
Hindi Marunong Bumasa at Sumulat ang Isang Magsasaka kaya Ito Niloko ng Kakilala; Hindi Niya Akalaing May Swerteng Darating sa Kaniya
“Raul, ayos na pala ang mga palay mo, ano? Ibebenta mo ba iyan sa bayan?” tanong sa ginoo ng kaniyang kapitbahay at malapit na kaibigan na si Ruben.
“Oo. Pero naghahanap pa ako ng makakasama sa bayan, pare. Hindi ko kasi alam ang kalakaran doon. Dati kasi ay may kumukuha lamang sa akin nito,” tugon naman ni Raul.
“Ganu’n ba? Sa makalawa kasi ay magbebenta rin kami ng palay sa bayan. May kakilala na kami roon. Kung gusto mo, isabay mo na ang palay mo. Ako na ang bahalang magkarga,” sambit pa ng kaibigan.
“Talaga? O sige, pare. Tatapusin ko lang ang pagsasalansan nito upang maibyahe mo na rin sa makalawa. Maraming salamat at malaking tulong ito sa amin ng anak ko,” sambit muli ni Raul.
Pagsasaka lamang ang alam na gawin ni Raul. Ito na rin ang kaniyang ipinangbubuhay sa kaniyang nag-iisang anak na si Ruben. Simula kasi nang magkasakit ang kaniyang asawa ay nabaon sila sa utang. Pilit niyang pinagkakasya ang kaniyang kinikita sa kaniyang pagtatanim.
Dati ay may bumibili na ng diretso kay Raul ng mga palay. Ngunit noong hindi na siya makapagtanim pa dahil abala sa pag-aalaga sa asawang may sakit at sa kanilang anak.
Hindi nakatuntong ng eskwela itong si Raul. Ni hindi ito marunong bumasa o sumulat man lang. Nangangamba siya na pagdating niya sa bayan ay baka lokohin lamang siya. Kaya ganun na lang ang kaniyang galak nang si Ruben na ang magdadala sa bayan ng kaniyang mga palay.
Maingat niyang sinalansan ang kaniyang mga palay. Iniayos niya ang bawat isa upang walang kahit isang butil ng bigas na masasayang.
Nang dumating na ang araw na pinakahihintay ni Raul ay agad niyang ibinigay ang mga palay kay Ruben.
“Hindi na kita isasama pa sa bayan, Raul, Wala ka na kasing sasakyan pa. Hintayin mo na lang ako dito at ibibigay ko sa’yo agad ang pinagbentahan,” sambit ng kapitbahay.
Lubos naman ang tiwala ni Raul kay Ruben. Matagal na niya itong kilala at alam niyang hindi siya lolokohin nito.
Kinagabihan pagbalik ng ginoo ay iniabot niya ang pinagbentahan ng palay kay Raul.
“Isang libong piso lamang ang lahat ng pinagbentahan, Ruben? Napakababa naman ng presyo sa bayan,” wika ni Raul.
“Sa tingin mo ba ay niloloko kita? Hindi na nga kita siningil sa gasolina, Raul. Ako na nga ang nagmagandang loob na dalhin ang palay mo sa bayan,” tugon naman ni Ruben.
“Hindi naman sa ganu’n. Kung alam ko lang kasi na ganito lang pala ang bentahan sa bayan ay hinanapan ko na lang sana ng ibang bibili. Pasensiya ka na sa akin. Kailangan ko lang talaga ng pera kasi para sa panggastos namin ng anak ko at pambayad ng mga utang,” pahayag ni Raul.
“Naiintindihan kita. Alam mo bang nagpapa-utang din ako? Ngunit mayroong kaunting interes. Kung gusto mo ay pauutangin na kita ngayon,” sambit naman ni Ruben.
Pinaunlakan ni Raul ang alok ng kapitbahay. Nangutang siya ng dalawang libong piso at nakakompromiso na ibalik ito sa katapusan na mayroong sampung porsyentong interes.
Simula noon ay nagpapabenta na si Raul kay Ruben ng palay sa bayan. Kinakaltas na lamang ni Ruben ang hulog sa utang ng ginoo.
Ang hindi alam ng ginoo ay tunay ngang ginugulangan siya ni Ruben. Ipinagpapalit nito ang kanilang palay dahil maganda at mataas ang kalidad ng palay ni Raul. Mahal niya itong ibinebenta.
Sa paglipas ng panahon ay nagkabaon-baon lalo sa utang itong si Raul. Lalo na kapag hindi siya nakakahulog ay mas tumataas ang interes.
Hanggang sa isang araw ay hindi na nakatiis pa ang isang kapitbahay at kinuwento ang katotohanan kay Raul.
Dahil sa galit ay sinugod ni Raul si Ruben sa bahay nito at pinagmumumura.
“Ibalik mo sa akin ang pera, Ruben! Walang hiya ka! Pinagkatiwalaan pa naman kita!” sigaw ni Raul.
“Hindi kita niloloko! Kahit saan tayo makarating, Raul, mapapatunayan ko sa’yo ‘yan! Saka sinong magtitiwala at maniniwala sa isang taong walang pinag-aralan? Anong laban mo sa akin?” matapang na tugon naman ni Ruben.
Puno man ng galit ay pinigilan na lamang ni Raul ang kaniyang sarili dahil naisip niya ang kaisa-isang anak na sa kaniya lamang umaasa. Saka sa kaniyang palagay ay tama din ang sinabi ng gahamang si Ruben. Sino nga naman daw ang maniniwala sa katulad niyang ni hindi marunong bumasa at sumulat?
Halos pagsakluban ng langit at lupa si Raul na umuwi ng kanilang bahay. Lahat kasi ng kaniyang pinaghirapan ay mauuwi lamang sa wala. Wala man lamang silang makain ng kaniyang anak at baon pa sila sa utang.
Sa kaniyang pag-uwi ay may nakita siyang isang sasakyan na nakatigil sa kalsada. May isang lalaki ang naroon at ginagawa ang kaniyang kotse.
“Ginoo, kailangan mo ba ng tulong? Madilim na at hindi ligtas ang lugar na ito,” saad ni Raul sa lalaki.
“Ako nga pala si Raul. Handa akong tumulong kung kailangan mo,” dagdag pa ng ginoo.
“Maraming salamat! Ako nga pala si Pablo. Pauwi na sana ako nang masiraan ako sa lugar na ito. Wala pa naman akong mga dalang gamit,” tugon ng ginoo.
“Kung gusto mo ay iwan mo na lamang ang sasakyan mo riyan at magpalipas ka muna sa amin ng gabi. Bukas ng umaga ay hahanap ako ng magkukumpi niyan para sa iyo. Kaso pinangungunahan na kita. Maliit lamang ang aming kubo. Dalawa lang kami ng anak ko na nakatira. Doon ay siguradong ligtas ka,” pahayag muli ni Raul.
Pinaunlakan ni Pablo ang paanyaya sa kaniya ni Raul. Malugod silang sinalubong ng anak ng ginoo.
Nang makita ni Raul na wala na kaunti lamang ang kanilang maihahaing pagkain sa kanilang bisita ay mas pinili na lamang nito ang magkape upang mapakain ang ginoo.
“Napakasarap naman nitong kanin! Alam mo ba kung saan ako makakakuha ng ganito?” tanong ni Pablo.
“Ako mismo ang nagtatanim ng bigas na iyan. Nakakatawa lang isipin na kaming magsasaka ang dahilan kung baki nakakain ang marami sa atin ngunit kami mismo ng anak ko ay walang pagkain,” malungkot na tugon naman ni Raul.
Matapos kumain ay binigay ni Raul ang bagong labang kumot at pinakamalambot na unan sa kanilang bisita. Labis naman itong ikinatuwa ni Pablo. Hindi niya akalin na sa gitna ng madilim na kalsadang iyon ay may mabait na taong tutulong sa kaniya.
Kinabukasan ay maagang umalis si Raul upang humanap ng mekanikong gagawa sa sasakyan ni Pablo. Pagkagising ng ginoo ay ayos na ang kaniyang sasakyan.
“Maraming salamat sa iyo, Raul. Hindi ko alam kung paano magpapasalamat sa’yo dahil uuwi akong ligtas sa pamilya ko,” saad ni Pablo.
“Alam mo ba kung bakit narito ako sa lugar niyo? Naghahanap kasi ako ng maganda at mataas na klase ng palay. May negosyo kasi ako. Nang matikman ko ang bigas niyo ay tila natagpuan ko na ang hinahanap ko. Nais sana kitang bigyan ng kontrata na sa iyo na ako kukuha ng mga palay. Hayaan mo papantayan ko ng magandang presyo ang kalidad ng pananim mo. Sana ay tanggapin mo ito bilang pasasalamat,” dagdag pa ng ginoo.
Hindi makapaniwala si Raul sa kaniyang narinig.
“H-hindi ko kasi alam kung kaya ko pang magtiwala muli sa ibang tao pagdating sa aking pananim dahil ilang beses na akong naloko. Hindi ako marunong magsulat at bumasa, ginoo. Huwag sana akong maloko ulit,” sagot naman ni Raul.
Naging maayos ang kontrata ng dalawang ginoo. Mula noon ay kay Raul na kumukuha ng palay si Pablo. Dahil sa magandang kalidad ng mga tanim ni Raul ay malaki ang naging demand sa mga ito.
Unti-unting nagbago ang buhay ni Raul dahil kay Pablo. Nakabayad na ito sa kaniyang mga pagkakautang at umasenso na rin ang kanilang buhay na mag-ama.
Samantala, kinausap ni Ruben si Pablo upang sulutin ang kontrata nito kay Raul. Magbebenta ito ng mas mababang presyo ng palay sa ginoo. Ngunit tinanggihan ito ni Pablo at pinamukha kay Ruben na mababang kalidad ang kaniyang mga palay.
Labis na napahiya si Ruben. Natameme lamang siya habang patuloy niyang pinapanood ang pag-unlad ng pamumuhay at kabuhayan ng magsasakang si Raul.