Inday TrendingInday Trending
Dinala ng Ginang ang Kaniyang Anak sa Mahirap na Kakilala Upang Turuan ng Leksyon; Sa Pagkakataong Iyon ay Siya Pala ang Matututo

Dinala ng Ginang ang Kaniyang Anak sa Mahirap na Kakilala Upang Turuan ng Leksyon; Sa Pagkakataong Iyon ay Siya Pala ang Matututo

“Ma, ang ganda-ganda po ng Barbie doll na binili mo sa akin! Maraming salamat po. Tara po, at maglaro tayo!” sambit ni Clarisse sa kaniyang inang si Arlene.

“Ikaw na lang muna, anak, at abala pa ako dito sa trabaho ko. Pangako, bukas, kapag may oras ako’y makikipaglaro ako sa’yo,” tugon naman ng ginang.

Napabuntong hininga na lamang ang batang si Clarisse.

“Bukas nga, anak! Sa ngayon ay madami lang talaga akong kailangang tapusin. Tatawagan ko pa ang mga kliyente ko kaya maglaro ka na munang mag-isa,” sambit pa ni Arlene sa anak.

Wala nang nagawa pa ang bata kung hindi maglaro mag-isa.

Kinabukasan, maagang gumising si Clarisse dahil sa pangako ng kaniyang ina na makikipaglaro. Ngunit nang puntahan niya ito sa sala ay abalang-abala agad ito sa trabaho. Buong araw na naghintay ang bata para sa kaniyang ina. Kinahapunan ay gumayak si Arlene at tila aalis.

“Aalis po kayo, ma? Akala ko ba ay maglalaro po tayo ngayon?” tanong ng bata.

“Nakalimutan ko kasi na may reunion nga pala kami ngayon. Kailangan kong pumunta dahil makikita ko ang mga dati kong kaklase at marami akong pwedeng maging kliyente. Pangako, bukas ay makikipaglaro na ako sa’yo,” sambit pa ng ina.

Wala nang nagawa muli si Clarisse kung hindi intindihin ang kaniyang ina.

Sa party ay maraming nakapansin sa malaking pagbabago ni Arlene.

“Ibang-iba ka na talaga, Arlene. Siguro ay ubod ka na ng yaman ngayon! Maganda siguro ang trabaho mo, ano?” saad ng dating kamag-aral na si Lydia.

“Naku, binola mo pa ako. Ikaw nga itong nakikita ko sa social media at napakarami mo nang saksakyan! Ikaw ang donya sa atin!” wika naman ni Arlene.

“Tigilan mo nga ako, Arlene. Alam naman natin kung sino ang mas mayaman talaga sa ating dalawa!” muling sambit pa ng dating kaklase.

“Alam mo naman tayong mga babae. Hindi na lang tayo basta dapat nasa bahay at nag-aalaga ng mga anak natin. Ayoko yatang magpakalosyang sa pag-aasikaso ng mag-ama ko. Dapat kung ano ang kayang gawin ng lalaki ay ganun din ang ginagawa natin,” tugon muli ni Arlene.

Maya-maya ay nakita ng magkaibigan ang dati nilang kaklaseng si Mercy.

“Tingnan mo iyang si Mercy, siguro ay napakaraming anak na niyan kaya ganiyan ang hitsura. Tara at kausapin natin,” saad pa ng ginang.

Pinuntahan nila si Mercy upang kausapin.

“Mercy, ano ba ang pinagkakaabalahan mo ngayon? Mayroon ka bang negosyo o trabaho?” tanong pa ni Arlene.

“Naku, wala. Sa bahay lang ako at nag-aalaga ng dalawang anak ko. Ang asawa ko lang ang nagtatrabaho sa amin,” tugon naman ni Mercy.

“Ano ka ba naman, Mercy. Sinayang mo lang ang talino mo sa pananatili sa bahay. Baka gusto mong sumama sa akin sa trabaho ko. Para tulad ko ay makabili ka ng mga gamit ng anak mo at gamit mo na rin. Tingnan mo itong mamahaling bag ko. Makakaya mong makabili nito,” lahat pa ni Arlene.

“Naku, mukhang mamahalin nga iyang bag mo. Kahit kailan ay hindi pa ako nagkaroon niyan. Pero hindi ko kasi maiiwanan ang mga anak ko. Maraming salamat sa alok mo,” muling tugon ni Mercy.

Napailing na lamang si Arlene sa pagtanggi ni Mercy. Nang tingnan niya ang profile nito sa social media ay nakita niyang napakasimple lamang pala ng pamumuhay nito. Maliit lamang ang kanilang bahay ay wala itong mga sasakyan. Sa pampublikong paaralan lang din nag-aaral ang mga anak nito.

Pag-uwi ni Arlene galing sa reunion ay nagulat siya nang makitang gising pa rin ang kaniyang anak na si Clarisse at matiyagang naghihintay sa kaniya.

“Bakit hindi ka pa natutulog at anong oras na?” tanong ni Arlene sa anak.

“Hinihintay ko po kayo para makapaglaro na po tayo. Kasi alam ko bukas ay abala na naman po kayo,” sambit ng anak.

“Inaantok na ako, anak. Bukas na lang tayo maglaro. Gusto ko munang magpahinga dahil ang dami kong ginawa. Bukas ay hindi lamang ako makikipaglaro sa iyo kung hindi bibilhan kita ng bagong laruan,” pahayag muli ng ginang.

Ngunit nagpumilit si Clarisse. Nais niya talagang makipaglaro ng Barbie doll sa kaniyang ina.

“Clarisse, ano ba? Hindi ka ba nakakaintindi! Palagi ka na lang nangungulit, sinabi nang pagod nga ako! Kung hindi ako magtatrabaho ay wala kang pambili ng magagarang laruan. Hindi mo malalasap ang magandang buhay na mayroon ka ngayon! Kaya pwede ba, tantanan mo na lang muna ako!” sigaw ng ina.

“Kung hindi ka po abala ay pagod ka! Lagi ka na lang pong ganiyan! Sana ay nagkaroon na lang ako ng mommy na hindi nagtatrabaho!” pagtatampo ng anak.

Sobrang galit ang naramdaman ni Arlene sa sinabing ito ni Clarisse. Halos masampal niya ang bata sa gigil niya. Ngunit imbis na saktan ay nakaisip siya ng ibang paraan.

“Sa tingin mo ay mas magiging masaya ka sa magulang na walang trabaho? Tingnan natin ang buhay mo kung hindi mo makain ang gusto mong kainin at hindi mo malaro ang mga laruang gusto mo!” sambit pa ng ginang.

Kinabuksan ay tinawagan ni Arlene si Mercy upang ipakisuyo ang kaniyang anak.

“Tatlong araw lang, Mercy. May kailangan lang talaga akong asikasuhing trabaho at walang magbabantay kay Clarisse. Pasensiya ka na at ikaw pa talaga ang naisip ko, a,” wika ni Arlene.

Malugod namang pinaunlakan ni Mercy ang pakisuyong ito ng dating kaklase.

Ang hindi alam ni Mercy ay ginawa ito ni Arlene upang pasakitan ang kaniyang anak. Kung makakatira kasi ito sa isang bahay na walang internet, wala siyang sariling selpon, walang magagarang laruan at mga pagkaing hilig niya ay maiintindihan ng bata ang labis niyang pagtatrabaho. Ito ay upang ibigay kay Clarisse ang kaniyang mga pangangailangan.

Inihatid na ni Arlene si Clarisse sa bahay ni Mercy. Sa una ay nahihiya pa ang bata at ayaw magpaiwan sa kaniyang ina ngunit unti-unti na itong nakipaglaro sa dalawang anak ni Mercy.

Nakita ni Arlene ang mga laruan ng mga anak ni Mercy. Malaki ang pagkakaiba nito sa mga laruan ng kaniyang anak. Mumurahin at ang iba ay sira na. Nang makita naman niya ang ulam ng pamilya na isda ay sigurado na siyang hindi ito kakainin ng kaniyang anak. Alam niyang hindi makakatagal doon si Clarisse.

Agad na umalis si Arlene.

“Sigurado akong mamaya lamang ay magpapasundo na sa akin itong si Clarisse at maiintindihan na niya ako,” saad ng ginang sa kaniyang sarili.

Ngunit ilang araw na ay hindi pa rin tumatawag ang kaniyang anak upang magpasundo. Kaya naman sinadya na niya ito muli sa bahay ni Mercy.

Doon ay nakita niya ung gaano kasaya ang kaniyang anak. Ni hindi pa niya ito nakita na tumawa nang ganoon. Nang makita siya ni Clarisse ay agad itong lumapit sa kaniya.

“Ma, alam ko na po ang nais niyong matutunan ko. Napagtanto ko po na wala sa pera, sa laruan o sa ano pa mang materyal nabagay ang sukatan ng kaligayahan. Masaya po ako dito kila Aling Mercy dahil sa unang pagkakataon ay naramdaman ko po kung paano maging isang anak at paano mag-alaga ang isang tunay na ina. Maraming salamat po, mama,” masayang saad ng bata.

Nagulat si Arlene sa sinabing ito ng kaniyang anak. Imbis na malungkot ito at mahirapan sa kaniyang kalagayan sa bahay ng dating kaklase ay masaya pa ito at ayaw nang umalis.

Ilang sandali pa ay kinausap na ni Mercy si Arlene.

“Ito ang dahilan kung bakit ayaw kong magtrabaho at gusto ko lamang na manatili sa bahay upang alagaan ang aking mga anak. Minsan lang naman sila magiging bata. Bukas o makalawa ay hindi na tayo kakailanganin ng mga iyan. Kaya habang bata sila’y gabayan natin sila. Bigyan natin sila ng magagandang alaala na mababaon nila sa kanilang pagtanda,” paliwanag ni Mercy.

Sa puntong iyon ay napagtanto ni Arlene na sa kabila ng tagumpay at yaman na kaniyang tinatamasa ay mas mayaman pa rin si Mercy sa kaniya dahil mas mahal siya ng mga anak nito.

Mula noon ay hindi na nagpakasubsob si Arlene sa trabaho at palagi na niyang pinaglalaanan ng panahon ang kaniyang anak. Mas naging maganda ang kanilang pagsasama.

Labis na nagpapasalamat si Arlene kay Mercy dahil natutunan niyang pahalagahan ang kaniyang anak.

Advertisement