Isang Bata ang Binahagian Niya ng Piraso ng Tinapay; Hindi Niya Inaasahan ang Natuklasan Tungkol sa Pagkatao Nito

“‘Te, pabili nga po ng isang monay,” wika ni Thelma sa tindera sa panaderya bago iniabot dito ang kahuli-hulihang limang piso sa bulsa niya.

“Sa malayo mo na kainin ‘yan ha, ‘wag na sa harap ng tindahan ko,” mataray na paalala nito nang iabot nito sa kaniya ang isang pirasong tinapay.

Nasaktan man sa sinabi ng babae ay hindi na siya nagsalita at nagmamadali na lang na naglakad siya palayo sa masungit na tindera.

Sino nga naman ba kasi ang gugustuhin ang isang batang kalye na kagaya niya? Bagaman hindi siya marumi at mabaho ay lumang-luma na ang suot niya kaya naman talaga nilalayuan talaga siya ng tao kadalasan.

Tirik na tirik ang araw kaya naman nang mamataan na ang mabait na security guard ang nakita niyang nakabantay sa pinto ng mall ay hindi siya nag-atubiling pumasok. Magpapalamig muna siya.

Nang mamataan ang isang bakanteng upuan any dali-dali siyang umupo doon upang magpahinga.

Nang kumalam ang kaniyang sikmura ay naalala niya ang biniling monay.

Kakagat na sana siya sa tinapay nang mapansin niya ang batang katabi. Sa tantiya niya ay nasa walong taong gulang ang bata.

Advertisement

Sa ilalim ng suot nitong pink na jumper ay isang puting T-shirt na naka-imprenta ang isang sikat na superhero. Cute na cute rin ang estilo ng buhok nito na sa tingin niya ay usong uso sa mga kabataan ngayon.

Nakatingin ito sa tinapay na tila takam na takam.

“Gusto mo?” nakangiting alok niya.

Sunod sunod na tango ang isinagot nito sa kaniya.

Walang pag-aatubiling hinati niya ang tinapay at ibinigay ang isang piraso sa bata.

Natutuwang minasdan niya ito habang magana itong kumakain.

Sa totoo lang ay mahilig siya sa mga bata. Ang matatanda kasi, madalas siyang husgahan, Madalas siyang lait laitin, at kung minsan ay hayagan siyang pinandidirihan.

Ngunit iba ang mga bata. Walang alam ang mga ito sa kasamaan ng mundo, kaya naman gustong gusto niyang nakakasalamuha ang mga ito. Tila gumagaan ang mga bagahe sa kaniyang balikat at kahit papano ay nakakalimutan niya ang mga problema.

Advertisement

“Anong pangalan mo?” nakangiting tanong niya sa bata.

“Casey po,” sagot nito.

“Nasaan ang nanay mo? Nawawala ka ba?” usisa niya sa bata.

Umiling ang bata bago itinuro ang isang sikat na bilihan ng damit na kasalukuyang dinudumog ng mga tao. 

“Bakit iniwan ka rito?” takang tanong niya sa bata.

Sa unang pagkakataon ay narinig niyang nagsalita ito.

“Madami raw pong tao. Baka maipit ako,” sagot nito.

Tumango siya.

Advertisement

“Hindi ka ba natatakot na baka may kumuha sa’yo habang wala ang nanay mo?” muli ay usisa niya sa bata.

Umiling lamang ang bata bago ipinagpatuloy ang pagkain ng tinapay.

Maya-maya ay narinig niya ang bulungan ng magkasintahan na nakapwesto sa upuan na hindi kalayuan sa kaniya.

“Dun na nga tayo babe, parang may kakaiba dun babae,” bulong ng babae habang nakatingin sa kaniya.

“Oo nga babe, nakakatakot. Nagsasalita mag-isa,” sagot naman ng lalaki.

Nagtatakang nilingon niya ang batang si Casey subalit wala na ito sa kinauupuan nito.

Kahit anong hanap ang gawin niya ay hindi niya na ito makita. Ipinagkibit balikat niya na lang iyon, inisip niya na marahil ay dumating ang ina nito nang hindi niya namamalayan.

Dahil komportable sa kaniyang kinauupuan ay nagpasya siyang manatili pang nakaupo doon. Maya maya ay dumating ang isang babae. May hawak itong isang palumpon ng puting rosas.

Advertisement

Tahimik itong umupo bago inilapag ang bulaklak sa upuan.

Hindi niya na sana nais pa pansinin ang babae subalit maya maya ay narinig niya ang mahinang paghikbi nito, kasabay ng pagsambit ng isang pamilyar na pangalan.

“Casey, anak, miss na miss na kita,” anas nito.

“Casey, sorry, hindi ka naalagaan ni Mommy,” muli ay bulong nito.

Hindi maiwasan ni Thelma na usisain ang babae. Nawawala ba ang batang si Casey na kanina lamang ay kausap niya?

“Ah, ate, si Casey po ba ang hinahanap niyo? Kasi kanina lang po ay nandito siya at nakaupo. Hinihintay niya po kayo,” alanganing tanong niya sa babae.

Mulagat na nakatingin sa kaniya ang babae. Nanlalaki ang mga mata nitong mugtong-mugto mula sa pag-iyak.

Hindi nagsalita ang babae kaya naman inilarawan niya pa ang bata, ang buhok nito, at maging ang suot nitong damit.

Advertisement

Ngunit sa kaniyang pagkagulat ay mas lalo lamang napabunghalit ng iyak ang babae, bagay na ipinagtaka niya.

“Hala, bakit po?” natatarantang usisa niya.

“W-wala na ang a-anak ko…” garalgal na sagot nito.

Nanlaki ang mata ni Thelma sa narinig. Nais man niyang kontrahin ang sinabi ng babae, hindi niya magawa dahil kita niya sa mukha ng babae ang pagdadalamhati.

Nang yumuko siya ay nakita niya sa paanan niya ang piraso ng tinapay na kanina lang kinakain ng batang nakilala niya.

Ibig sabihin ay multo ang nakausap niya kanina?

Kinikilabutan man sa natuklasan ay nanaig ang awa niya sa babaeng katabi. Kawawa naman ito. Kay bata batang kinuha rito ang anak.

Nang kumalma ang babae ang nagsimula itong magkwento.

Advertisement

Hindi naman daw sana nito isasama ang anak sa bilihan ng tindahan kung saan siksikan ang tao subalit mapilit ang anak at ayaw nitong magpaiwan sa labas.

Sa gitna ng siksikan ay bigla na lamang itong nagkikisay. Nang ilabas nito ang anak at iupo sa upuang kinauupuan nila ay huli na ang lahat ang binawian na ito ng buhay.

Patuloy ang pagluha ng babae kahit pa tapos na itong magkwento. Si Thelma naman ay nanatili sa tabi ito upang makiramay.

“Grabe, hindi ko inakala na wala na pala si Casey, kanina lang ay magana siyang kumakain ng tinapay sa tabi ko,” malungkot na anas niya.

“Salamat, salamat sa pagsama sa anak ko. Kahit papaano ay nabawasan ang lungkot niya,” lumuluhang wika ng ina nito.

“Ipagdasal na lang po natin ang kaluluwa ni Casey, nawa ay matahimik na siya,” tugon niya. 

Ilang sandali pa silang nanatiling nakaupo bago tumayo ang babae at hinila siya palayo sa lugar na iyon.

Binilhan siya nito ng mga damit, pagkain, at kung ano-ano pa. Pasasalamat daw nito sa pagsama niya sa anak nito.

Advertisement

Hindi magkandaugaga si Thelma sa dami ng ibinigay ng babae sa kaniya.

“Maraming salamat po. Isasama ko po sa mga dasal ko si Casey,” wika niya sa babae bago sila maghiwalay.

Hindi pa siya gaanong nakakalayo nang marinig niya ang pagtawag nito.

“Thelma!”

Takang nilingon niya ang babae.

“Bakit po?”

“Gusto mo ba na tumira kasama ko? Para naman hindi ka na tumira sa tabi ng tren,” nakangiting alok nito.

“Talaga po? Gusto ko po!” agad na tugon niya.

Advertisement

Nanirahan siya kasama ang nanay ni Casey na ngayon ay tinatawag niya nang “Ate Norma.”

Napakalaki ng ipinagbago ng buhay niya. Bukod kasi sa pinatira siya nito ay binihisan at pinag-aral din siya nito. Itinuring siya nitong tunay na kapamilya.

Naniniwala sila na pinagtagpo sila ni Casey upang hindi sila mamuhay sa pag-iisa at kalungkutan.

Madalas pa rin nitong nami-miss ang anak na si Casey ngunit unti-unting natanggap nito ang pagkawala ng mahal na anak.

Dahil natutunan nila na sa bawat umaalis, paniguradong mayroong darating.