Inday TrendingInday Trending
Kinaiinisan ng Babae ang Sobrang Pag-Iingat ng Ina sa Sira at Luma Nitong Music Box; Mapapaluha Siya sa Dahilan Nito

Kinaiinisan ng Babae ang Sobrang Pag-Iingat ng Ina sa Sira at Luma Nitong Music Box; Mapapaluha Siya sa Dahilan Nito

“Mahal kita, kapantay ay langit sinta…lalala, lala…”

“Ayan na naman, nililinis na naman ni inay ang luma at sirang music box na ‘yon saka sinasabayan na naman ng pagkanta ng lumang awiting paborito niya,” inis na sabi ni Karla sa isip.

Araw-araw na lang kasi ay nililinis ni Aling Cita ang music box na pinaglipasan na nga ng panahon ay sira pa. Lumaki na siya at nagkaisip ngunit kahit kailan ay hindi niya narinig na tumunog ang music box na iniingat-ingatan ng kaniyang ina. Basta ang sabi lang nito ay matagal na raw na sira iyon at hindi na gumagana ngunit para rito ay iyon ang pinakamagandang regalong natanggap nito mula sa kaniyang yumaong ama.

Para kay Karla, isang malaking kalokohan ang ginagawa ng ina dahil bukod sa ayaw niya sa mga lumang bagay ay hinding-hindi niya gusto ang ibinibigay nitong espesyal na atensyon sa sirang music box na nakadisplay pa kasama ng mga mamahalin nilang dekorasyon sa bahay.

“Ano ba naman, inay? Itapon mo na nga ang music box na ‘yan, imbes na ‘yung mga mamahaling damit at alahas na ibinigay ni itay sa iyo ang ingatan mo ay sobra mong pahalagahan ang pangit at walang kwentang music box. Mabuti sana kung gumagana pa ‘yan, eh pero sira na nga at lumang-luma na kaya dapat ay idispatsa na ‘yan!” singhal niya sa ina.

“Hindi maaari, anak. Napakaimportante sa akin ng music box na ito. Wala akong pakialam kung luma na ito, sira na at wala nang silbi, basta’t hinding-hindi ko ito itatapon. Mas gusto kong narito lang ito sa bahay,” tugon ni Aling Cita habang patuloy na nililinis ng basahan ang music box.

Hindi na nakipagpatalo pa si Karla sa ina. Alam niyang hindi rin naman ito makikinig sa kaniya kahit ano pang paliwanag niya rito. Isang araw ay nakaisip siya ng paraan para malibang ang ina at maalis ang atensyon nito sa music box. Ibinili niya ito ng mamahaling radyo para may paglibangan ito.

“Inay, may sorpresa ako sa iyo!” aniya sabay binuksan ang malaking kahong dala niya.

“Ang laki at ang ganda naman ng radyong ito, anak at mukhang mamahalin. Hindi ka na sana nag-abala pa, inipon mo na lang sana ang ipinambili mo nito,” sagot ni Aling Cita.

“Hindi po mahalaga kung mahal ang bili ko rito, ang mahalaga ay may bago tayong gamit na mapaglilibangan niyo. Puwede mong patugtugin ito habang nagluluto ka o naglilinis ng bahay. Siyempre, mas maganda kung mga modernong awit ang patutugtugin mo, inay pampa-bagets at hindi mga awiting sinauna at panahon pa ni Kopong-kopong ang kinakanta at pinapakinggan niyo,” hayag ni Karla sa ina.

Ngunit kahit binilhan na niya ito ng mapaglilibangang radyo ay mas gusto pa rin nitong linisin ang luma at sirang music box habang kinakanta ang paboritong awitin na labis niyang kinainisan.

“Mahal kita, kapantay ay langit sinta. At lagi kong dasal sa Maykapal ang lumigaya ka…” patuloy na pag-awit ni Aling Cita na kinukumpas pa ang mga kamay sa hangin.

“Ano bang meron ang music box na ‘yon at araw-araw na lang pinagtitiyagaang linisan ni inay? Ayaw na ayaw pa niya na naaalikabukan? Kung ayaw niya pala na marumihan ang chakang music box na ‘yon ay bakit hindi niya ibalot na lang sa plastic at itago sa loob ng aparador, para hindi ko na rin nakikita rito sa bahay,” gigil na wika niya sa sarili.

Nang sumunod na araw ay nakahanap siya ng pagkakataon para idispatsa ang music box. Nagmamadali si Aling Cita na lumabas ng kanilang bahay para pumunta sa palengke. Nang makaalis ang ina ay dali-daling kinuha ni Karla ang music box na nakadisplay sa isang maliit na mesa at itinapon sa basurahan. Nang bumalik ang inay niya ay napansin nito na nawawala ang music box kung saan ito nakapatong.

“N-nasaan ang music box? Saan mo inilagay ang music box?” tanong ni Aling Cita habang ‘di makapakali sa paghahanap.

“H-hindi ko alam, inay. Kakalabas ko pa lang sa kuwarto ko,” tanggi niya.

“Hindi maaaring mawala ang music box na ‘yon, napakahalaga niyon sa akin, anak. Kailangan na maibalik ‘yon sa akin!” nag-aalala at halos maiyak na si Aling Cita sa paghahanap sa nawawalang music box. Maya-maya ay nakita niya iyon na nakalagay sa basurahan. Dali-dali niya iyong kinuha at nilinisan bago muling ipinatong sa maliit na mesa.

“Itinapon ko na ‘yan, inay! Bakit pinulot mo pa rin? Kalimutan mo na ‘yan, inay, sira na ‘yan, hindi mo na mapapakinabangan. Kung gusto niyo ay bibilhan na lang kita ng bago,”pagtatapat niya sa ina.

“Hindi! Ayoko ng iba, gusto ko ay itong music box na ibinigay ng itay mo!” tugon ni Aling Cita.

“Ano bang halaga ng pangit na music box na ‘yan at ayaw niyong pakawalan? Hindi na niyan maibabalik si itay, kahit ano pang pag-aalaga ang gawin niyo riyan ay hinding-hindi na mabubuhay si itay kaya ang mabuti pa ay itapon niyo na ‘yan at palayain na ang sarili niyo!” sigaw niya sa ina.

“Hinding-hindi ko itatapon at ipagpapalit ang music box na ito, dahil ito ang huling regalo ng itay mo sa akin bago siya nawala. Siguro ay panahon na para malaman mo ang buong katotohanan,” wika ni Aling Cita.

“A-anong katotohanan, inay?” tanong ni Karla.

“Hindi mo totoong ama ang iyong itay, anak. Ang akala ko noon ay seryoso at talagang minahal ako ng dati kong nobyo na siyang tunay mong ama ngunit wala pala siyang balak na panagutan ako at pakasalan nang malaman niyang ipinagbubuntis kita. Bigla na lamang siyang nawala at hindi na muling nagpakita sa akin. Ilang buwan ang lumipas at nakilala ko ang iyong ama na si Arman, minahal ko siya at minahal din niya ako kahit pa dinadala na kita sa aking sinapupunan. Tanggap niya ang nangyari sa akin, kahit kailan ay hindi niya ako sinumbatan at handa niya akong panagutan kahit hindi siya ang iyong tunay na ama. Pinakasalan niya ako, itinuring ka niya at minahal na parang tunay na anak ngunit hindi ako tanggap ng kaniyang pamilya dahil isa akong disgr*syada kaya gumawa ng paraan ang mga magulang niya para paglayuin kami. Nagpanggap ang mama niya na mayroon itong malubhang sakit at dadalhin sa Amerika para roon ipagamot. Pinapili siya ng papa niya na kung hindi sasama sa kanila ay habangbuhay na siyang itatakwil ng mga ito ngunit imbes na sumama ay mas pinili niyang balikan tayo, anak. Ipinagtapat sa akin ng kapatid niyang si Arlene na bago siya binawian ng buhay ay nagpunta pa ang itay mo sa Divisoria para bilhin ang gustung-gusto kong music box. Ipinangako niya kasi sa akin noon na bibilhin niya ang music box para sa anibersaryo ng aming kasal ngunit habang pauwi na siya sa bahay natin ay aksidenteng nasagasaan ang iyong itay ng isang rumaragasang truck. Nang puntahan ko siya sa pinangyarihan ng insidente ay hindi ko na naabutang buhay ang itay mo. Hawak-hawak niya ang music box na ito na nasira dahil sa aksidenteng iyon. Kaya hindi mo ako masisisi, anak kung bakit labis ang pagpapahalaga ko sa music box na ito, dahil ito ang sumisimbolo sa walang kapantay na pagmamahal sa atin ng itay mo. Ang music box na ito ang nagpapaalala na tayo ang kaniyang pinili,” bunyag ni Aling Cita habang dumadaloy ang masaganang luha sa mga mata.

Hindi na napigilan ni Karla na maiyak sa ikinuwento ng ina.

“Kaya habang nabubuhay ako ay pakaiingatan ko ang napakahalagang regalo na ito mula sa itay mo. Dahil pakiramdam ko ay buhay na buhay pa rin siya sa aking alalala sa pamamagitan ng music box na ito. Patuloy ko pa ring kakantahin ang paborito naming awitin noon dahil alam kong darating ang panahon na magkikita ulit kami at magsasama sa kabilang buhay,” sabi pa ni Aling Cita.

“Patawad, inay. Ngayon ko napagtanto kung gaano kahalaga ‘yan sa inyo. Dahil ang music box na ‘yan ang patunay na mahal na mahal tayo ni itay,” wika niya sa ina sabay yakap nang mahigpit.

Mula noon ay hindi na niya pinipigilan pa ang ina sa tuwing nililinis nito ang lumang music box kasabay nang pagkanta sa paborito nitong lumang awitin.

“Pag-ibig ko kapantay ay langit, hirang. Hindi magbabago kailan pa man.”

Ang awit ng tunay at wagas na pag-ibig ni Aling Cita sa namayapa niyang ama.

Advertisement