Labis ang Inis ng Dalawang Binata sa Kanilang Matandang Boss; Magugulat Sila nang Isang Araw ay may Kabaong sa Kanilang Opisina
Inis na inis at walang patid sa pagdadabog ang inhinyerong si Jem nang makabalik sa kaniyang pwesto sa opisina. Ang aga-aga pa kasi ngunit sinalubong na siya ng bulyaw ng kaniyang mahigpit at masungit na among si Ricardo.
“Akala mo kung sinong magaling kung makapagsalita. Kung kaya niya pala’y, e ‘di, siya na lang ang gumawa. Humihingi lang ako ng kaunting palugit! Wala nang panahong magsaya dahil sa kaniya!” saad niya sa katrabaho at kaibigang si Mark.
“Bakit? Sinabon ka rin ba ni boss? Nung isang araw ako naman ang pinag-initan niyan. May mali lang ng konti sa modelong ipinasa ko sa kaniya’y kung anu-ano na rin ang sinabi! Nakakainis talaga!” sambit naman ng binata.
“Siguro ay dala na rin ng kaniyang katandaan kung bakit siya ganiyan. Tingnan mo nga at walang tumatagal sa kaniyang empleyado. Konti na lang ay pati ako’y hahanap na rin ng ibang mapapasukan. Hindi ko na kaya ang manatili dito!” ani Jem.
“Tama ka. Kung hindi naman dahil sa ating mga manggagawa niya’y hindi rin naman kikita itong kompanya niya. Sa totoo lang ay namimiss ko na rin ang makalasap ng alak at magpunta sa bar. Wala na tayong inatupag kung hindi ang trabaho. Wala namang asenso dito,” saad naman ni Mark.
Araw-araw ay ganito ang usapan ng magkaibigan. Wala silang pinag-usapan kung hindi ang pag-alis nila sa kompanyang pinagtatrabahuhan dahil sa higpit ng kanilang among matanda. Mahigpit kasi ito sa mga deadlines. Gusto ng kanilang boss ay laging pulido ang gawa. Idagdag mo pa ang pagiging metikuloso nito.
Halos isumpa ng dalawa ang ganitong ugali ng kaniyang matandang boss. Kaya kahit na alam nilang may kailangan silang tapusin ay nagpunta pa rin sila sa bar pagkatapos ng trabaho at nagpakalango upang makalimutan saglit ang nangyaring pamamahiya sa kanila.
Kinabukasan ay nagkukumahog na naman ang dalawa sa pagpasok sa opisina. Parehas kasi silang tinanghali ng gising.
Ngunit sa kanilang pagtataka ay walang pasok sa kanilang opisina at lahat ay abala sa pag-aayos ng bulaklak. Nakita na lamang nila ang isang papel na nakapaskil sa pinto.
Sumakabilang buhay na ang taong nagpapahirap sa inyo.
Ito ang nakasaad sa papel.
Unang pumasok sa kanilang isipan ang matandang amo. Hindi sila makapaniwala sa sandaling iyon na sumalangit na pala ito.
Hindi nila alam ang mararamdaman kung malulungkot ba sila o matutuwa. Kahit na kasi lagi silang pinapagalitan nito’y hindi mo maitatanggi na kawalan talaga ito sa kanilang industriya.
Pumasok ang dalawa sa tanggapan at doon ay nakita nila ang isang ataul.
Sa puntong ito ay napayuko na lamang ang dalawa. Unti-unti silang lumapit sa ataul at dahan-dahan na sumilip.
Laking pagtataka nilang wala itong taong laman at ang tanging nandoon lamang ay ang salamin. Kaya nang pagsilip nila’y ang kanilang mga sarili ang kanilang mga nakita.
Ilang sandali pa ay lumabas na ang kanilang amo.
“Akala niyo siguro’y ako ang nakahimlay sa ataul na iyan,” saad ni Ricardo.
“Nagulat ba kayo na nakita niyo ang inyong mga sarili?” dagdag pa nitong tanong.
Ang hindi alam ng dalawa’y batid ng kanilang amo ang kanilang mga ginagawa at masasamang sinasabi dito. Upang turuan sila ng leksyon ay kaya niya ito ginawa.
“Kung akala niyo’y ako ang nagpapahirap sa inyo’y nagkakamali kayo. Walang ibang nagpapahirap sa inyo kung hindi ang inyong mga sarili. Kayo ang humihila sa sarili niyo pababa.
Hindi ko mararating ang narating ko ngayon kung hindi ako nagsumikap. Lahat ng pinagdaraan niyo ngayon ay napagdaanan ko rin at higit pa. Ngunit hindi ako nagreklamo. Lahat ay tinanaw ko bilang pagsubok na kailangan kong malagpasan.
Ang kasaganahan sa buhay ay hindi lamang basta iaabot sa inyo ng mundo. Kailangan niyo itong pagsumikapan. Ngayon kailangan niyong mamili, kasama ba ng ataul na iyan ay ililibing na rin ang mga kakahayan niyo sa buhay?
Manatili man kayo o hindi sa aking kompanya ay wala akong pakialam. Kayang kaya kong kumuha ng mas magagaling pa sa inyo. Ngunit binibigyan ko kayo ng pagkakataong maabot o higitan pa ang mayroon ako ngayon. Kaya nais ko kayong matuto. Hindi pa huli ang lahat upang itama niyo ang inyong mga pagkakamali,” paliwanag ng amo.
Labis na napahiya ang dalawang magkaibigan. Hindi nila akalaing gagastos pa nang ganito ang kanilang amo para lamang maibigay sa kanila ang aral na kailangan nilang matutunan.
Lubos ang paghingi nila ng tawad sa matandang amo. Ngayon ay mas nakita na nila ang mabait nitong puso. Hindi na sila umalis pa sa naturang kompanya bagkus ay pinagbuti na lamang nila ang kanilang mga trabaho.
Tuluyang nag-iba na ang pananaw nina Jem at Mark sa kanilang buhay. Hindi na nila tinitingnan na masama ang ginagawa ng kanilang matandang among si Ricardo bilang parusa kung hindi ay pagsubok upang sila lalo ay gumaling at magtagumpay rin sa kanilang larangan at maging sa kanilang buhay.