Inday TrendingInday Trending
Walang Bilib ang Magkakapatid sa Kanilang Bunso; Bandang Huli ay Siya pa Pala ang Magsasalba sa mga Ito

Walang Bilib ang Magkakapatid sa Kanilang Bunso; Bandang Huli ay Siya pa Pala ang Magsasalba sa mga Ito

“Sonny, pinapatawag ka ng nanay mo! Nariyan na raw ang Kuya Dexter mo sa inyo kaya umuwi ka na,” sigaw ng isang kapitbahay sa binatang si Sonny.

Kumaripas ng takbo ang binata pauwi ng kanilang bahay. Matagal na kasi niyang hindi nakikita ang nakatatandang kapatid na nagtatrabaho sa Maynila. Nasasabik na siyang makita ito dahil matagal na rin silang hindi nakakapagkwentuhan.

“‘Nay, narito na po ako, nasaan po si kuya?” bungad ni Sonny.

‘Naroon sa kusina, kasama ng diko at ditse mo, kumakain sila. Kumain ka na rin. Tanghaling tapat ay nariyan ka kaagad sa lansangan,” sambit naman ng ina.

Agad na pinuntahan ni Sonny ang kaniyang mga kapatid upang saluhan niya ito sa pagkain. Ngunit napalitan ang kaniyang pananabik sa kaniyang kuya nang marinig niya ang pinag-uusapan ng mga ito.

“Kuya, sa susunod na buwan ay makakagraduate na ako. Matutulungan na rin kita!” saad ng diko niyang si Otep.

“Ako rin kuya, isang taon na lang ay ako naman ang magtatapos. Gusto ko’y sa Maynila rin ako matrabaho tulad mo,” sambit naman ng dete niyang si Lorna.

“Masaya ako at pinagbubuti ninyo ang pag-aaral. Kapag nagkataon ay ipagmamalaki tayo ng ating mga magulang dahil lahat tayo ay propesyunal. Mayroong accountant, mayroong guro at mayroong nars. Si Sonny lang talaga ang nakakasira sa atin, e. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin diyan sa batang iyan,” saad ng nakatatandang kapatid.

Napayuko na lamang si Sonny at marahang lumapit sa mga ito dala-dala ang pinggang kaniyang kakainan sana.

“Narito ka na pala! Saan ka na naman nanggaling, Sonny? Kanina ka pa hinahanap ni nanay. Wala ka talagang inatupag kung hindi puro lakwatsa. Hindi ka na ata rin nakakatulong dito sa bahay,” sambit pa ng kaniyang Kuya Dexter.

Sasagot sana siya nang biglang sumingit si Lorna.

“Sinabi mo pa, kuya. Alam mo bang bagsak na naman iyan sa science. Masakit na masakit na talaga ang ulo ni nanay at tatay diyan. Hindi na namin alam kung paano iyan pagsasabihan,” saad ng dalaga.

“Kaya ‘yung pangarap mong lahat tayo ay maging propesyonal ay hindi mahirap mangyari, kuya. Isa kang accountant, ako’y isang guro, si Lorna ay isang nars at si Sonny ay isang propesyonal na tambay!” natatawang wika naman ni Otep.

Napailing na lamang si Dexter.

“Sayang lang pinapaaral sa iyo, Sonny, kung ganiyan din. Bakit hindi ka kasi tumulad sa amin? Paano ka magkaroon ng magandang trabaho? Sa susunod na taon ay kolehiyo ka na. Alam mo na ba ang kursong kukuhain mo?” tanong ni Dexter sa bunsong kapatid.

Hindi pa rin umiimik si Sonny.

“Bahala ka sa buhay mo, Sonny. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kami ang aasahan mo. Tatanda rin kami at magkakapamilya,” dagdag pa ng panganay.

Sa mga susunod na taon ay ganito na itinuring ng mga nakatatandang kapatid si Sonny. Sigurado sila na walang mararating ito sa buhay.

Nang makatapos at maging propesyonal ang dalawa pang nakatatandang kapatid ay nagsipagtrabaho na rin sila at tumulong sa gastusin sa bahay. Tulung-tulong sila na pinag aaral si Sonny.

Isang araw ay napagpasyahan ng magkakapatid na magpagawa ng kanilang bahay tutal ay pare-pareho na silang sumusweldo.

“Ako na ang bahala sa mga gagastusin sa semento, buhangin, at iba pang materyales,” saad ni Dexter.

“Ako naman ang sasagot sa bayad sa mga trabahador,” saad ng pangalawang si Otep.

“At ako naman ang bibili ng mga muwebles pagkatapos magawa ang bahay,” saad pa ni Lorna.

“Ano ba ang maitutulong ko?” tanong ni Sonny.

“Huwag ka nang makisali sa usapan at ituon mo ang sarili mo sa pag-aaral. Ni hindi mo na naman maipasa ang isang asignatura mo’y gusto mo pang abalahin ang sarili mo rito. Hayaan mo na lang kami na talagang may magagawa ang magplano,” saad ni Otep sa kapatid.

Unti-unting pinapagawa ng tatlong kapatid ang kanilang bahay.

Samantala’y hirap na hirap naman si Sonny sa kaniyang mga aralin. Wala sa kaniyang loob talaga ang pag-aaral. Ngunit magaling siya sa pagtitinda. Malaki ang kaniyang kinikita sa pagbili ng mga gamit at saka niya ito ibinebenta sa kaniyang mga kamag-aral.

Nang malaman ito ng kaniyang tatlong kapatid na ang inaatupag lamang nito ay ang pagtitinda’y pinapili kaagad siya ng mga ito.

“Hindi ko talaga kayang mag-aral. Pinipilit ko naman pero lagi talaga akong bumabagsak,” naiiyak na tugon ni Sonny.

“Wala ka na talagang pag-asa. Tumigil ka na lang sa pag-aaral nang hindi na tayo pare-pareho pang mahirapan. Sinasayang mo lang ang pinapaaral namin sa iyo!” sambit ni Dexter sa kanilang bunso.

Matagal na hindi nila pinansin itong si Sonny dahil sa kabiguang dinala nito sa kanilang pamilya. Labis nila itong ikinahihiya dahil sa kanilang magkakapatid ay ito lamang ang hindi nakapagtapos ng pag-aaaral.

Ngunit hindi nahinto sa pagpupursige itong si Sonny. Lumuwas siya ng Maynila at nagtrabaho. Nang makaipon ay agad siyang nagtayo ng isang negosyo.

Isang taon pa ang nakalipas at hindi na natapos ang pagpapagawa ng bahay ng magkakapatid. Si Dexter kasi ay natanggalan ng trabaho at hindi pa ito nakakapag-apply muli. Habang si Otep ay nabaon din sa utang dahil sa liit ng sahod. Habang si Lorna naman ay hindi sinasadyang magbuntis at natigil sa pagtatrabaho dahil sa kaniyang kalagayan.

Nang mabalitaan ni Sonny ang nangyari sa kaniyang mga kapatid ay agad siyang umuwi sa kanilang tahanan. Doon nga ay nakita niya ang kanilang bahay na hindi pa rin tapos. Naaawa rin siya sa kalagayan ng kaniyang mga magulang at ng kaniyang mga kapatid.

Dahil ngayon ay nakakariwasa na ito sa uhay dahil sa maunlad niyang negosyo ay ibinabalik niya ngayon ang lahat ng tulong sa kaniya ng kaniyang mga kapatid at magulang. Ipinagpatuloy rin niya ang pagpapagawa ng kanilang bahay.

Labis naman ang paghingi ng kapatawaran ng tatlo niyang nakatatandang kapatid dahil sa panghuhusgang ginawa sa kaniya noon.

“Hindi ko akalain na ganito ang mararating mo sa buhay. Patawarin mo kami kung hindi kami nagtiwala sa kakayahan mo noon. Maraming salamat sa tulong na ibinigay mo sa amin. Malaking tulong talaga ang lahat ng ito,” sambit ni Dexter sa kanilang bunso.

Sa puntong iyon ay nawala na ang lahat ng sama ng loob na matagal nang bumalot sa magkakapatid. Laking pasasalamat ng mga ito kay Sonny. Walang nag-akala na kahit hindi ito nakapagtapos ng pag-aaral ay labis ang tagumpay na makakamit nito sa kaniyang buhay.

Advertisement