Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Matandang Ginang sa Pagdadala sa Nursing Home ng Asawang Nawalan ng Alaala; Hindi Nila Inaasahan na Isang Araw ay Babalik ang Memorya Nito

Tutol ang Matandang Ginang sa Pagdadala sa Nursing Home ng Asawang Nawalan ng Alaala; Hindi Nila Inaasahan na Isang Araw ay Babalik ang Memorya Nito

Sa gitna ng kalaliman ng gabi ay nagising na lamang ang matandang si Dahlia na wala sa kaniyang tabi ang asawa. Nangangatog siya habang pinipindot ang telepono upang tumawag ng tulong sa mga baranggay. Nangangamba kasi siya na baka nakalayo na ang kaniyang mister at hindi na nito malaman ang daan pauwi.

Kahit na madilim at may nararamdaman na rin sa katawan itong si Dahlia ay lumabas siya ng kanilang bahay upang hanapin ang asawang si Henry.

Halos mag-uumaga na nang makita ito ng mga awtoridad na nasa malayong parte na ng kanilang subdivision, takot na takot at hindi alam ang kaniyang gagawin.

Nang makita ni Dahlia ang kaniyang asawa ay para siyang nabunutan ng tinik. Agad niya itong hinagkan at kinausap.

“Mahal, huwag ka nang aalis ulit ng bahay. Paano na lang kung hindi ka na talaga namin matagpuan? Tara na at umuwi na tayo,” saad ni Dahlia sa kaniyang mister.

“Bitiwan mo ako! Kanina pa kayo na kung anu-ano ang sinasabi sa akin! Sino ba kayo? Nasaan ba ako?” galit na sigaw ni Henry.

“Ako ito, si Dahlia, ang asawa mo. Ikaw si Henry, ang asawa ko. Kaya tara na sa bahay at umuwi na tayo,” saad pa ng matandang ginang.

“Hindi kita kilala kaya huwag mo akong hawakan!” sambit ng mister sabay tabig kay Dahlia.

Dahil mahina na rin ang tuhod ay hindi na naiwasan pa ng ginang na matumba mula sa pagkakatulak sa kaniya.

Akma namang parating na ang mga anak ng mag-asawa. Dali-dali nilang pinuntahan ang ina upang tulungan sa pagtayo.

“Ayos lang po ba kayo, ma?” pag-aalala ni Sophie, ang panganay na anak.

“Ayos lang ako, anak. Puntahan niyo naman ang daddy nyo at kumbinsihin niyo na siyang umuwi ng bahay,” pakiusap ng matanda.

Ngunit maging sila ay sinisigawan at itinutulak din ng kanilang amang si Henry.

Nang makauwi sa bahay ay kinausap ng dalawang magkapatid ang kanilang ina.

“Ma, kaya niyo pa ba ang daddy? Matanda na rin kayo at hindi niyo pa kakayanin kung aalagaan nyo siya? Bakit kasi hindi na lang kayo pumayag na nilagay natin siya sa isang nursing home? Doon ay mas maaalagaan siya at mas matututukan.

Mas magagawa ninyo rin ang gusto ninyong gawin nang hindi inaalala ang daddy,” sambit ni Sophie sa kaniyang ina.

“Tama si Ate Sophie, ma. Bukas makalawa ay hindi na talaga kayo maaalala ni daddy. Kahit ang sarili niya’y hindi na rin niya maaalala pa. Kaya kung ako sa inyo ay pumayag na kayong ilagay siya sa nursing home,” sambit ni Greg, ang kanilang bunso.

“Hinding-hindi ko magagawa iyan sa daddy niyo. Kailangan niya ako. Paano siya gagaling kung wala ako? Saka isa pa, wala naman talaga akong gustong gawin kung hindi ang alagaan siya. Hindi ko kaya ang mawalay sa daddy niyo,” tugon naman ng ina.

“Kayo ang bahala, ma. Nag-aalala lang naman kami sa’yo ni ate. Hindi kayo makapagpahinga ng maayos dahil natatakot kayo na lalabas siya sa madaling araw. Isa pa, unti-unti na rin niya kayong nasasaktan,” saad pa ng panganay.

“Hindi naman sinasadya ng daddy ninyo ang nagagawa niya sa akin. Naniniwala ako na darating din ang araw na matatandaan niya ako,” wika pa ng ina.

“Ang mga doktor na ang nagsabi, ma, na wala nang pag-asa si daddy. Araw-araw ay mas lalong lalala ang kaniyang kundisyon. Mahihirapan na kayo sa kaniya. Kayo na lang naman ang kumakapit sa ganiyan. Hindi na kayo naaalala ni daddy. Hindi na niya tayo naaalala. Ni sarili niya ay hindi na rin niya naaalala,” pahayag naman ni Greg.

“Basta, ma, kung darating ang araw na payag na kayo ay sabihan niyo lang kami ni Greg at kami na ang aayos ng lahat,” sambit pa ng panganay.

Sa totoo lamang ay pinanghihinaan na din ng loob itong si Dahlia. Mula kasi nang masuri nang doktor ang kaniyang asawang si Henry na mayroong dementia ay hindi na nagbalik ang alaala nito at unti-unti na silang nakalimutan.

Ngunit ayaw niyang mawalan ng pag-asa sapagkat mahal na mahal niya si Henry. Nalulungkot lamang siya sapagkat hindi niya akalain na darating ang araw na mangyayari ito sa kanila.

Nang gabing iyon ay kinuha ni Dahlia ang pinakatatago niyang kahon. Laman nito ang mga sulat ng pag-ibig sa kaniya ni Henry noong sila ay bata pa lamang. Hindi niya naiwasan ang maluha habang inaalala ang kanilang mga nakaraan.

Tandang-tanda pa niya kung paano siya suyuin ng kaniyang mister. Wala itong nakakalimutang okasyon sa kanilang pamilya. Lagi itong bumabati at laging nakakaalala na magsabi ng “mahal kita”. Ngunit ibang-iba na ito ngayon. Halos hindi na niya makilala ang asawang kaniyang kasa-kasama.

Isang araw, habang pinupunasan ni Dahlia ang kaniyang asawa sa banyo ay bigla na naman itong nagwala.

“Sino ka at bakit mo ito ginagawa sa akin? Huwag mo akong hawakan! Huwag kang lumapit sa akin!” sigaw ni Henry.

“Lilinisin lang kita, mahal. Ako ito, si Dahlia ang asawa mo,” nahihirapan man ay pilit niynag pinapakalma ang asawa.

“Lumayo ka sa akin!” giit muli ng matandang mister.

Hindi sinasadyang matulak na naman ni Henry si Dahlia dahilan upang madulas ito sa banyo. Tumama ang ulo nito ni Dahlia sa sahig at nagdugo. Mabuti na lamang ay hindi siya nawalan ng malay.

Nang malaman ng magkapatid ang nangyari sa kanilang ina ay agad silang nagpunta sa bahay ng mga ito at nagdesisyon na talagang ipasok na si Henry sa isang nursing home.

“Tama na, ma. Huwag mo na pong ipilit ang gusot mo. Delikado na para sa iyo ang alagaan si daddy,” sambit ni Sophie.

“Pero ako ang kailangan ng daddy ninyo! Kaunting sandali na lang at maaalala na rin niya ako!” saad pa ng matanda.

“Ma, hindi na nga tayo naaalala ni daddy! Hinding-hindi na niya kayo makikilala kahit kailan. Paulit-ulit na lang itong mangyayari sa’yo. Baka mamaya ay kayo pa ang madisgrasya!” giit ni Greg.

Maya-maya ay may narinig silang galabog sa kwarto. Dali-dali silang tumakbo patungo sa silid kung nasaan si Henry.

Natagpuan pala ni Henry ang kahon na naglalaman ng mga lihm at isa-isa niya itong binasa. Unti-unting bumalik sa kaniya ang alaala ng kaniyang asawang si Dahlia.

“Patawarin mo ako, Dahlia, mahal ko. Hindi ko maipaliwanag sa iyo ang lahat ng nangyari sa akin pero sana’y mapatawad mo ako. Alam kong nawala ako sa iyo nang matagal ngunit ngayon ay naaalala ko na! Naaalala ko na, Dahlia, mahal ko! Patawarin mo ako!” walang tigil sa pag-iyak si Henry habang patuloy na humihingi ng tawad sa kaniyang misis.

Niyakap ni Dahlia ang kaniyang asawa.

“Ilang taong kong hinintay na maaalala mo ako at tawaging muli. Hindi mo alam kung gaano mo ako pinaligaya ngayon, Henry!” pagtangis naman ng ginang.

“Parang-awa niyo na, mga anak. Huwag nyo nang ilayo ang daddy ninyo sa akin. Nangako kami sa Diyos na magsasama kami sa hirap at ginhawa. Dito na lang siya sa akin, ako na lang ang mag-aalaga sa kaniya,” walang patid ang pagluha ng ginang.

Sa mga sandaling iyon ay labis natunaw ang mga damdamin ng magkapatid. Alam nilang buhay ng kanilang mga magulang ang isa’t isa.

Kaya napagkasunduan nilang hindi na lamang ilagay sa nursing home ang kanilang ama. Bagkus ay kinuha na lamang nila ito ng personal na nars na gagabay sa kanila. Ngayon ay dahan-dahan nang bumubuti ang lagay ni Henry.

Palaging binabasa ni Dahlia ang mga liham ni Henry sa kaniya. Malaki ang naitulong nito upang makaalala ang asawa.

Minsan ay nakakalimot pa rin ito ngunit sa tulong ng mga gamot at pagkalinga ni Dahlia ay unti-unting bumubuti ang lagay ni Henry.

Makalimutan man ni Henry ang kaniyang asawa ay nariyan naman si Dahlia upang ipaalala at iparamdam sa kaniya ito palagi.

Advertisement