Inday TrendingInday Trending
Labis ang Pagtataka ng Isang Ginang sa Itinatago ng Mister sa Maleta Nito; Magugulat Siya sa Matutuklasang Katotohanan

Labis ang Pagtataka ng Isang Ginang sa Itinatago ng Mister sa Maleta Nito; Magugulat Siya sa Matutuklasang Katotohanan

“‘Nay, hanggang ngayon ba ay galit pa rin sa akin si tatay? May mga pagkakataon kasing gusto ko siyang kausapin ngunit alam kong ayaw niya pa rin akong makita. Pinatutunayan ko naman na tama ang desisyon ko na pakasalan si Rod,” sambit ni Lilian sa kaniyang ina.

“Pabayaan mo na muna ang tatay mo. Darating din ang araw na mauunawaan niya ang naging desisyon mo sa buhay. Hindi mo lang maaalis sa kaniya ang magdamdam dahil sa mga nangyari,” tugon naman ng ina.

“Walang araw na hindi ko iyon hiningi ng tawad sa kaniya. Pero hindi ko na mababalik pa ang nakaraan. Saka kung tutuusin ay wala namang kasalanan ang anak ko,” saad muli ni Lilian.

“Nasaktan ang tatay mo. Kita mo nga hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makalimot. Lagi siyang naglalasing. Hayaan mo at hindi naman ako humihinto na paliwanagan siya. Pasasaan din at magkakabati kayo,” muling pahayag ng ina.

Dalawang taon nang hindi nag-uusap si Lilian at ang kaniyang amang si Edong. Labis kasing nasaktan ang ama dahil hindi nakatapos ng pag-aaral itong si Lilian dahil maaga siyang nabuntis ng asawang si Rod. Kahit na pinanagutan naman siya ng kaniyang napangasawa ay hindi kumbinsido ang ama na mabuti itong tao.

Malakas kasi ang kutob ng kaniyang ama na may itinatago itong lihim.

Samantala, wala namang nararamdaman na kakaiba si Lilian sa kaniyang asawa. Nabibigay naman nito ang lahat ng kanilang pangangailangan. Madalas lamang ay wala ito sa kanilang bahay dahil nakadestino sa ibang lugar. Ngunit kumbinsido si Lilian na tapat sa kaniya ang asawa.

Isa lamang ang labis na ipinagtataka ni Lilian. Sa tuwing uuwi kasi itong si Rod ay labis ang kaniyang pag-iingat sa kaniyang maleta. Nakasukbit pa nga sa kaniyang leeg ang susi nito.

“Mahal, ano ba talaga ang laman ng maleta mo? Parang hindi mo pwedeng ilayo ito sa iyo,” tanong ni Lilian sa asawa.

“Nariyan kasi ang mga importanteng dokumento ng opisina. Ipinagkatiwala ito sa akin ng aking amo. Malalagot talaga ako kapag may nangyaring masama sa papeles,” tugon ng ginoo.

“Kung importante masyado ang mga dokumentong iyan ay bakit hindi na lang niya itago sa kaniyang bahay o sa isang lalagyanan na may kandado? Baka mawala mo pa iyan dahil lagi mong bitbit kung saan ang maleta mo,” pagtatakang muli ng ginang.

“A-ang alam ko ay may kopya rin siya ng mga dokumentong hawak ko. Pero nais niyang magkaroon din ako ng kopya. Hindi ko alam sa kaniya, ayoko na rin namang magtanong. Saka bakit ba natin pinag-uusapan ang trabaho ko? Kararating ko lang at sobra kitang na-miss. Baka naman pwedeng maglambingan na lang muna tayo,” sambit muli ni Rod.

Mula noon ay hindi na nagtanong pa ulit si Lilian tungkol sa maleta. Sa tuwing makakasama naman kasi niya ang kaniyang asawa ay ramdam niya ang pagmamahal nito sa kanila ng kaniyang anak.

Sa paglipas ng panahon ay nasanay na rin si Lilian na susing nakasabit sa kuwintas ng kaniyang asawa.

Isang araw ay sinubukan muli ni Lilian na kausapin ang kaniyang ama upang makipag-ayos.

“‘Tay, nakita niyo naman na maayos ang buhay namin ngayon ng anak ko. Patawarin niyo na po ako. Alam kong hindi ko natupad ang inyong pangarap para sa akin ngunit huwag niyo naman akong pasakitan ng ganito. Mahal na mahal ko po kayo at ayokong nagagalit kayo sa akin,” pahayag ni Lilian sa ama.

“Kahit anong ganda pa ng pamumuhay niyo ay tutol pa rin ako sa pagsasama niyo ni Rod. Niloloko ka lang niyang lalaking iyan, Lilian! Itaga mo sa bato, totoo ang sinasabi ko!” sambit naman ng amang si Edong.

“Hanggang kailan ko po ba kayo kailangang kumbinsihin, ‘tay? Bakit hindi niyo matanggap na si Rod ang pinili ko? Alam kong malaki akong kabiguan para sa inyo pero huwag niyo naman pong pag-isipan ng masama ang asawa ko,” tugon naman ng anak.

“Kung sa tingin mo ay mabuting asawa ang mister mo, lahat ba ng kilos niya ay alam mo? Lahat ba ng tungkol sa kaniya ay sinasabi niya sa iyo? Wala ba siyang inililihim na kahit ano? Mag-isip ka, Lilian. Buksan mo ang mga mata mo!” wika muli ni Edong.

Napabuntong hininga na lamang si Lilian. Alam niyang wala nang patutunguhan ang kanilang pag-uusap na mag-ama kaya kailangan na lamang niyang tanggapin na hindi na sila magkakaayos kailanman.

Habang nasa bahay si Lilian ay hindi niya makalimutan ang sinabi sa kaniya ng kaniyang Tatay Edong. Paulit-ulit itong bumabalik sa kaniyang isipan.

Hanggang sa bigla na lamang niyang naisip ang susi na nakakwintas sa leeg ng asawa. Kahit kailan ay hindi pa nito nakita ang laman ng kaniyang maleta.

Upang mapatunayan na walang itinatago ang asawa sa kaniya ay muling tinanong ni Lilian si Rod tungkol sa itinatago nito sa maleta. Ngunit tulad ng dati ay pareho pa rin ang mga sagot nito. Pilit niyang ipinalalabas kay Rod ang mga dokomento upang kaniyang makita ngunit tumanggi ito. Sa pagkakataong ito ay kinutuban na si Lilian.

Kaya siya na ang gumawa ng paraan upang mabuksan niya ang naturang maleta. Ngunit hindi niya alam kung paano aalisin ang kwintas sa leeg ng kaniyang asawa.

Hanggang sa isang araw ay mahimbing na natutulog si Rod at nakakuha ng pagkakataon itong si Lilian. Dahan-dahan niyang tinanggal ang kwintas at tahimik na kinuha ang maleta.

Unti-unti niya itong binuksan at nang magtagumpay siya ay inisa-isa niya ang mga dokumento. Ngunit laking gulat niya sa kaniyang natagpuan.

Ilang sandali pa ay naalimpungatan si Rod at agad nitong sinalat ang kaniyang kwintas. Nang malaman niyang wala na ang susi ay agad siyang bumalikwas sa pagkakahiga.

Doon ay nakita na lamang niya si Lilian na hawak na ang mga dokumentong kaniyang tinatago.

“Ang kapal ng mukha mo, manloloko ka! Sa loob ng pitong taon ay paano mo ito nagawa sa akin?! Tiniis ko ang tatay ko at mas pinaniwalaan kita pero ganito pala ang ginagawa mo sa akin! Kaya pala ayaw mong buksan ang maletang ito dahil dito nakatago ang sertipiko ng kasal mo sa iba! Kaya pala madalang ka lang umuwi dito ay dahil mayroon ka talagang ibang pamilya! Tama ang tatay ko, walang hiya ka!” hindi na maawat pa ni Rod si Lilian sa pagwawala.

“Hayaan mo akong magpaliwanag, Lilian. Hindi ko kayang iwan ang asawa ko dahil may mga anak kami at mawawalan ako ng karapatan sa lahat ng pag-aari namin. Ayokong maghirap. Hindi ko alam kung paano ko kayo bubuhayin kapag hiniwalayan ko siya!” wika pa ng ginoo.

Labi ang pagtangis ni Lilian nang malamang niloloko lamang siya ng kaniyang asawa. Ang kanilang kasal pala ay wala ring bisa. Labis siyang nagsisisi kung bakit hindi niya pinakinggan ang kaniyang ama.

“Simula ngayon ay wala nang namamagitan sa atin. Kahit kailan ay hindi na kita kaya pang pagkatiwalaan. Umalis ka na at bumalik ka na sa pamilya mo. Hindi ka na bilang dito,” sambit ni Lilian habang patuloy siya sa pag-iyak.

Matapos ang pangyayaring ito ay agad na nagtungo si Lilian sa kaniyang ama upang humingi ng tawad.

“Sana pala ay nakinig na lamang ako sa inyo noon, ‘tay. Hindi ko akalaing ganito ang mangyayari sa akin,” sambit ng anak.

“Paano niyo po ba nalaman na mayroon siyang itinatago sa akin?” tanong muli ni Lilian.

“Minsan ay nakita ko siyang kasama ang isang pamilya. Malakas ang kutob ko na asawa niya iyon at mga anak. Sinubukan ko itong sabihin sa iyo ngunit ayaw mong makinig sa akin, anak. Ipinaglalaban mo pa rin siya. Kaya napagdesisyunan ko na lang na huwag nang makialam dahil alam kong igigiit mo lang na mali ako.

Ilang beses kong hiniling na sana nga ay mali ako ngunit iba talaga ang kutob ko sa lalaking iyan. Bilang isang asawa at ama ay ramdam kong may kakaiba sa kaniya,” pahayag ni Mang Edong.

Lalong nagsisi si Lilian sa tugon ng ama.

“Tandaan mo, Lilian, walang magulang ang hindi nais ang kaligayahan ng kanilang anak,” saad pa nito.

Buhat noon ay nagkapatawaran na ang mag-ama at bumalik na ang dati nilang samahan. Tuluyan na ring nagkipaghiwalay si Lilian kay Rod at itinama na ng ginang ang kaniyang mga pagkakamali.

Kahit na mag-isa na lamang binubuhay ni Lilian ang kaniyang isang anak ay hindi siya nawalan ng pag-asa dahil alam niyang nariyan ang kaniyang mga magulang na laging nakaagapay sa kaniya.

Advertisement