
Pinagtawanan ang Dalagang Artista sa Gabi ng Parangal dahil sa Kaniyang Suot; Lahat ay Maaantig sa Kwentong Nasa Likod Nito
“Claire, gabing-gabi na, a. Bakit hindi ka pa natutulog? Bukas mo na tapusin iyang asignatura mo. Wala ka namang pasok, ‘di ba?” saad ni Lina sa anak nang makita itong nagsusunog ng kilay.
“Tatapusin ko na po, ‘nay. Kasi po bukas balak ko po sanang pumunta ulit sa isang audition. Malay niyo, ito na talaga ang pagkakataon ko para matupad ko na ang pangarap kong mag-artista,” tugon naman ng dalaga.
“Ikaw talaga, anak. O siya, basta kapag tapos mo riyan ay matulog ka na kaagad. Sige ka, baka lalo kang hindi matanggap dahil napakalaki ng eye bags mo,” sambit pa ng ina.
Hindi na magawa pang pigilan ng mananahing si Lina ang kaniyang anak na si Claire sa tuwing umaalis tio upang mag VTR o mag-audition. Bata pa lang kasi ang dalaga ay pangarap na nitong maging isang artista. Halos hindi na nga mabilang sa kaniyang mga kamay kung ilang audition na ang kaniyang nasalihan.
Ngunit hindi pa siguro ito ang panahon para kay Claire. Sa dami kasi ng napuntahan niyang talent agency ay hindi pa rin siya pinapalad. Ngunit hindi ito naging hadlang sa dalaga upang abutin ang kaniyang inaasam.
Kinabukasan ay maagang gumising si Claire upang gumayak. Suot ang bestida na ginawa ng kaniyang ina ay humarap siya sa salamin upang mag-ensayo.
“Kaya ko ‘to! Kaya ko ‘to!” sambit ni Claire sa sarili.
Maya-maya ay nariyan na ang kaniyang ina.
“Hanggang ngayon ba naman ay kinakabahan ka pa rin? Oo, ‘nak, kayang-kaya mo ‘yan! Tandaan mo, hindi ka man mapili ngayon ay darating din ang tamang panahon sa’yo, basta ibigay mo lang ang lahat ng galing mo at ang Diyos na ang bahala sa iyo,” wika naman ni Lina.
Hindi maiwasan ni Lina na tumitig sa kaniyang anak at mapangiti.
“Bagay na bagay talaga sa iyo ang bestida na iyan. Sa susunod kapag nakaipon ay bibili ako ng mas magandang tela. Pasensiya ka na, anak, at hindi ko maibigay ang lahat ng pangangailangan mo. Alam ko naman na kaya mo nais maging artista ay gusto mong umahon sa kahirapan,” muling sambit ni Lina.
“‘Nay, huwag po kayong humingi ng tawad sa akin. Ginagawa ko po ito dahil mahal ko kayo at nais kong magkaroon tayo ng maginhawang buhay. Nais kong patunayan sa lahat na kaya nating umangat.
Maraming salamat po sa bestidang ito. Kapag po ganap na akong artista, pangako ko sa inyo na hindi ako magsusuot ng ibang damit kung hindi mga gawa niyo lang,” pahayag naman ng dalaga.
Napayakap na lamang si Lina sa kaniyang anak dahil sa lubos na galak.
“O siya, umalis ka na ng maaga at baka mahuli ka pa. Saka baka mamaya ay ako pa ang mapili sa audition dahil sa bilis kong maluha. Mag-iingat ka, anak. Kaawaan ka nawa ng Diyos,” sambit pa ng ina.
Lihim na nanalangin ng taimtim si Lina upang magtagumpay na sa wakas ang kaniyang anak. Ayaw na rin kasi niya itong mabigo.
Gabi na nang makauwi si Claire sa kanilang bahay. Ngunit sa pagkakataong ito ay baon niya ang magandang balita.
“‘Nay! Natanggap po ako! Hindi man ako ang bida, sa wakas ay nakuha na ako para sa isang teleserye. Gaganap po akong matalik na kaibigan ng bida! Ang saya-saya ko po, ‘nay! Ito na po ang simula nang pag-asenso natin!” malugod na kwento ng dalaga.
“Salamat sa Diyos, anak! Hindi na ako makapaghintay na makita ka sa telebisyon!” masayang sambit naman ni Lina.
Mula nang araw na iyon ay tuluyan na ngang nagbago ang buhay ng mag-ina. Sa tuwing may taping si Claire ay ginagawan siya ng kaniyang ina ng bestida upang ito ang kaniyang isuot.
Dahil ibinibigay ni Claire ang lahat ng kaniyang galing sa bawat eksena ay napansin siya kaagad ng direktor. Naging paborito rin siya ng mga manonood dahil para magkaroon pa siya ng iba pang mga programa sa telebisyon.
Lumipas ang mga taon at kinuha na rin siya bilang endorser ng ilang produkto at hindi naglaon ay hindi na mapigilan ang kaniyang pamamayagpag sa mundo ng showbiz. Isa na siya sa mga dalagang tinitingala at hinahangaan ng madla.
“Anak, ginawan kita ng bestida, isuot mo ito kapag pumunta ka ng contract signing,” wika ni Lina sa anak.
“Sige po, ‘nay! Ang ganda naman nito. Alam na alam niyo talaga ang gusto kong yari,” tugon naman ng anak.
Ngunit dahil nga sikat na si Claire ay maging ang kaniyang susuotin ay kalangan pang pagdesisyunan ng kaniyang manager na si Audrey.
“Hindi pwede ang ganiyang damit. Malaking araw ito para sa iyo. May na-contact na akong isang designer para gawan ka ng damit,” saad ng manager.
Simula noon ay madalang nang makapagsuot si Claire ng mga bestidang yari ng kaniyang ina.
Hindi naman nagbago ang pakikitungo ni Claire sa kaniyang ina. Madalas nga lamang ay hindi na sila makapgkwentuhan tulad ng dati dahil sa pagkaabala ng dalaga. Ngunit sinisikap niya na kung mayroon siyang panahon ay ilaan ito sa kaniyang ina.
“Masaya ako at buong araw kang walang trabaho. Nabalitaan ko kasi na nominated ka raw bilang best actress dahil sa huling pelikula mo. Kaya heto, anak, ginawan kita ng bestida,” sambit ni Lina sabay abot ng damit sa anak.
“Maraming salamat po, ‘nay! Iyon nga din po ang sasabihin ko sa inyong surpresa, naunahan na naman ako ng mga tagapagbalita sa TV,” tugon ni Claire na agad kinuha ang bestida upang kaniyang isukat.
“Ang ganda-ganda nitong bestida, ‘nay! At dahil unang beses na makakapunta ako sa isang Awards Night ay tutuparin ko po ang pangako ko sa inyo na ito ang susuotin ko,” dagdag pa ng dalaga.
Labis naman ang tuwa ni Lina dahil nagustuhan ito ng kaniyang anak.
Ilang sandali pa ay dumating ang kaniyang manager sa kanilang bahay dala ang isang napakagarang ball gown.
“Claire, hindi ka maniniwala sa sasabihin ko sa iyo pero may nag-sponsor sa iyo ng gown. Yari ito ni Helen Samonte, ang pinakatanyag na designer dito sa Pilipinas. Nais niyang isuot mo ang gown na idinisenyo mismo niya para lamang sa’yo sa gabi ng parangal!” masayang ibinalita ng kaniyang manager.
“P-pero may susuotin na po ako. Nangako po kasi ako sa nanay ko na ito ang susuotin ko,” sambit niya sa manager.
“Ay, hindi maaari, Claire! Hindi babagay ang damit na ‘yan! Paano na lang kung ikaw ang manalo bilang best actress? Ano ba ang gusto mo? Pagtawanan at kutyain ka ng tao? Kapag iyan ang sinuot mo ay pagpiyestahan ka ng lahat!” sambit pa ni Audrey.
“Hubarin mo na ang damit na iyan at isukat mo na ito nang malaman kung mayroon pang kailangang i-adjust. Bilisan mo!” dagdag pa ng manager.
Napatingin na lamang si Claire sa kaniyang ina na wari’y nanghihingi ng permiso at paumanhin.
“Sige na, anak. Hubarin mo na iyan. Isuot mo na lang iyan pagtapos ng parangal kapag pauwi ka na,” nakangiting sambit naman ng ina.
Mababanaag mo kay Lina ang lungkot ngunit kailangan niyang tanggapin na iba na talaga ang buhay ng kaniyang anak na dalaga.
Ngunit sa gabi ng parangal ay nagulat ang lahat nang lumabas sa sasakyan si Claire suot ang simpleng bestida na gawa ng kaniyang ina. Marami ang nagtaka sa kaniya at kinuhaan siya kaagad ng larawan. Kabi-kabila ang kumukwestiyon sa kaniya dahil bakit ito daw ang napili niyang suotin.
Labis naman ang galit ng kaniyang manager.
“Ngayon pa lang ay matigas na ang ulo mo! Sinisigurado ko sa iyo na iyan ang magpapahamak sa career mo! Mabilis kang babagsak!” sambit ni Audrey sa alaga.
Ngunit hindi nagpatinag si Claire. Naglakad siya sa red carpet ng taas ang noo at may ngiti sa kaniyang mukha.
Labis naman ang pagtataka ni Lina nang mapanood sa telebisyon ang anak. Hindi siya makapaniwala na ang damit na kaniyang gawa ang napili nitong gamitin.
Buong gabing usap-usapan si Claire dahil sa simple ng kaniyang kasuotan.
Ngunit lahat ay nabigla nang tawagin ang pangalan nito na nananalo sa pagiging best actress.
Gulat na gulat at naluluhang tinanggap ni Claire ang kaniyang tropeyo. Lahat ay nakatitig sa kaniya at sa napili niyang isuot.
“Maraming salamat po sa parangal na ito. Hindi ko po inaasahan na ako ang mapipili. Isa po itong malaking karangalan.
Alam kong marami po sa inyo ang nagtataka kung bakit ganito ang suot ko. Simple lamang at hindi kasing garbo ng damit ng lahat ng narito. Pero nais ko pong malaman niyo na gawa po ito ng nanay ko. Maraming taon na po ang nakakalipas at palagi po akong ginagawan ng nanay ko ng bestida sa tuwing pupunta ako ng auditions at mga VTR ay sinusuot ko po ang mga iyon. Nangako ako sa nanay ko na kapag sikat na ako ay hindi ako magbabago’t siya pa rin ang gagawa ng damit ko.
At ito na ang pagtupad ko sa pangakong iyon. Ito na ata ang pinakamasayang gabi ko dahil sa tagal nang pagnanais kong maging artista ay napansin na ako at ngayon ay nagkamit pa ng parangal.
Hindi po ako nahihiya na ito ang suot ko dahil tulad ng simpleng damit na ito ay galing lamang ako sa simpleng buhay. Isang batang nangarap na mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang ina upang masuklian ang lahat ng sakripisyo niya sa akin.
‘Nay, maraming maraming salamat po! Ang bestida po na ito ang pinakamaganda ngayong gabi dahil kalakip ng bawal tahi nito ang pagmamahal, gabay, tiwala at panalangin. Mahal na mahal ko po kayo, ‘nay, at para sa inyo po ang parangal na ito!” hindi na maiwasan pa ni Claire ang mapaluha.
Namangha at napaluha rin ng dalaga ang lahat ng taong mga naroon. Nagpalakpakan ang lahat at tumayo bilang pagkilala sa kaniya.
Hindi inaakala ni Claire na ito pa ang magiging daan upang mas kilalanin siya ng mga tao. Lalo silang humanga sa ipinakita ng dalaga.
Masayang masaya naman si Lina sa naabot ng kaniyang anak.
Mula noon ay lalong naging maganda ang karera ni Claire sa pag-aartista. Hindi lamang siya nakilala rito sa Pilipinas kung hindi maging sa iba’t ibang panig ng mundo.