Pilit na Ipinatatanggal ng Kasintahan ang Kuwintas ng Kaniyang Nobyo dahil Jologs daw Ito; Hindi Nila Akalain ang Swerteng Hatid Nito
“Lola, nagtataka po ako bakit po hindi ko pa nakitang hinubad niyo ang kwintas na iyan. Hindi po ba kayo naiilang na palagi niyong suot ang mabigat na kwintas na ‘yan?” tanong ni Saldy sa kaniyang Lola Karing habang nakatingin siya sa kwintas nito na may palawit na krus.
“Naku, nasanay na ako, apo. Ipinamana pa sa akin ito ng lolo ko noon. Ang sabi niya’y isuot ko lagi ito upang makaiwas ako sa peligro at anumang kasamaan o karamdaman,” tugon naman ng lola.
“Naniniwala po ba kayo na ginagabayan kayo ng kwintas na iyan?” tanong muli ng apo.
“Sa tingin ko naman, apo. Tingnan mo at inabot ako ng siyamnapu’t isang taong gulang at malakas-lakas pa rin ako. Wala namang masama kung maniniwala ako. Saka isa pa, mahal na mahal ko ang lolo ko kasi. Mahirap lang kami at ito lang ang naipamana niya sa akin. Kapag ako’y namaalam na sa mundo’y iiwan ko rin sa iyo ang kuwintas na ito. Ipangako mo sa akin na lagi mo itong susuotin,” pahayag pa ng matanda.
Malapit si Saldy sa lola niya sa tuhod na si Aling Karing. Matanda na ito ngunit hindi mo mabanaad sa kaniyang itsura ang kaniyang edad.
Parehas kasing OFW ang mga magulang ni Saldy. Maaga namang yumao ang mga magulang ng kaniyang ina na anak naman ni Lola Karing kaya naiwan sa kaniyang pangangalaga itong si Saldy.
Bata pa lamang ay lagi nang napapansin ni Saldy ang suot na kwintas ng kaniyang lola. Sa kahit anong okasyon kasi, sa paliligo o pagtulog ay hindi hinuhubad ng matanda ang kaniyang kwintas. Ang sabi niya’y agimat niya raw ito.
Lumipas ang panahon at dahil sa katandaan ay mapayapang pumanaw sa kaniyang pagkakatulog itong si Aling Karing. Labis ang lungkot na naramdaman ni Saldy sapagkat nais pa sana niyang makasama nang matagal ang pinakamamahal na lola.
Sa pagyao ng matanda ay tinupad ni Saldy ang kaniyang pangako na iingatan at isusuot niya ang naiwang kwintas ng kaniyang lola.
Naiilang man ay nakasanayan na rin niya ito hanggang siya ay magbinata.
Hindi nagtagal ay nagkaroon ng nobya itong si Saldy. Ang maganda at kaakit-akit na si Mira. Matagal niligawan ni Saldy ang dalaga hanggang sa mapasagot niya ito.
Ngunit minsan ay labis na naiilang si Mira sa kwintas na suot ng binata.
“Alam mo sa totoo lang ay ayos ka sana. Kaso, minsan nahihiya talaga akong kasama ka dahil sa kwintas mo. Pwede bang iba na lang ang suotin mo? Parang ang jologs kasing tingnan,” saad ni Mira sa kasintahan.
“Pasensiya ka na kung iyan ang tingin mo. Ngunit hindi ko kasi pwedeng tanggalin ito. Nangako ako sa lola ko na iingatan at lagi kong isusuot ang kwintas na ito dahil pamana pa sa kaniya ito ng kaniyang lolo,” paliwanag ng binata.
“At saka isa pa, ang sabi ng lola ko ay gagabayan daw ako ng kwintas na ito at iiiwas ako sa ano mang kasamaan, karamdaman o aksidente. Wala namang masama kung maniniwala ako,” dagdag pa ni Saldy.
“Moderno na ang panahon ngayon, Saldy. Hindi na tayo katulad ng mga sinaunang lolo at lola natin. Hindi ka na dapat nagpapapaniwala pa sa ganiyang mga bagay. Kung bibigyan ba kita ng kwintas ay hindi mo pa rin huhubarin ang kwintas na ‘yan?” wika pa ng kasintahan.
“Pasensiya ka na ngunit mananatili ito sa aking leeg hanggang kaya ko itong suotin,” sambit pa ni Saldy.
Labis na naiinis si Mira sa tugon sa kaniya ng kasintahan. Umisip ang dalaga ng ibang paraan upang tanggalin ng binata ang kaniyang kwintas. Nariyang bilhan niya ito ng ibang kwintas o palamuti ngunit hindi talaga ito hinuhubad ng binata.
Hanggang isang araw ay kailangan nilang pumunta sa isang sosyal na party.
“Hindi bagay ang kwintas na iyan sa’yo, Saldy! Hubarin mo na ‘yan o hindi ako lalakad kasama ka,” saad pa ng ginoo.
“Itatago ko na lang sa loob ng damit ko, mahal. Alam mo namang hindi ko kayang hubarin ang kwintas ko,” dagdag pa ng binata.
“Bahala ka nga sa buhay mo. Mamaya ay lilitaw na naman iyan at talagang nakakahiya! Isuot mo na lang kasi iyan kapag nasa bahay ka. Pero kapag kasama mo ako’y ano ba namang hubarin mo sandali. Mag-isa ka na nga riyan at hindi tayo magkasama! Baka mamaya ay pagtawanan pa ako,” sambit ni Mira sabay alis.
Sa pagkakataong iyon ay nais na sanang hubarin ni Saldy ang kaniyang kwintas upang pagbigyan ang kaniyang kasintahan. Ngunit naalala niya ang pangako niya sa kaniyang Lola Karing. Hindi man bagay sa kaniyang kasuotan ay isinuot pa rin niya ang kwintas.
Kalaliman na ng gabi at patuloy ang pagsasaya ng lahat ngunit hindi pa rin magawang pansinin ni Mira ang kaniyang kasintahan. Naiinis pa rin siya dahil hindi siya pinagbigyan ni Saldy sa kaniyang hiling.
Hanggang sa ilang sandali ay bigla na lamang nagkagulo. Mayroon daw isang hindi kilalang lalaki ang may nakaalitan sa naturang party at may dala itong baril. Lasing na lasing ito at nanlilisik ang mga mata. Desidido itong kumit!l ng buhay ng mga sandaling iyon.
Nagkakagulo na ang lahat. Hinahanap ni Saldy ang kaniyang kasintahan at nakita niyang papalapit na ang nag-aamok na lalaki. Nang makita niyang akmang babarilin nito ang kaniyang kasintahan ay agad siyang humarang para saluhin ang bala.
Sa pagputok ng baril ay natauhan din ang galit na galit na lalaki at napagtanto niya ang kaniyang ginawa. Nagsidatingan naman ang mga pulis upang arestuhin agad ang naturang lalaki.
Habang si Saldy ay nakahandusay sa sahig.
“Mahal ko, huwag mo akong iwan. Patawarin mo ako!” sambit ni Mira habang yakap ang kasintahan.
Nagulat na lamang siya nang biglang sumagot si Saldy.
Nang tingnan nila ang katawan nito ay walang nangyaring anuman sa kaniya.
“Pero kitang-kita ko na binaril ka ng lalaking iyon!” sambit muli ng nobya.
“Ako rin. Ang akala ko ay masasawi na ako sa gabing ito,” tugon naman ng binata.
Ngunit nang tingnan niya ang kaniyang dibdib ay labis ang kaniyang pagkamangha. Sinalag ng kaniyang kwintas ang balang dapat sana ay bumaon sa kaniyang puso.
“Tunay ngang iingatan at ilalayo ako sa kapahamakan ng kwintas ng lola ko. Mabuti na lamang ay hindi ko ito hinubad sa gabing ito,” sambit ni Saldy.
Nanlaki naman ang mga mata ni Mira sa nangyari. Ngayon ay naniniwala na siya sa sinasabi ng kasintahan.
“Patawarin mo ako kung hindi ko nirerespeto ang mga paniniwala mo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa lahat ng nangyari. Mabuti na lamang at suot mo ang kwintas mo kung hindi ay wala ka na sana sa piling ko ngayon. Patawarin mo ako, mahal,” hindi na napigilan pa ni Mira ang maluha.
Labis naman ang pasasalamat ni Saldy sa kwintas ng kaniyang lola. Tila isang himala ang nangyari sa kaniyang ito. Hindi niya akalain na ang kwintas na ito ang magsasalba sa kaniyang buhay.
Lalong tumibay ang paniniwala ni Saldy sa pamanang kuwintas sa kaniya ng kaniyang lola. Mula noon ay hindi na niya ito inalis sa pagkakasuot sa kaniyang leeg. Hindi lamang kasi ito basta kuwintas para kay Saldy. Kalakip kasi nito ang lahat ng pagmamahal at alaala ng kaniyang yumaong Lola Karing.