ay siya pa ang kailangang magkaroon ng malubhang karamdaman?” pagtangis ni Carmela sa kaniyang mister.
“Kung kaya ko lang kuhain ang sakit niya’y ginawa ko na. Ipinagpapasa Diyos ko na lang ang lahat ng ito. Tanging milagro na lang ang makakapagpagaling sa kaniya,” hindi na rin napigilan pa ni Dindo ang tumulo ang kaniyang mga luha habang tangan ang kamay ng anak.
Ang hindi alam ng mag-asawa ay kanina pa nasa labas ng pinto ang kanilang bunsong anak na si Teddy at nakikinig sa kanilang usapan. Labis din ang pag-aalala nito sa kaniyang panganay na kapatid.
Tandang-tanda pa ni Teddy ang mga araw na maayos pa ang kanilang pamilya. Masaya silang naglalaro palagi ng kaniyang Ate Kaysie samantalang ang kanilang ina nama’y palaging may ngiti sa mukha. Sa tuwing uuwi naman sa trabaho ang kaniyang ama ay labis ang saya nito dahil magkakasama na silang pamilya.
Ngunit ang lahat ng ngiti at halakhakan ng pamilya ay napawi nang isang araw ay bigla na lamang hinimatay si Kaysie at isinugod sa ospital. Nang madiskubre nilang may tumor ito sa utak ay agad nila itong ipinagamot. Ngunit hindi na kaya pa ng mag-asawa ang lahat ng gastusin.
Kaya sa milagro na lamang kumakapit ang mag-asawa.
Kinabukasan ay nakaisip ng paraan itong si Teddy. Kinuha niya ang kanilang alkansiya at dahan-dahan niya itong binasag. Kinuha niya ang lahat ng perang kaniyang naipon. Bitbit ang ilang barya ay agad siyang tumakbo sa pinakamalapit na botika.
Maraming tao sa botika noong araw na iyon. Nakipagsiksikan si Teddy upang bumili.
“Pagbilan po,” saad ng bata sa mga parmasyutiko.
Ngunit sa liit ni Teddy ay hindi man lamang siya napapansin ng mga ito.
“Pagbilan po ako! Pakiusap po,” muli niyang sambit. Ngunit wala pa ring nakakarinig sa kaniya.
Huminga siya nang malalim at sumigaw nang pagkalakas-lakas.
“Pagbilan po ako!” sigaw ng bata.
Nang makuha niya ang atensyon ng mga parmasyutiko ay agad siyang tinanong ng mga ito.
“Ano ang kailangan mong bilhin, bata? Mayroon ka bang resetang dala?” tanong ng isang binibini.
“Wala po akong reseta. Kailangan po ba para sa milagro?” tanong ni Teddy.
Nagtaka ang dalaga.
“Anong bibilhin mo ulit, totoy?” tanong ng parmasyutiko.
“Pagbilan po ako ng milgaro. Narito po ang lahat ng perang ipon ko. Kuhain niyo na po ang lahat ng ito at pagbilhan niyo lang po ako ng milagro,” wika pa ng bata.
Lahat ng nagtitinda ng gamot ay lumapit sa bata at sila’y natawa.
“Ano nga ulit ang kailangan mo? Milagro?” natatawang sambit ng isang lalaki.
“Totoy, walang milagro dito sa botika. Tingnan mo kung makakabili ka niyan sa simbahan!” natatawa pa nitong sambit.
“Parang awa niyo na po, tulungan niyo po akong magkaroon ng milagro. Ang sabi po kasi ng nanay at tatay ko ay tanging milagro lang daw po ang makakapagpagaling sa kapatid kong may sakit. Parang awa niyo na po tulungan niyo ako!” umiiyak na sambit ng bata.
Sa puntong iyon ay napalitan ng awa ang tawanan ng mga nagtitinda ng gamot.
Ilang sandali pa ay may lumapit na lalaki kay Teddy.
“Boy, alam mo ba kung ano ang sakit ng kapatid mo?” tanong ng ginoo.
“Hindi ko po alam kung ano ang sakit niya pero alam ko po ay sa utak po ito. Matagal na pong nakaratay lang ang kapatid ko. Lagi pong umiiyak ang nanay at tatay ko at lagi ko pong naririnig na kailangan ng kapatid ko ng milagro. Kaya po binuksan ko ang alkansiya ko para po bilhan ang kapatid ko. Kulang pa po ba itong pera ko?” walang patid sa pag-iyak si Teddy.
“Magkano ba ang perang dala mo, Totoy?” tanong muli ng lalaki.
“Mayroon po akong tatlumpu’t anim na piso. Ito po ang naipon ko mula sa mga baon ko noong nakaraan,” muling tugon ng umiiyak na bata.
“Kita mo nga naman at napakaswerte mo ngayong araw. Alam mo bang mayroon akong ipinagbibiling milagro sa halagang iyan? Halika na at puntahan natin ang iyong kapatid,” saad pa ng ginoo.
Ang hindi alam ni Teddy ay kausap niya ay isang magaling na doktor sa isang kilalang ospital na si David. Agad niyang isinama ang lalaki sa kanilang bahay.
Nang makarating sa kanilang tirahan ay labis na nagulat ang kaniyang mga magulang.
“Saan ka bang galing bata ka? Kanina ka pa namin hinahanap ng tatay mo. Alalang-alala na kami sa’yo. Alam mo naman ang kalagayan ng ate mo kaya pwede ba, Teddy, huwag kang pasaway,” saad ng nag-aalalang ina.
“Pasensiya na po kayo, ginoo, kung naistorbo po kayo ng anak ko. Maraming salamat po sa paghatid niyo sa kaniya,” muling sambit ni Carmela.
“Sa katunayan po’y sumadya talaga ako dito sa inyo,” sambit ni Dok David.
Ikinuwento ng doktor ang nangyari kanina sa botika.
“Naantig ako sa ginawa ng inyong anak. Ako nga pala si David, isa po akong doktor. Nais ko sanang masuri ang inyong anak,” wika pa ng ginoo.
Agad silang nagpunta sa klinika nito at nang masuri’y kinakailangan pala ni Kaysie ng operasyon.
Dahil alam ni Dok David na walang kakayahan ang pamilya ng bata na ipaopera ang panganay na anak ay sinagot nito ang lahat ng gastusin sa ospital. Siya na rin mismo ang gagawa ng operasyon kay Kaysie.
Makalipas ang ilang oras ay matagumpay na natapos ang operasyon. Tila isang milagro nga ang nangyari dahil sa paglipas ng mga araw ay unti-unting bumuti ang kalagayan ni Kaysie hanggang sa tuluyan na itong gumaling.
Labis ang pasasalamat ng mag-asawang sina Carmela at Dindo sa kabutihan ng doktor.
“Hindi po namin alam ang gagawin kung hindi po kayo dumating sa amin. Kulang po ang pasasalamat para sa nagawa niyong kabutihang ito. Utang po namin sa inyo ang buhay ng panganay namin,” umiiyak sa kaligayahang sambit ni Carmela.
“Sa totoo lang ay naging instrumento lang ako ng Panginoon. Siya ang tunay niyong dapat pasalamatan. Saka isa pa, kung hindi naman talaga dahil sa inyong anak na si Teddy ay hindi ko magagawa ang ganitong bahay. Napakaswerte niyo dahil busilak ang kalooban ng inyong anak,” pahayag ng doktor.
Napayakap na lamang ang mag-asawa sa kanilang bunsong anak. Hindi nila akalain na sa kabila nang hindi nila pag-aasikaso rito’y nag-aalala rin pala ang bata.
Dahil sa paggaling ng panganay na anak ay muling nanumbalik ang saya sa kanilang pamilya. Sa puntong ito ay wala nang mahihiling pa si Teddy sapagkat nakikita na niyang masaya muli ang kaniyang mga magulang at nag-iisang kapatid.