Inday TrendingInday Trending
Pinakiusapan ng Ama ang Kaniyang Anak na Maging CEO ng Kanilang Kompanya; Makuha Kaya Niya ang Paggalang ng Kanilang mga Empleyado?

Pinakiusapan ng Ama ang Kaniyang Anak na Maging CEO ng Kanilang Kompanya; Makuha Kaya Niya ang Paggalang ng Kanilang mga Empleyado?

Ipinatawag ni Don Ramon ang kaniyang kaisa-isang anak na si Raymond, 24 na taong gulang, na ang trabaho ay isang photographer.

“Yes, dad? How can I help you?” tanong ni Raymond sa kaniyang ama.

Tumayo si Don Ramon mula sa pagkakaupo. Dumukwang. Kinuha ang bote ng imported at mamahaling alak. Nagsalin sa dalawang baso. Iniabot ang isa sa anak.

“Naalala mo before nang hilingin mo sa akin na hayaan kang gawin ang gusto mo? Photography. Pinagbigyan kita. I let you do what you wanted to do. I can see naman na hindi mo lang passion ang photography. Nag-excel ka talaga sa larangan na ‘yan,” saad ni Don Ramon.

Nangiti naman si Raymond. Inalog-alog ang hawak na baso. Kumalantog ang mga yelo sa pagtama sa babasaging baso. Sumimsim.

“Thanks to you for that, dad. Naging masaya naman talaga ang journey ko. You’re right. This is my passion. Hindi ko ipagpapalit sa kahit na ano,” tugon naman ni Raymond.

Inunahan na niya ang ama. Natutunugan na niya kung bakit siya nito pinatawag.

“Well, I guess dapat ako naman ang pagbigyan mo. May kasunduan tayo before, remember? Hahayaan kitang gawin ang gusto mo, hindi ako manghihimasok. Pero ngayong napagbigyan na kita, sana ako naman ang mapagbigyan mo,” hirit ni Don Ramon.

Hindi nga nagkamali si Raymond. Tama ang sapantaha niya.

“Ano po bang pabor ‘yan, dad?”

Hindi muna sumagot si Don Ramon. Nagpalakad-lakad muna ito. Tumanaw sa durungawan ng kaniyang opisina.

“Hindi na ako bumabata. Bilang kaisa-isa kong anak, ikaw ang inaasahan kong magmamana sa negosyong itinayo ko. Kayo ng yumao mong Mommy ang naging kaluluwa ng R&G Sardines. Kaya inaasahan kong sa iyo mapupunta ang kompanya, dahil para naman talaga sa ‘yo iyon. That’s my legacy,” saad ni Don Ramon.

“Dad… alam naman po ninyo na kahit tapos ako ng Business Management, ang puso ko ay nasa photography. Nasa art. Bakit hindi na lang po kayo kumuha ng CEO…”

“I want you to be the CEO of our own company. Gusto kong maging successor kita. Sana pumayag ka na this time. Puwede mo namang gawin ang photography, my God’s sake hindi naman kita pipigilan diyan kung ‘yan ang magpapaligaya sa ‘yo, son. Pero sana naman mapagbigyan mo rin naman ang gusto ko para sa’yo, ang vision ko para sa ‘yo, na binuo namin ng Mommy mo noong nabubuhay pa siya,” pakiusap ni Don Ramon.

Pinag-isipang mabuti ni Raymond ang hiling ng kaniyang ama. Wala naman sigurong mawawala kung ito naman ang pagbibigyan niya. Kung tutuusin, wala siyang ginusto na hindi nakuha o nakamit dahil sa kaniyang mga magulang. Ibinigay nila ang mga pangangailangan niya. Ito na siguro ang tamang paraan upang maipakita ang pagtanaw ng utang na loob sa kanila.

Kaya naman ganoon na lamang ang galak ni Don Ramon nang pumayag na siya. Isinama siya sa kompanya upang mai-tour. Ipinakita sa kaniya ang pabrika—magmula sa mga paglilinis ng isda, paglalagay sa loob ng lata, hanggang sa opisinang de-aircon kung saan nagpupulong-pulong ang board.

“Tingnan mo ang kompanyang naghihintay sa ‘yo, Raymond. Lahat ng iyan, sa iyo. Para sa iyo,” saad ni Don Ramon.

Nagpaalam si Raymond na magtutungo lamang sa palikuran. Tinawag siya ni Inang Kalikasan. Habang siya ay nakaupo sa trono, narinig niya ang pag-uusap ng dalawang empleyadong pumasok sa palikuran.

“Nariyan daw yung anak ni Boss Ramon. Mukhang ipinakita na sa kaniya ang mamanahin niyang kompanya. Nilibot na eh,” saad ng isang lalaki.

“Malamang. Magulat na lang tayo may posisyon na ‘yun sa mga susunod na araw. Baka magiging bagong boss natin,” sagot naman ng isa.

“Suwerte ‘no? Buti pa siya pamana-pamana lang ng kompanya. Kayanin kaya niya rito?”

“Ganun talaga kapag mayaman!”

Napaisip si Raymond sa mga sinabi ng dalawang lalaki. Kaya nang tanungin siya ng kaniyang ama kung anong posisyon sa kompanya ang target niya, iisa lamang ang sinabi niya.

“Gusto kong magsimula sa pinaka-umpisa, dad. Doon mo ako ilagay sa paglilinis ng isda. Gusto ko munang maranasan at mapag-aralan ang pasikot-sikot sa negosyo, para walang masabi ang mga empleyado natin, na nakuha ko lang ang posisyon ko sa kompanya dahil anak ninyo ako. Gusto kong igalang nila ako dahil nakilala nila bilang kasamahan, at hindi dahil sa boss nila ako.”

Napangiti naman si Don Ramon sa karunungan ng kaniyang anak. Pumayag siya.

Kaya naman nagsimula muna si Raymond sa paglilinis ng mga isda sa pabrika. Nakilala niya ang mga empleyado at natuto sa kanila. Hindi niya ipinaramdam sa mga kasamahan na siya ang anak ng may-ari ng kompanya. Nakibagay siya sa kanilang lahat.

Dahil likas na may angking-husay, mabilis na napag-aralan naman ni Raymond ang pasikot-sikot sa pagpoproseso ng mga sardinas, hanggang sa unti-unti, itinaas na siya ng tungkulin. Sa bawat taon, tumataas ang kaniyang posisyon, bagay na sinasang-ayunan naman ng kanilang mga empleyado dahil talagang mahusay siya.

Hindi rin naman pinabayaan at tinalikuran ni Raymond ang kaniyang passion. Patuloy pa rin siya sa pagkuha ng mga larawan kapag may libre siyang oras. Inilalaan niya ang Sabado at Linggo para sa kaniyang hilig, bilang pahinga niya.

Makalipas ang pitong taon, narating na nga ni Raymond ang pinapangarap sa kaniya ni Don Ramon—ang maging CEO ng sarili nilang kompanya. Masasabi at maipagmamalaki niyang hindi niya ito nakuha nang biglaan kundi pinagpaguran, pinagsumikapan, at pinagsipagan. Ang resulta? Nakuha niya ang paghanga at paggalang ng lahat.

Advertisement