Kilalang “Gate Crasher” ang Ginang sa Kanilang Barangay Dahil Wala Itong Pinalalagpas na Handaan; Ano nga Kaya ang Dahilan?
Narinig ni Abigail ang pagbubulungan ng kaniyang mga katabing tatlong tsismosa, na imbitado sa despedida party ng kaniyang Tiya Yayo, na magtutungo sa isabng bansa sa makalawa.
“Nariyan na naman si Lugring! Hindi naman ‘yan inimbitahan dito, kapal talaga ng mukha,” saad ng isang babae.
“Oo nga. Tingnan mo mamaya, may mga plastik na dala ‘yan. Dakilang gate crasher ‘yan, palibhasa mukhang patay-gutom,” sagot naman ng isa. “Noong nakaraan, nagpunta ‘yan sa reception sa kasal ng anak ni Kumareng Bale.”
Tiningnan ni Abigail ang tinutukoy na Lugring. Kasalukuyan itong kumakain nang handa ng kaniyang tiyahin. Nagtataka rin siya kung sino ito. Walang kumakausap sa kaniya. Baka kilala ng kaniyang tiyahin. Tantiya niya ay nasa 65 taong gulang na ito.
Kaya naman, nilapitan ni Abigail ang kaniyang tiyahin upang tanungin kung kakilala niya ito.
“Tiya, kilala n’yo po ba yung babaeng iyon?” bulong ni Abigail sa kaniyang tiyahin. Inginuso niya ang tinawag ng dalawang tsismosa na si Lugring.
“Oo kilala ko siya pero hindi kami magkaibigan. Taga rito iyan sa amin. Kilalang gate crasher iyan, pati ba naman dito sa despedida ko hindi pinalagpas?” bulalas ng kaniyang tiyahin.
“Hayaan na natin, tiya. Baka naman nagugutom siya. Nariyan na siya eh. Alangan namang paalisin natin, nakakahiya rin. Baka kung anong masabi ng mga kapitbahay natin,” mungkahi ni Abigail.
Hindi na naenjoy pa ni Abigail ang pakikipag-bonding sa iba pa nilang kakilalang bisita. Nakaantabay kasi siya sa gate crasher dahil inaabangan niya kung totoo ba ang narinig niyang may dala-dala itong mga plastik para makapag-uwi ng kanilang handa.
Naisip ni Abigail, may mga tao talagang kayang kalimutan ang hiya alang-alang sa kanilang mga gusto, kagaya ng babaeng ito. Hindi man lamang nahiya sa kaniyang tiyahin, na kung tutuusin ay hindi naman siya kakilala.
Maya-maya, napansin nga ni Abigail na unti-unti nang naglalabas ng mga plastik na nakatago sa bag ang babae. Luminga-linga ito sa paligid. Abala ang iba pang mga bisita sa pakikipagkumustuhan sa isa’t isa. Hanggang sa dumukwang na nga si Lugring. Isinilid sa plastik ang tatlong hita ng pritong manok. Mabilis na ipinasok sa loob ng malaking shoulder bag ang plastik.
Pagkatapos, naglabas pa ito ng isang plastik. Mga lumpia naman ang agad na dinakma at inilagay rin sa plastik. Nang makapaglagay na ito, mabilis na inilagay sa bag na parang walang nangyari.
Napailing na lamang si Abigail sa kaniyang nasaksihan. Lalapitan niya sana si Lugring upang sitahin ito subalit nilapitan naman siya ng kaniyang pinsan. Nakita naman niyang lumabas na ng bahay si Lugring, subalit tila may nalimutan ito. Ang payong nitong de-tiklop.
Nagpaalam si Abigail sa kaniyang pinsan. Kinuha ang payong ni Lugring. Lumabas siya upang habulin ito, subalit matulin na ang lakad ni Lugring. Ipinasya na lamang niyang sundan ito sa paglalakad.
Sa kaniyang pagsunod-sunod kay Lugring upang i-abot dito ang payong nito, nakarating siya sa barong-barong na bahay nito. Kalunos-lunos ang anyo ng tahanan nito. Sinalubong siya ng mga batang tantiya niya ay nasa 9 at 10 taong gulang. Dinig na dinig niya ang naging usapan ng mga ito.
“Lola, gutom na gutom na po kami! May pasalubong po ba kayo?” tanong ng batang babae, na tantiya niya’y panganay na anak ni Lugring.
“Oo apo. Nakapag-uwi ako galing sa party na pinuntahan ko. Hulaan ninyo kung ano!”
“Fried chicken?” sabay na tanong ng dalawang bata.
“Fried chicken!”
Nagpalakpalakan ang dalawang bata. Nagsipasok na sa loob.
Nakaramdam ng kurot sa kaniyang puso si Abigail. Bago pumasok sa loob ng barong-barong si Lugring, lumapit na sa bakuran si Abigail upang i-abot dito ang payong.
“Ale, naiwan po ninyo itong payong ninyo,” saad ni Abigail.
“Naku Miss maraming salamat! Nag-abala ka pa. Teka, hindi ba ikaw yung pamangkin ng may pa-despedida kanina?” pasasalamat at tanong sa kaniya ni Lugring.
“Opo, ako nga. Nakita ko rin po ang pagdadala ninyo ng pagkain, kahit na hindi pala kayo talaga imibitado,” pag-amin ni Abigail.
Pulang-pula naman ang mukha ni Lugring.
“Pasensiya na. Kailangan kong gawin ang bagay na iyon para sa mga apo ko. Naiwan sa akin, inabandona ng ama nila, at nahihirapan akong humanap ng trabaho dahil medyo may edad na ako. Pero hindi naman ako humihinto sa paglalakad-lakad para makahanap. Iyon nga lang, kapag may nakita akong handaan, pikit-mata akong pumapasok para lang makakuha ng pagkain. Nilulunok ko ang kahihiyan, para sa mga apo ko,” nakayukong paliwanag ni Lugring.
Saka naunawaan ni Abigail ang lahat. Maling husgahan niya kaagad ang ginang.
Kinabukasan, bitbit ni Abigail ang ilang mga de-lata at pagkaing sobra sa handaan ng kaniyang tiya. Patungo siya sa barong-barong nina Lola Lugring. Tiyak na may sasayang dalawang bata sa kaniyang sorpresa.