Inday TrendingInday Trending
Madalas Hinahamak ng Hambog na Kapitbahay ang Isang Ginoong Naglalako ng Pakpak ng Manok; Hindi Nito Inaasahan ang Pag-Asenso Nito sa Buhay

Madalas Hinahamak ng Hambog na Kapitbahay ang Isang Ginoong Naglalako ng Pakpak ng Manok; Hindi Nito Inaasahan ang Pag-Asenso Nito sa Buhay

Maaga pa lamang ay abala na si Mang Nato habang inaayos niya ang kaniyang panindang pakpak ng manok. Isinalansan niya ito sa kaniyang padyak upang lumibot sa kanilang lugar at magtinda.

Paalis na sana ang ginoo nang isang malakas na busina ang kaniyang narinig.

Nang tingnan niya ay dadaan pala ang kotse ng kaniyang kapitbahay na si Waldo. Hindi maintindihan ni Mang Nato kung ano ang ibinubusina ng lalaki.

“Anong tinat*nga-t*nga mo pa riyan? Itabi mo ang pedikab mo at nakahambalang sa daan!” bulyaw ng kapitbahay.

“Napakalaki naman ho ng daan at pwede kayong umabante. Hindi naman po tatamaan ang pedikab,” magalang tugon ng ginoo.

“Sumasagot ka pa! Basta itabi mo ang pedikab mo at nakakaistorbo! Kapag nagasgasan ang sasakyan ko ay wala ka namang pambayad! Luging-lugi ako kapag natamaan iyan!” sigaw pa ni Waldo.

Wala nang nagawa pa si Mang Nato at dali-dali niyang inusod ang kaniyang pedikab. Kahit na humingi siya ng paumanhin ay sinigawan pa rin siya ng mayabang na kapitbahay.

Nang marinig ng mga anak ni Mang Nato ang sigawan ay agad silang lumabas upang tignan ang ama.

“Ano po ang nangyari, ayos lang po ba kayo, ‘tay?” tanong ng panganay niyang anak.

“Ayos lang naman ako, anak. Ako na lang ang nagpakumbaba dahil alam kong hindi magpapatalo ‘yang si Waldo,” tugon ng ama.

“Napakayabang talaga niyang si Mang Waldo. Akala mo’y kung sino. Lalo pang yumabang nang makabili ng kotse. Dapat diyan ay hindi niyo itinabi ang pedikab nang makita niya ang hinahanap niya,” sambit na naiinis na anak.

“Pabayaan mo na at wala rin namang mangyayaring maganda kapag nakipagmatigasan pa ako. Lalaki lang ang gulo. O siya, aalis na ako para makarami ako ng benta,” wika pa ng ama.

Marami ang naiinis sa ugali ng kanilang kapitbahay na si Waldo. Kung makaasta kasi ito ay akala mo’y kaniya ang daan. Lagi niyang pinag-iinitan ang pedikab ni Mang Nato. Kapag nga nakikita nitong kahit nakaparada lamang ang pedikab nito ay labis niyang sinisita ang ginoo.

“Kung wala ka kasing garahe ay wala kang karapatan na magkaroon ng ganiyan. Kayo ang nang-aari ng daan dahil dito niyo iyan ipinaparada! Pahara-hara!” sambit ni Waldo.

“Kaunti lang naman ang nakausli, Waldo. Saka ikaw lang naman ang nagrereklamo na nakaharang ang pedikab ko. Pasensiya ka na at wala kaming garahe. Ito na nga lang ang tanging ikinabubuhay ng pamilya ko,” paliwanag ni Mang Nato.

“Basta dapat ay tanggalin mo na ang pedikab mo diyan. Hindi ko na nga alam kung paanong pag-iwas pa ang gagawin ko kapag dadaan ang kotse ko. Hindi mo kasi alam ang gagastusin kapag nagasgasan ‘yon! Ipapasagot ko talaga sa’yo ang lahat ng gagastusin at kapag hindi mo kaya ay ipakukulong kita dahil mali ang ginagawa mo!” sambit pa ni Waldo.

Walang patid sa paghingi ng tawad itong si Nato. Kahit na naiinis na rin siya ay wala naman siyang magawa dahil alam niyang may kakayahan talaga itong ireklamo siya dahil mapera nga. Kaya kawawa ang tulad niyang isang kahig at isang tuka.

Mula noon ay ginagawa ni Mang Nato ang lahat upang maitabi ang kaniyang pedikab. Lalo na kung daraan itong si Waldo sakay ng kaniyang kotse.

Isang araw ay naghahanda muli si Mang Nato ng kaniyang paninda. Nagmamadali na siya sapagkat alam niyang anumang oras ay maaari na naman siyang makita ng mayabang na kapitbahay. Aalis na sana siya nang heto na ang sasakyan ni Waldo.

Binusinahan siya nito ng malakas upang itabi ang pedikab nito. Mabilis ang paandar ni Waldo at akmang itatama niya talaga sa bisikleta ng ginoo. Kaya walang nagawa si Mang Nato kung hindi ang bumwelta. Ngunit nang pilit niyang itabi ang kaniyang pedikab ay hindi niya sinasadya na tumama sa isang kotse rin ng kapitbahay.

Nang tingnan ni Mang Nato ay nagkaroon ito ng kaunting gasgas mula sa kaniyang pagkakatama. Tumunog ang alarm ng sasakyan at lumabas ang may-ari na si Isko.

“Pasensiya ka na, Isko. Hindi ko sinasadya ang nangyari. Hayaan mo at sasagutin ko ang gastos ng pagpapagawa niyan,” nanlulumong sambit ni Mang Nato.

“Hindi na kailangan, Nato. Nakita ko ang lahat ng pangyayari. Ako na ang bahala sa sasakyan ko. Hayaan mo at may araw rin iyang si Waldo,” sambit pa ng kapitbahay.

Labis ang galak ni Mang Nato sa kaniyang narinig.

“Naku, maraming salamat, Isko. Kanina ko pa iniisip kung saan ako kukuha ng pera para sa pagpapaayos ng sasakyan mo. Hindi ko alam kung paanong magpapasalamat sa iyo,” sambit ni Mang Nato.

“Walang anuman. Nakita ko naman na hindi mo talaga kasalanan,” tugon pa ng ginoo.

“Hindi ko alam talaga paano ka pasasalamatan. Heto, tanggapin mo na lang ang ilang piraso ng tinitinda kong pakpak ng manok. Ako mismo ang nagtimpla at nagluto nito. Bigyan mo rin ang asawa at anak mo. Pagpasensyahan mo na ang makakayanan ko,” alok ni Mang Nato.

Malugod na tinanggap naman ni Isko ang ibinigay ng kapitbahay. Umalis na rin si Mang Nato upang ituloy ang kaniyang paglalako.

Kinahapunan ay ubos na ang paninda ng ginoo kaya siya’y nagpasya nang umuwi. Bago makapasok sa kaniyang bahay ay bigla siyang tinawag ng kapitbahay na si Isko.

“Kanina pa kita hinihintay, Nato. May gusto sana akong sabihin sa’yo.” wika ni Isko.

“Tungkol ba ito sa gasgas ng kotse mo? Hayaan mo at makikipag-ugnayan ako sa’yo,” tugon agad ni Mang Nato.

“H-hindi ito tungkol sa sasakyan ko. Kalimutan mo na iyon. Hindi ba binigyan mo ako ng tinda mong pakpak ng manok? Nagustuhan ko iyon at ng aking pamilya. Walang kasing sarap ang manok na ‘yun.

Sinabi mo rin sa akin na ikaw mismo ang nagtimpla at nagluto noon, ‘di ba? Naisip ko kasi ‘yung amo ko ay nagpaplanong magtayo ng isang malaking restawran at maaari kong imungkahi ang recipe mo ng manok kung papayagan mo. Huwag kang mag-alala dahil maayos iyon kausap at babayaran ka niya,” salaysay pa ng kapitbahay.

Pumayag agad si Mang Nato dahil alam niyang malaking oportunidad ito para sa kaniya.

Nang matikaman ng amo ni Isko ang manok na luto mismo ni Mang Nato ay agad niya itong nagustuhan. Alam niyang papatok ito sa lahat ng nais na kumain sa kaniyang itatayong restawran.

“Nais ng amo ko na ikaw raw ang gawing supplier sa mga manok na ititinda niya sa kaniyang restawran. Bulto ang kuha nito, Nato, kaya naisip ng boss ko na pahiramin ka muna ng puhunan para walang maging aberya,” pahayag pani Isko.

Laking tuwa ni Mang Nato.

Mula noon ay nagbago na ng tuluyan ang takbo ng kanilang buhay. Unti-unti na silang nakaangat at umasenso. Ang dating naglalako lamang ng pakpak ng manok sakay sa kaniyang pedikab ay nakabili na rin ng ilang sasakyan. Nakabili na rin siya ng lote at pinatayuan ng maganda at malaking bahay at may sariling garahe.

Labis ang kaniyang pasasalamat sa mabait na kapitbahay na si Isko para sa tulong na ginawa nito sa kaniyang pamilya.

Isang araw habang nagmamaneho ng sasakyan pauwi sa kanilang bahay si Mang Nato ay natanaw niya si Waldo na hinuhuli ng mga kawani ng MMDA dahil sa labis na nasasakop ng kaniyang garahe. Kinuha rin ng mga ito ang sasakyan ng ginoo dahil nakaparada lamang ito sa labas ng kaniyang bahay.

“Kung wala kayong garahe ay wala kayong karapatang magkaroon ng sasakyan,” sambit ng isang kawani.

Napailing na lamang si Waldo habang nakikita niyang nakatingin sa kaniya si Mang Nato.

Sa pagkakataong ito ay tiyak si Mang Nato na dumating na rin ang karma ng mayabang na kapitbahay. Hangad niya na sana’y matuto na rin itong magpakumbaba lalo sa mga taong tulad niya noong nais lamang maghanapbuhay.

Advertisement