Inday TrendingInday Trending
Tumatandang Dalaga na ang Babaeng Ito at Minamadali na Siya ng Ama at mga Kaibigan na Mahanap ang “The One”, Darating Pa Kaya Ito sa Oras na Di-Inaasahan?

Tumatandang Dalaga na ang Babaeng Ito at Minamadali na Siya ng Ama at mga Kaibigan na Mahanap ang “The One”, Darating Pa Kaya Ito sa Oras na Di-Inaasahan?

“Tandaan po natin, darating ang tamang tao sa tamang panahon…”

Kinuha ni Edith, 40 taong gulang, ang remote control ng telebisyon at in-off na ito. Ayaw niyang marinig ang mga pahayag na iyon, na kesyo darating ang tamang tao sa tamang panahon, lalo na sa larangan ng pag-ibig.

40 taon. Mga halos dalawang dekada na siyang naghihintay ng tamang tao para sa kaniya. Matandang dalaga na ang tawag sa kaniya. Gusto niya namang maranasang mahalin. Gusto niya namang maranasang magmahal. Pero kailan nga ba darating ang sinasabing tamang tao at tamang panahon para sa kaniya?

“Ngumiti ka naman kasi. Bawas-bawasan mo ang pagiging suplada mo…”

Iyan naman ang laging ipinapaalala ng kaniyang amang si Mang Nicolas sa kaniya. Binubuyo siya nito. Sino na lamang daw ang mag-aalaga sa kaniya kapag kinuha na raw siya ni San Pedro.

“Hindi naman po ako nagmamadali.” Lagi niyang isasagot.

“Hindi nagmamadali? 40 anyos ka na. Hindi ka na bumabata.”

Eh anong magagawa niya eh sa wala?!

Magmula kay Mang Nicolas hanggang sa mga kaklase niya noong kolehiyo, pare-pareho ng kantiyaw sa kaniya. Kagaya ngayon. Nag-aya ng reunion ang kaniyang mga kaibigan sa isang coffee shop lang naman. Lahat sila may mga karelasyon. Siya na lamang ang wala, kaya siya ang naging ulam ng usapan.

“Naku Edith kung ako sa iyo, huwag ka nang choosy! Kung sino ang manligaw sa ‘yo sagutin mo na kaagad! 40 ka na at baka magsara na ang kemerut mo!” pabirong banat ni Angela, ang pinakataklesa sa kanila.

“Grabe ka naman! Hindi naman ako ganoon kadesperada. Magkaka-boyfriend nga ako pero hindi naman matino, sasaktan lang ako. ‘Di bale na lang!” saad naman ni Edith. Medyo nainis siya kay Angela subalit hindi na lamang siya nagpahalata.

“Oo nga naman. Ikaw talaga Angela! Kung ano-anong itinuturo mo kay Edith. Siyempre naman, may karapatan namang mamili yung tao para sa kaniyang sarili. Hindi naman porke’t old maid na eh magiging desperada na sa paghahanap ng lalaki. Kusang darating ‘yan,” pagtatanggol naman sa kaniya ni Neftalie.

Hay salamat Nef!!! Sigaw ng isip ni Edith.

“Ang akin lang, baka naman kasi masyadong pihikan ang friend natin kaya hindi makahanap ng mamahalin. Alam mo Edith, minsan kailangan ding mag-adjust para sa ibang tao, hindi ka talaga makakahanap niyan kung perfect guy yata ang hinahanap mo,” giit pa ni Angela.

“Alam ninyo guys, mabuti sana kung may nanliligaw talaga sa akin, eh wala nga. Teka nga, punta lang ako sa comfort room,” saad ni Edith. Tumayo siya upang magbanyo. Ihing-ihi na siya.

Hindi niya napansin na panlalaking banyo pala ang napasukan niya. Huli na—dahil pagpasok pa palamang niya, sakto namang nakita niya ang hindi inaasahang makita. Agad na nagtaas ng kaniyang zipper ang lalaki. Agad na nagtakip naman ng mga mata si Edith.

“Miss, hindi ka ba nagbabasa?” nabiglang tanong ng lalaki sa kaniya.

Pahiyang-pahiya si Edith. Namumula ang kaniyang mukha.

“S-Sorry… pasensiya ka na, hindi ko napansin,” saad ni Edith. Hiyang-hiya siya sa kaniyang sarili, lalo na sa lalaki. Guwapo pa naman ito.

Agad na umalis na si Edith at nagtungo na sa tamang palikuran ng mga babae.

Pagbalik niya, hindi niya inaasahan ang lalaking nasa kanilang mesa. Ang lalaking nakitaan niya! Sabay pa silang nagsabi ng “Ikaw?”

“Magkakilala na kayo?” tanong ni Angela. “Wait, don’t tell me si Edith yung kinuwento mong nagkamali sa pagpasok sa comfort room ng mga lalaki?” tanong ni Angela sa lalaki.

“Kilala mo siya?” tanong ni Edith.

“Oo nga pala, Edith. Ito pala ang kababata kong si Dennis. Pinapunta ko talaga siya rito para sana i-blind date sa iyo. Pero nagkita na pala kayo, at may nakita ka na sa kaniya,” natatawang paliwanag naman ni Angela.

“Hi Miss Edith… It’s nice to know you in this proper time and place,” natatawang sabi ni Dennis.

At doon na nagsimula ang pagkakaibigan nina Dennis at Edith. Sinusupladahan man ni Edith si Dennis, naging matiyaga naman ito sa pakikipagkaibigan sa kaniya, hanggang sa mahulog ang loob nila sa isa’t isa. Naging magkasintahan sila. Matapos ang ilang taon, ipinasya nilang magpakasal na.

“Mahal na mahal kita Edith,” saad ni Dennis sa kaniya matapos ang kanilang pagpapakasal.

“Mahal na mahal din kita, Dennis. Hindi ko akalaing literal na makikilala kita sa lugar at oras na hindi inaasahan. Totoo pala iyon,” sabi ni Edith sa kaniyang mister.

Tinanaw nila ang papalubog na araw sa kanluran. Nasa dalampasigan sila ng mga oras na iyon, magkahawak-kamay.

Tunay ngang ang pag-ibig ay makahihintay sa tamang taon at tamang panahon.

Advertisement