Inday TrendingInday Trending
Pilit na Pinapalayas ng Ginoo ang Matandang Taga-Bantay ng Kanilang Lupa Dahil Nabenta na Ito; Napaluha na Lamang ang Matanda nang Makita Kung Sino ang Bumili Nito

Pilit na Pinapalayas ng Ginoo ang Matandang Taga-Bantay ng Kanilang Lupa Dahil Nabenta na Ito; Napaluha na Lamang ang Matanda nang Makita Kung Sino ang Bumili Nito

Kinatandaan na ni Miroy ang pagbabantay sa lupa ng Pamilya Esteves. Nag-iisang anak siya kaya nang yumao ang kaniyang mga magulang ay minana na rin niya ang trabahong ito. Sa isang maliit na kubo siya naninirahan at nagkaroon na ng pamilya.

Mabait naman ang pakikitungo sa kaniya ng Pamilya Esteves lalo na ang tunay na may-ari ng lupa, ang matandang si Editha. Pamilya na ang turing sa kaniya. Sa labis nga na tuwa nito kay Miroy ay nangako ito na bibigyan siya ng parte ng lupang kaniyang binabantayan.

“Basta ako ang bahala sa iyo, Miroy! Hinding-hindi ka mawawalan ng parte dito dahil malaki ang utang na loob ko sa mga magulang mo na mula’t sapul ay nagbantay sa lupang ito,” sambit ng matanda.

“Maraming salamat po, madam. Malaking bagay po ito lalo na’t hindi ko talaga alam kung saan ako pupulutin at ang pamilya ko kapag umalis na kami rito,” sambit naman ni Miroy.

“Walang anuman. Karapat-dapat ka sa lupang iyan,” tugon pa ni Editha.

Ngunit nang magkasakit ang matanda ay hindi na ito nakakadalaw pa sa kaniyang lupain. Minsan ay ang anak nitong si Fernan ang pumupunta doon at hindi tulad ng kaniyang ina, hindi maganda ang trato nito kay Miroy.

“Ginagawa niyong basurahan itong lupa namin. Kayo na nga ang nakikitira at sinasahuran naman kayo, ayusin niyo naman!” sambit nito kay Miroy.

“Pasensiya na po. Hayaan niyo at aalisin ko ang tambak ng mga kahoy diyan,” pagpapakumbaba naman ni Miroy.

“Kung akala mo ay tulad ako ng mommy ko na mabibilog mo ang ulo ay nagkakamali ka! Ayusin mo ang trabaho mo kung hindi ay palalayasin kita diyan sa tinitirahan mo!” muling bulyaw ni Miroy.

Agad namang sumunod si Miroy upang hindi na sila magkaroon pa ng hidwaan. Nahihiya rin naman siya sa pamilya nito lalo na sa ina nitong si Editha.

Isang araw, habang pauwi si Miroy mula sa pagkuha ng panggatong ay nakita niya ang isang binata na sugatan at halos wala nang malay.

Agad niyang binitawan ang kaniyang mga dala at dali-daling kinarga ang binata patungo sa kaniyang kubo. Nilinis niya ang mga sugat nito at saka niya pinakain.

Nang ayos na ang katayuan ng binata ay agad niya itong tinanong.

“A-ano ba ang ginagawa mo sa lugar na iyon? Bakit ganiyan ang hitsura mo? May nakaaway ka ba? Taga-saan ka ba, boy? Ano ang pangalan mo?” sunud-sunod na tanong ni Miroy.

“May mga lalaki po kasing dumukot sa akin. Hindi ko na alam kung ano ang sumunod basta ang alam ko ay ginawa ko ang lahat para makatakas sa kanila. Maraming salamat po at tinulungan niyo ako. Marahil ay wala na po ako ngayon kung hindi niyo ako nakita,” tugon ng binata.

“Ako nga po pala si Steven,” pagpapakilala nito.

“Saan ka ba nakatira? Alam ba ng mga magulang mo ang nangyari sa iyo? Gusto mo ay tawagan natin sila o hindi naman ay magreport tayo sa pulis,” wika pa ni Miroy.

“Huwag na po, tatang. Matagal na pong walang pakialam sa akin ang mga magulang ko. Kung maaari lang po sana’y dito muna ako sa inyo. Wala na po kasi akong mapupuntahan,” pakiusap ng binata.

Hindi nagdalawang-isip si Miroy na kupkupin ang binata. Hindi man niya ito lubusang kilala ay ramdam niyang tunay na nangangailangan ito ng tulong.

Ilang buwan ding nanatili sa kanilang kubo itong si Steven. Siya ang nagpapakain dito at tumutulong-tulong naman ang binata sa mga gawain. Tinuring na ni Miroy na parang isang anak itong si Steven.

Isang araw ay muling dumalaw si Fernan sa lupa. Nang makita niya ang binata ay agad niyang sinita si Miroy.

“Tanda! Ang kapal din naman ng mukha mo, ano? Hindi pa sapat na lahat na kayo ng pamilya mo ay nakatira dito sa lupa namin, nagpatira ka pa? Anong tingin mo sa ari-arian namin, ampunan? Palayasin mo iyan kung hindi ay kayo ang lalayas dito!” sambuit ni Fernan.

Kahit anong hingi ng tawad at pakiusap ni Miroy ay hindi siya pinakinggan ni Fernan.

“May karapatan din naman ang sa lupang ito, Fernan. Pinangako sa akin ng nanay mo na babahagian niya ako,” sambit ng matanda.

“May titulo ba kayo? Binigyan ba kayo ng kasulatan? Wala naman hindi ba? Saka buhay pa ang nanay ko! Pamana kaagad ang gusto niyo?!” galit na sambit ni Fernan.

“Hindi ko na muling makikita dapat ang binatang iyan sa pagbabalik ko kung hindi ay alam mo na ang mangyayari!” bulyaw muli ng ginoo.

Nang makaalis si Fernan ay buong puso kinausap ni Steven ang matanda.

“Huwag na po kayong mag-alala, tatang. Ako na po ang aalis. Ayoko naman pong pati kayo ay madamay pa sa akin. Maraming maraming salamat po sa pagkupkop niyo sa akin,” saad ni Steven.

“Pasensiya ka na, Steven. Hindi ko kasi kayang ipaglaban sa kanila ang lupang ipinangako sa akin ng kanilang ina dahil wala akong pinanghahawakan. Kung ako lang ang masusunod ay dito ka na lang sa amin,” pahayag ni Miroy.

“Dalhin mo na ang mga damit na binili ko para sa iyo. Ito ang kaunting pera, anak. Tanggapin mo ito para kahit paano ay hindi ka magutom sa daan. Pasensiya ka na talaga,” dagdag pa ng ginoo.

Bago umalis si Steven ay may nais siyang itanong kay Mang Miroy.

“Bakit po ba kinupkop niyo ako? Ni hindi niyo naman ako lubusang kilala pero tinulungan niyo pa rin ako at tinuring na parang isang anak,” tanong ng binata.

“Tulad mo ay wala rin naman akong pupuntahan. Ni hindi ko alam kung saan ba talaga ang lugar ko dito sa mundo. Pero kahit ganoon ay hindi ako nawawalan ng pag-asa na isang araw ay matatagpuan ko rin ito. Nais ko kasing matagpuan mo rin ang sarili mo hindi man dito ay alam kong patungo ka na roon. Tandaan mo na walang mas hihigit pa sa pamilya,” saad pa ng matanda.

Muling nagpasalamat si Steven kay Miroy at tuluyan nang umalis.

Hindi naman nagtagal ay yumao na si Editha, ang matandang may-ari ng lupain ng mga Esteves. Nang tuluyan na itong namaalam ay kaniya-kaniya ang mga anak nito sa paghahati-hati ng naiwang lupain.

Unti-unti nila itong ibinenta. Dahilan upang kailangan nang lisanin ni Miroy at kaniyang pamilya ang kanilang tirahan.

“Naibenta na ang lupang ito! Siguro naman ay sapat na ang ilang dekada na pagtira niyo rito. Kailangan niyo nang umalis,” saad ni Fernan.

“Sana ay hayaan niyo muna kaming makahanap ng malilipatan. Hindi kami basta-basta makakaalis lamang dito. Isa pa, hindi sapat ang pera namin upang agad na magsimulang muli sa ibang lugar. Bigyan niyo pa kami ng palugit,” pagmamakaawa ng matanda.

“Problema niyo na iyan! Basta lumayas na kayo sa lupang ito dahil babakuran na ito ng bagong may-ari. Sa katunayan ay parating na siya ngayon!” sigaw muli ng ginoo.

Maya-maya ay may dumating na isang sasakyan. Alam ni Miroy na ito na ang bagong may-ari ng lupa kaya malungkot man ay kailangan na nilang ibalot ang kanilang mga gamit.

Papasok na sana ng kubo si Miroy nang biglang marinig niya ang isang pamilyar na tinig.

“Hindi na kailangan pang lisanin ni tatang ang lugar na ito,” saad ng binata.

Napalingon si Miroy at laking tuwa niya nang makitang muli ang binatang si Steven.

“Tatang, marami po akong natutunan sa pananatili ko sa inyo. Simula nang umalis po ako rito ay umuwi na po ako sa aking mga magulang. Humingi po ako sa kanila ng kapatawaran sa lahat ng maling nagawa ko at tama po kayo, walang hihigit pa sa pamilya.

Kaya bilang pasasalamat ay binili ko po ang lupang ito para ibigay sa inyo. Karapat-dapat po kayo sa kabutihang ito dahil busilak po ang inyong puso,” pahayag pa ng binata.

Hindi na maiwasan ni Miroy ang maluha dahil sa sinabing ito ni Steven. Napayakap na lamang siya sa binata sa labis na pasasalamat.

“Hindi mo alam kung gaano mo kami natulungan. Maraming maraming salamat, Steven. Sobra-sobra ang bagay na ito kung ikukumpara sa nagawa ko para sa iyo,” sambit ng matanda.

“Nagkakamali po kayo. Kulang pa po ito sa lahat ng naitulong niyo sa akin. Maraming maraming salamat, tatang. Ngayon po ay malaya na akong makakapunta dito at malaya ko na kayong makakasama,” nakangiting saad ni Steven.

Mula noon ay hindi na kailangan pang lisanin ni Miroy at ng kaniyang pamilya ang lupang tinitirikan ng kanilang kubo. Tinulungan din sila ni Steven na magkaroon ng kabuhayan. Maging ang anak ng ginoo ay tinulungan din niya.

Sa loob ng mahabang taon na naninirahan sila sa iisang kubo ay ngayon lamang sila nakaranas ng bahay na bato dahil ipinagawa rin ito ng binata.

Tunay nga na pinagpapala ang mga taong may busilak na kalooban at handang tumulong sa mga nangangailangan.

Advertisement