Inday TrendingInday Trending
Nuknukan nang Damot ang Ginang; Sa Oras ng Kagipitan, Mayroon Kaya Siyang Makapitan?

Nuknukan nang Damot ang Ginang; Sa Oras ng Kagipitan, Mayroon Kaya Siyang Makapitan?

“Mang Ronnie, maayos na ho ang takip ng mga kotse, at mukhang wala nang magiging problema rito sa bahay. Pwede na kayong umuwi ng anak mo,” taboy niya sa katiwala.

Nagsisimula na kasing kumulog at kumidlat habang may panaka-naka nang pag-ulan. Madilim na madilim na ang kalangitan, na nagbabadya ng malakas na ulan.

“Ma’am Wilma, baka ho pwede dito na lang muna kami ni Dino? Baka ho kasi maabutan kami ng bagyo,” pakiusap ng matanda.

Matigas na umiling siya. Kung sakali kasing magtatagal ang bagyo ay kakailanganin niya pang pakainin ang mag-ama.

“Ay, hindi ho pwede. Kumuha na lang kayo ng payong ni Dino riyan, at bilisan niyo na lang ang lakad nang hindi kayo abutan ng bagyo,” malamig na payo niya sa matanda.

Lulugo-lugong nilisan ng mag-ama ang malaki nilang bahay.

“Ano bang palagay nila sa pamamahay ko? Hotel?” talak pa niya habang tinatanaw ang mag-ama mula sa bintana.

Mabuti na lamang at wala silang magiging problema kahit pa tumagal ang bagyo. Mayroon silang mataas na bahay. Nakahanda na rin ang sangkatutak na pagkain, inumin, at gamot kung sakali mang kailanganin nila.

Ipinakandado niya na sa kasamahan ang kanilang malaking gate nang walang matangkang lumapit sa kanila at mang-abala sa gitna ng bagyo.

Kilala niya kasi ang mga kabaranggay. Karamihan sa mga ito ay mahihirap. Ayaw niya naman na sa kaniya umasa ang mga ito.

Napaismid siya nang makita ang bahay na katapat. Ang bahay ng mga Salazar.

Higit na matayog kumpara sa bahay nila ang bahay sa tapat. Kung mayroon silang mansiyon na tatlong palapag, ang bahay ng mga Salazar ay may anim na palapag.

Narinig niya ang malakas na boses ng lalaking Salazar mula sa isang megaphone.

“Mga kabaranggay! Kung kailangan niyo ng tulong sa gitna ng bagyo, ‘wag kayong mag-aatubili na lumapit sa amin!” wika nito.

Napaismid na lang si Wilma bago inabala ang sarili sa panonood ng telebisyon kasama ang asawa at dalawang anak.

Ilang sandali pa ay bumuhos na ang malakas na ulan. Kampante silang nanonood habang panaka-nakang sumusubo ng popcorn na ipinaluto nila sa kasambahay na si Ellen.

Matapos ang mahigit isang oras na malakas na pag-ulan ay humahangos na sumungaw sa sala si Ellen.

“Ma’am Wilma, nagsisimula na pong pasukin ng tubig ang first floor!” nanlalaki ang matang sigaw nito.

Nang bumaba ang tingin niya sa marmol na sahig ng kanilang bahay ay nakita niya nga ang tubig na may putik na umabot na sa ilalim ng mamahalin nilang sofa.

“Madali ka, Ellen! Iakyat natin ang mga gamit sa second floor!” utos niya rito.

Pinagtulungan nilang buhatin ang TV, refrigerator, mga sofa, at lahat ng gamit na kaya pa nilang isalba. Mabilis na umakyat ang tubig. Ilang oras lamang ang lumipas ay lubog na ang unang palapag ng kanilang bahay.

Akala niya ay doon na matatapos ang pagtaas ng baha ngunit muli silang naalarma sa mabilis na pagtaas ng tubig.

Ilang minuto lamang ang lumipas ay kalahati na ng ikalawang palapag ang lubog sa baha. Nang silipin niya ang bahay sa tapat ay hindi na siya nagulat nang napakarami sa kanilang kapitbahay ang nakipisan doon.

Kasalukuyan nilang inaakyat ang mga gamit sa ikatlong palapag ng bahay nang tumunog ang telepono.

“Hello, Wilma? Si Roderick ito. Kumusta ang sitwasyon diyan sa inyo?”

Napaismid siya nang marinig ang boses ng lalaking Salazar.

“Maayos naman kami. Anong atin at napatawag ka?” matabang na tanong niya sa lalaki.

“Wilma, napakarami kasi namin dito sa bahay. Baka kulangin kami sa supply ng pagkain. Maaari mo ba kaming bahaginan?” pakiusap ng lalaki.

“Marami kaming pagkain, pero para ‘yun sa pamilya ko. Hindi sa kung sino-sinong poncio pilato,” bulalas niya bago ibinaba ang telepono.

Muling tumunog iyon nang paulit ulit ngunit hindi na niya sinagot pang muli ang tawag.

Patuloy na bumuhos ang malakas na ulan.

At unti unting bumangon ang takot sa puso ni Wilma nang magsimula nang pasukin ng tubig ang pinakataas na bahagi ng kanilang bahay.

Ang karamihan sa mga pagkaing itinabi nila ay unti-unti na ring nilamon ng baha.

Ilang sandali lamang ay paniguradong mawawalan na sila ng kuryente.

Saan pupulutin ang pamilya nila?

“Pumunta na kaya tayo sa bahay ng mga Salazar?” suhestiyon ng asawa niyang si Rommel. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala. Alam kasi nitong pawang hindi marunong lumangoy ang mga anak nila.

Hindi siya makasagot. Hindi kasi niya masabi sa asawa kung paano niya tahasang tinanggihan ang paghingi ng tulong ng lalaking Salazar.

Muling tumunog ang telepono. Agad niyang sinagot iyon.

“Wilma? Pumunta na kayo rito ngayon din, patuloy pang tataas ang tubig,” bungad nito.

Nanginginig siya nang magsalita.

“H-hindi marunong lumangoy ang mga anak ko. Hindi ko alam–”

Tuluyang binalot ng takot ang puso niya nang maputol ang tawag at binalot ng dilim ang kabahayan nila.

Tuluyan nang nawalan ng kuryente, ay hanggang baywang na ang tubig. Ilang sandali na lang ay paniguradong malulunod silang buong pamilya.

“Mama! Anong gagawin natin?” umiiyak na tanong ng bunso niyang anak. Nanginginig ang tinig nito dahil sa lamig at takot.

Unti unti nang nawawalan ng pag-asa ang mag-anak ngunit napapitlag sila nang marinig nila ang malalakas na katok mula sa bintana.

Nang masinagan ng ilaw ng flashlight ang mga tao sa labas ay nakahinga si Wilma nang maluwag nang makita sina Mang Ronnie at ang anak nitong si Dino na pawang may dalang mga gulong na ginawang salbabida.

Ginamit ng mga anak niya ang mga salbabida habang nilangoy nila ang distansiya patungo sa bahay ng mga Salazar.

Doon ay sinalubong sila ng mga nag-aalalang kabaranggay na may nakahandang tuwalya at mainit na tsokolate.

Hiyang hiya si Wilma sa mga kabaranggay. Ang mga tao kasing pinagkaitan niya ng tulong at malasakit ang sila pang nagligtas sa kanila sa oras ng kagipitan.

“Pasensiya na, Mang Ronnie, Dino, Roderick, at mga kabaranggay na minsan ko nang pinagkaitan ng tulong. At maraming salamat sa pagtulong niyo sa pamilya namin,” yukong yukong wika niya sa mga katiwala.

“Naku, Ma’am, wala ho ‘yun. Hindi rin naman namin maatim na hindi kayo tulungan, lalo na ang mga bata,” nakangiting sagot ng matanda.

“Sino pa bang magtutulungan kundi tayong magkaka-baranggay rin, hindi ba?” ani Roderick.

Tumatak ang pangyayaring iyon sa isip ni Wilma. Natapos ang bagyo at humupa ang baha ngunit nakaukit sa isip niya ang mga naging pagkukulang niya sa mga kabaranggay.

Kaya naman simula noon ay kailanman ay hindi na naging sarado ang kanilang bahay sa sinumang nangangailangan ng tulong.

Alam niya kasi na sa oras siya naman ang magipit ay mayroon siyang mga matatakbuhan at walang pag-aatubili siyang tutulungan ng mga kabaranggay. Dahil kailanman ay walang kabutihang ibinibigay ang nasasayang.

Advertisement